Revised Common Lectionary (Complementary)
Miktam ni David.
16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
2 Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”
3 Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
sa kanila ako lubos na natutuwa.
4 Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.
5 Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
6 Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
oo, ako'y may mabuting mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
8 Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.
Si Elias at si Haring Ahazias
1 Pagkamatay ni Ahab, ang Moab ay naghimagsik laban sa Israel.
2 Si Ahazias ay nahulog sa sala-sala ng kanyang silid sa itaas sa Samaria, at nagkasakit. Kaya't siya'y nagpadala ng mga sugo, at sinabi sa kanila, “Humayo kayo, sumangguni kayo kay Baal-zebub, na diyos ng Ekron, kung ako'y gagaling sa sakit na ito.”
3 Ngunit sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na Tisbita, “Bumangon ka, umahon ka upang salubungin ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, ‘Dahil ba sa walang Diyos sa Israel, kaya't kayo'y nagsisihayo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?’
4 Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ikaw ay hindi aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’” Kaya't si Elias ay pumaroon.
5 Nang ang mga sugo ay nagsibalik sa hari, at sinabi niya sa kanila. “Bakit kayo'y nagsibalik?”
6 At sinabi nila sa kanya, “May dumating na isang lalaki at sinalubong kami, at sinabi sa amin, ‘Kayo'y bumalik sa haring nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, “Dahil ba sa walang Diyos sa Israel kaya't ikaw ay nagsusugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?” Kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’”
7 Sinabi niya sa kanila, “Ano ang anyo ng lalaking iyon na dumating at sumalubong sa inyo, at nagsabi sa inyo ng mga bagay na ito?”
8 Sila'y(A) sumagot sa kanya, “Siya'y lalaking mabalahibo[a] at may pamigkis na balat ng hayop sa kanyang mga balakang.” At kanyang sinabi, “Iyon ay si Elias na Tisbita.”
9 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari sa kanya ng isang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. Umahon siya kay Elias na nakaupo sa tuktok ng burol, at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, sinabi ng hari, ‘Bumaba ka.’”
10 Ngunit(B) si Elias ay sumagot at sinabi sa kapitan, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.
11 Muling nagsugo ang hari sa kanya ng isa pang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. At siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, ganito ang sabi ng hari, ‘Bumaba ka agad!’”
12 Subalit si Elias ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At ang apoy ng Diyos ay bumabang mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.
13 At muling nagsugo ang hari ng kapitan ng ikatlong limampu kasama ng kanyang limampu. At ang ikatlong kapitan ng limampu ay umahon, at dumating at lumuhod sa harapan ni Elias, at nakiusap sa kanya, “O tao ng Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limampung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.
14 Bumaba ang apoy mula sa langit, at tinupok ang dalawang unang kapitan ng limampu pati ang limampung kawal nila; ngunit ang aking buhay nawa'y maging mahalaga sa iyong paningin.”
15 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Bumaba kang kasama niya; huwag kang matakot sa kanya.” At siya'y tumindig at bumabang kasama niya hanggang sa hari.
16 At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat ikaw ay nagpadala ng mga sugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron, dahil ba sa walang Diyos sa Israel na mapagsasanggunian ng kanyang salita?—kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na mamamatay ka.’”
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia
8 Subalit noong una, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo'y naging mga alipin ng mga hindi likas na diyos.
9 Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin?
10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon.
11 Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan.
12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, kayo'y maging kagaya ko, sapagkat ako'y naging katulad din ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin.
13 Nalalaman ninyo na dahil sa karamdaman ng katawan ay una kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo.
14 Bagaman ang aking kalagayan ay naging isang pagsubok sa inyo, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman kundi tinanggap na gaya sa isang anghel ng Diyos, gaya ni Cristo Jesus.
15 Nasaan na ngayon ang inyong kagandahang-loob?[a] Sapagkat ako'y nagpapatotoo sa inyo, na kung maaari sana ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.
16 Ako ba ngayo'y naging kaaway ninyo sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?
17 Sila'y masigasig sa inyo, subalit hindi para sa mabuting layunin; nais nilang ihiwalay kayo, upang kayo'y maging masigasig sa kanila.
18 Subalit mabuti ang maging laging masigasig sa mabuting bagay at hindi lamang kapag ako'y kaharap ninyo.
19 Minamahal kong mga anak, na para sa inyo ay muli akong nakakaranas ng hirap ng panganganak hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo.
20 Nais kong makaharap kayo ngayon at baguhin ang aking tono, sapagkat ako'y nag-aalinlangan tungkol sa inyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001