Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
2 Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
3 na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
4 upang patagong panain nila ang walang sala;
bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
5 Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
6 Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!
7 Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
sila'y masusugatang bigla.
8 Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
9 At lahat ng mga tao ay matatakot;
kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
at bubulayin ang kanyang ginawa.
10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!
Inilarawan ni Bildad ang Wakas ng Masama
18 Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,
2 “Hanggang kailan ka maghahagilap ng mga salita?
Inyong isaalang-alang, pagkatapos kami ay magsasalita.
3 Bakit kami ibinibilang na parang mga hayop?
Bakit kami hangal sa iyong paningin?
4 Ikaw na sumisira sa iyong sarili sa iyong galit,
pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo?
O aalisin ba ang bato mula sa kinaroroonan nito?
5 “Oo,(A) ang ilaw ng masama ay pinapatay,
at ang liyab ng kanyang apoy ay hindi nagliliwanag.
6 Ang ilaw ay madilim sa kanyang tolda,
at ang kanyang ilawan sa itaas niya ay pinatay.
7 Ang kanyang malalakas na hakbang ay pinaigsi,
at ang kanyang sariling pakana ang nagpabagsak sa kanya.
8 Sapagkat siya'y inihagis sa lambat ng kanyang sariling mga paa,
at siya'y lumalakad sa silo.
9 Isang bitag ang humuli sa kanyang mga sakong,
isang silo ang humuli sa kanya.
10 Ang lubid ay ikinubli para sa kanya sa lupa,
isang patibong na para sa kanya sa daan.
11 Mga nakakatakot ang tumakot sa kanya sa bawat panig,
at hinahabol siya sa kanyang mga sakong.
12 Nanlalata sa gutom ang kanyang kalakasan,
at handa para sa kanyang pagbagsak ang kapahamakan!
13 Dahil sa karamdaman ay nauubos ang kanyang balat,
lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kanyang mga sangkap.
14 Siya'y niluray sa tolda na kanyang pinagtitiwalaan,
at siya'y dinala sa hari ng mga kilabot.
15 Sa kanyang tolda ay nakatira ang di niya kaanu-ano,
ang asupre ay ikinalat sa kanyang tahanan.
16 Ang kanyang mga ugat sa ilalim ay natutuyo,
at sa ibabaw ay nalalanta ang kanyang sanga.
17 Ang kanyang alaala ay naglalaho sa lupa,
at siya'y walang pangalan sa lansangan.
18 Siya'y itatapon mula sa liwanag tungo sa kadiliman,
at itataboy sa labas ng sanlibutan.
19 Siya'y walang anak, ni apo man sa kanyang bayan,
at walang nalabi sa dati niyang tinitirhan.
20 Silang mula sa kanluran ay mangingilabot sa kanyang araw,
at ang lagim ay babalot sa mga nasa silangan.
21 Tunay na ganyan ang tahanan ng mga makasalanan,
sa mga hindi nakakakilala sa Diyos ay ganyan ang kalagayan.”
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.
19 Sapagkat(A) nasusulat,
“Aking wawasakin ang karunungan ng marurunong,
at ang pang-unawa ng mga matatalino ay aking bibiguin.”
20 Nasaan(B) ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang bihasang makipagtalo ng panahong ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan?
21 Sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan nito, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral.
22 Sapagkat ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda, at ang mga Griyego ay humahanap ng karunungan,
23 subalit ipinangangaral namin ang Cristo na ipinako sa krus, na isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil,
24 ngunit sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos.
25 Sapagkat ang kahangalan ng Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao.
26 Sapagkat tingnan ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid: kakaunti sa inyo ang matatalino ayon sa pamantayan ng tao,[a] hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang isinilang na marangal.
27 Kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang matatalino. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang malalakas.
28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at hinahamak sa sanlibutan, maging ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahahalaga,
29 upang walang sinuman[b] ang magmalaki sa harapan ng Diyos.
30 Subalit kayo ay na kay Cristo Jesus, na naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan, at katubusan,
31 upang(C) ayon sa nasusulat, “Ang nagmamalaki ay ipagmalaki ang Panginoon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001