Revised Common Lectionary (Complementary)
Miktam ni David.
16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
2 Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”
3 Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
sa kanila ako lubos na natutuwa.
4 Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.
5 Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
6 Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
oo, ako'y may mabuting mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
8 Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.
15 “Ngunit tumaba si Jeshurun at nanipa;
ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis.
Nang magkagayo'y tinalikuran niya ang Diyos na lumalang sa kanya,
at hinamak ang Bato ng kanyang kaligtasan.
16 Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga diyos,
sa pamamagitan ng mga karumaldumal, kanilang ibinunsod siya sa pagkagalit.
17 Sila'y(A) naghandog sa mga demonyo na hindi Diyos,
sa mga diyos na hindi nila nakilala,
sa mga bagong diyos na kalilitaw pa lamang,
na hindi kinatakutan ng inyong mga ninuno.
18 Hindi mo pinansin ang Batong nanganak sa iyo,
at kinalimutan mo ang Diyos na lumalang sa iyo.
19 “At nakita ito ng Panginoon, at kinapootan sila,
dahil sa panggagalit ng kanyang mga anak na lalaki at babae.
20 At kanyang sinabi, ‘Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila,
aking titingnan kung ano ang kanilang magiging wakas;
sapagkat sila'y isang napakasamang lahi,
mga anak na walang katapatan.
21 Kinilos(B) nila ako sa paninibugho doon sa hindi diyos;
ginalit nila ako sa kanilang mga diyus-diyosan.
Kaya't paninibughuin ko sila sa mga hindi bayan;
aking gagalitin sila sa pamamagitan ng isang hangal na bansa.
22 Sapagkat may apoy na nag-aalab sa aking galit,
at nagniningas hanggang sa Sheol,
at lalamunin ang lupa pati ang tubo nito,
at pag-aapuyin ang saligan ng mga bundok.
23 “‘Aking dadaganan sila ng mga kasamaan;
aking uubusin ang aking pana sa kanila.
24 Sila'y mapupugnaw sa gutom,
at lalamunin ng maningas na init,
at ng nakalalasong salot;
at ang mga ngipin ng mga hayop ay isusugo ko sa kanila,
pati ng kamandag ng gumagapang sa alabok.
25 Sa labas ay namimighati ang tabak,
at sa mga silid ay malaking takot;
kapwa mawawasak ang binata at dalaga,
ang sanggol pati ng lalaking may uban.
26 Aking sinabi, “Ikakalat ko sila sa malayo,
aking aalisin ang alaala nila sa mga tao,”
27 kung hindi ko kinatatakutan ang panghahamon ng kaaway;
baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali,
baka kanilang sabihin, “Ang aming kamay ay matagumpay,
at hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito.”’
39 “‘Tingnan ninyo ngayon, ako, samakatuwid ay Ako nga,
at walang diyos liban sa akin;
ako'y pumapatay at ako'y bumubuhay;
ako'y sumusugat at ako'y nagpapagaling;
at walang makakaligtas sa aking kamay.
40 Sapagkat aking itinataas ang aking kamay sa langit,
at sumusumpa, ‘Buháy ako magpakailanman.
41 Kung ihahasa ko ang aking makintab na tabak,
at ang aking kamay ay humawak sa hatol,
ako'y maghihiganti sa aking mga kaaway,
at aking gagantihan ang mga napopoot sa akin.
42 At aking lalasingin ng dugo ang aking palaso,
at ang aking tabak ay sasakmal ng laman;
ng dugo ng patay at ng mga bihag,
mula sa ulong may mahabang buhok ng mga pinuno ng kaaway.’
43 “Magalak(A) kayo, O mga bansa, kasama ng kanyang bayan;
sapagkat ipaghihiganti niya ang dugo ng kanyang mga lingkod,
at maghihiganti sa kanyang mga kalaban,
at patatawarin ang kanyang lupain, ang kanyang bayan.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Pagdurusa at Kamatayan(A)
21 Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,
22 na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”
23 At(B) sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.
24 Sapagkat(C) ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.
25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?
26 Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.
27 Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001