Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 19:15-16

15 Sinabi(A) ng Panginoon sa kanya, “Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.

16 Si(B) Jehu na anak ni Nimsi ay iyong buhusan ng langis upang maging hari sa Israel; at si Eliseo na anak ni Shafat sa Abel-mehola ay iyong buhusan ng langis upang maging propeta na kapalit mo.

1 Mga Hari 19:19-21

Si Eliseo ay Naging Kahalili ni Elias

19 Kaya't umalis siya roon at natagpuan niya si Eliseo na anak ni Shafat na nag-aararo, na may labindalawang pares ng baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabindalawa. Dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kanya ang kanyang balabal.

20 Kanyang iniwan ang mga baka, patakbong sumunod kay Elias, at sinabi, “Hayaan mong hagkan ko ang aking ama at aking ina, pagkatapos ay susunod ako sa iyo.” At sinabi niya sa kanya, “Bumalik ka uli, sapagkat ano bang ginawa ko sa iyo?”

21 At siya'y bumalik mula sa pagsunod sa kanya, at kinuha ang mga pares ng baka. Kanyang kinatay ang mga iyon at inilaga ang laman sa pamamagitan ng mga pamatok ng mga baka. Ibinigay niya iyon sa taong-bayan at kanilang kinain. Pagkatapos, tumindig siya at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kanya.

Mga Awit 16

Miktam ni David.

16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
    ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”

Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
    sa kanila ako lubos na natutuwa.
Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
    ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
    ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.

Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
    ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
    oo, ako'y may mabuting mana.

Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
    maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
    hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.

Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
    ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
    ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.

11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
    sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
    sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.

Galacia 5:1

Ang Kalayaan kay Cristo

Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.

Galacia 5:13-25

13 Sapagkat kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; subalit huwag lamang ninyong gagamitin ang inyong kalayaan bilang isang kadahilanan para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay maging alipin kayo ng isa't isa.

14 Sapagkat(A) ang buong kautusan ay natutupad sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

15 Ngunit kung kayo-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.

Ang mga Gawa ng Laman

16 Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.

17 Sapagkat(B) ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa, upang hindi ninyo magawa ang mga bagay na nais ninyong gawin.

18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan.

19 Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman, ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kahalayan,

20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, alitan, pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi,

21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at ang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng aking pagbabala noong una sa inyo, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

Ang Bunga ng Espiritu

22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,

23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan.

24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito.

25 Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu.

Lucas 9:51-62

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nayon ng mga Samaritano

51 Nang malapit na ang mga araw upang siya'y tanggapin sa itaas, itinutok niya ang kanyang sarili[a] sa pagpunta sa Jerusalem.

52 Nagpadala siya ng mga sugo na una sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya.

53 Subalit hindi nila tinanggap siya, sapagkat siya[b] ay nakatutok sa Jerusalem.

54 At(A) nang makita ito nina Santiago at Juan na kanyang mga alagad ay sinabi nila, “Panginoon, ibig mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila'y tupukin?”[c]

55 Subalit humarap siya at sila'y sinaway.[d] At sila'y pumunta sa ibang nayon.

Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(B)

57 Habang naglalakad sila sa daan ay may nagsabi sa kanya, “Ako'y susunod sa iyo saan ka man magpunta.”

58 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo.”

59 Sinabi niya sa iba, “Sumunod ka sa akin.” Subalit siya'y sumagot, “Panginoon, hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama.”

60 Subalit sinabi ni Jesus[e] sa kanya, “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.”

61 At(C) sinabi naman ng isa pa, “Ako'y susunod sa iyo, Panginoon, subalit hayaan mo muna akong magpaalam sa mga nasa bahay ko.”

62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001