Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
2 Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
3 na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
4 upang patagong panain nila ang walang sala;
bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
5 Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
6 Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!
7 Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
sila'y masusugatang bigla.
8 Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
9 At lahat ng mga tao ay matatakot;
kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
at bubulayin ang kanyang ginawa.
10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!
Naniniwala si Job na Siya'y Pawawalang-sala ng Diyos
19 At sumagot si Job, at sinabi,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan,
at pipira-pirasuhin ako ng mga salita?
3 Makasampung ulit ninyo akong pinulaan,
hindi ba kayo nahihiyang gawan ako ng masama?
4 At kung totoo man na nagkamali ako,
ay nananatili sa aking sarili ang pagkakamali ko.
5 Kung tunay na itinataas ninyo ang inyong sarili laban sa akin,
at gawin ang aking kakutyaan bilang katuwiran laban sa akin,
6 alamin ninyo ngayon na inilagay ako ng Diyos sa pagkakamali,
at isinara ang kanyang lambat sa paligid ko.
7 Narito, ako'y sumisigaw, ‘Karahasan!’ ngunit hindi ako pinapakinggan,
ako'y humihiyaw ngunit walang katarungan.
8 Kanyang pinaderan ang aking daan kaya't hindi ako makaraan,
siya'y naglagay ng kadiliman sa aking mga daan.
9 Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian,
at inalis ang korona sa aking ulo.
10 Kanyang inilugmok ako sa bawat dako, at ako'y pumanaw,
at ang aking pag-asa ay binunot niyang parang punungkahoy.
11 Kanya rin namang pinapagningas ang kanyang poot laban sa akin,
at ibinilang niya ako na kanyang kaaway.
12 Ang kanyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama,
at naglagay ng mga pangkubkob laban sa akin,
at nagkampo sa palibot ng aking tolda.
13 “Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin,
at ang aking mga kakilala ay lubusang napalayo sa akin.
14 Ang aking mga kamag-anak at malapit na mga kaibigan, ay nagsilayo sa akin.
15 Kinalimutan ako ng mga panauhin sa aking bahay,
itinuring akong isang dayuhan ng aking mga lingkod na kababaihan,
sa kanilang paningin ako'y isang taga-ibang bayan.
16 Ako'y tumatawag sa aking lingkod, at hindi ako sinasagot,
dapat ko siyang pakiusapan ng aking bibig.
17 Kakaiba ang aking hininga para sa aking asawa,
at nakakainis sa mga anak ng sarili kong ina.
18 Pati mga bata ay humahamak sa akin;
kapag ako'y tumayo, sila'y nagsasalita laban sa akin.
19 Lahat ng malapit kong mga kaibigan ay napopoot sa akin,
at ang aking minamahal ay bumaling laban sa akin.
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman,
at ako'y nakatakas nang bahagya lamang.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, O kayong mga kaibigan ko;
sapagkat hinampas ako ng kamay ng Diyos!
22 Bakit ninyo ako tinutugis na gaya ng Diyos?
At hindi pa kayo nasisiyahan sa aking laman?
Iisa kay Cristo
11 Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di-tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao,
12 na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.
13 Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati.
15 Kanyang(A) pinawalang-bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan,
16 at(B) kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan.
17 At(C) siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit.
18 Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama.
19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos,
20 na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.
21 Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon;
22 na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001