Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 1:1-11

Si Jesus ay Umakyat sa Langit

O Teofilo, ako ay sumulat ng unang salaysay patungkol sa lahat ng sinimulang ginawa at itinuro ni Jesus.

Siya ay gumawa at nagturo hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas. Nangyari ito pagkatapos niyang magbigay, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ng mga utos sa mga apostol na kaniyang pinili. Pagkatapos ng kaniyang paghihirap, nagpakita rin siyang buhay sa kanila sa pamamagitan ng maraming katibayan. Siya ay nakita nila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita siya ng mga bagay patungkol sa paghahari ng Diyos. Sa pakikipagtipon niya sa kanila, siya ay nag-utos sa kanila: Huwag kayong umalis sa Jerusalem, sa halip ay hintayin ninyo ang pangako ng Ama na inyong narinig mula sa akin. Ito ay sapagkat totoong si Juan ay nagbawtismo sa tubig ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu ilang araw pa mula ngayon.

Nang sila nga ay nagkatipun-tipon, nagtanong sila sa kaniya: Panginoon, ibabalik mo bang muli ang paghahari sa Israel sa panahong ito?

Sinabi niya sa kanila: May oras o mga panahon na inilagay ng Ama sa sarili niyang kapamahalaan. Ang pagkaalam sa mga ito ay hindi para sa inyo. Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating na sa inyo ang Banal na Espiritu. Kayo ay magiging mga patotoo sa akin sa Jerusalem, sa buong Judea, sa Samaria at sa pinakamalayong bahagi ng lupa.

Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila ay nakamasid, siya ay dinala paitaas. At ikinubli siya ng isang ulap sa kanilang paningin.

10 Nang nakatitig sila, habang siya ay pumapaitaas, narito, dalawang lalaki na nakaputing damit ang tumayo sa tabi nila. 11 Sinabi ng dalawang lalaki: Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatitig sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit mula sa inyo ay babalik din katulad ng pagpunta niya sa langit na inyong nakita.

Efeso 1:15-23

Pasasalamat at Pananalangin

15 Kaya nga, ako ay nagpapasalamat para sa inyo, nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal.

16 Dahil dito, patuloy din akong nagpapasalamat para sa inyo at binabanggit ko kayo sa aking mga panalangin. 17 Dumadalangin ako sa Diyos ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng kaluwal­hatian, na ipagkaloob niya sa inyo ang espiritu ng karunungan at kapahayagan sa kaalaman sa kaniya. 18 Idinadalangin kong maliwanagan ang mata ng inyong isipan upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa ng kaniyang pagtawag at kung ano ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal. 19 Idinadalangin kong malaman ninyo kung ano ang nakaka­higit na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan patungkol sa atin na sumasampalataya, ayonsa paggawa ng lawak ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, binuhay niya si Cristo mula sa mga patay at siya ay kaniyang pinaupo sa bahaging kanan ng kaniyang kamay sa kalangitan. 21 Doon siya ay higit na nakakataas sa bawat pamunuan at kapamahalaan at kapang­yarihan at pag­hahari at sa bawat pangalang ipinangalan. Ito ay hindi lamang sa kapanahunang ito kundi sa darating pa. 22 At ang lahat ng mga bagay ay ipinailalim niya sa kaniyang mga paa. At ipinagkaloob sa kaniya na maging ulo ng lahat-lahat ng mga bagay para sa iglesiya. 23 Ang iglesiya ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat lahat.

 

Lucas 24:44-53

44 Sinabi niya sa kanila: Ito ang mga salitang sinabi ko sa inyo nang ako ay kasama pa ninyo. Sinabi ko sa inyo na dapat maganap ang lahat ng mga bagay patungkol sa akin. Ito ay ang mga isinulat sa mga aklat ng kautusan ni Moises, at aklat ng mga propeta at ng mga Awit.

45 Pagkatapos, binuksan niya ang kanilang mga pang-unawa upang maunawaan nila ang mga kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila: Sa ganitong paraan ito ay naisulat at sa ganito ring paraan kinakailangang ang Mesiyas ay maghirap at babangon mula sa mga patay sa ikatlong araw. 47 Sa ganitong paraan ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat maihayag sa lahat ng mga bansa sa kaniyang pangalan, simula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama. Ngunit manatili kayo sa lungsod ng Jerusalem hanggang kayo ay mabihisan ng kapangyarihang mula sa itaas.

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

50 Dinala sila ni Jesus hanggang sa Betania. Doon ay itinaas niya ang kaniyang mga kamay at pinagpala sila.

51 At nang­yari, habang pinagpapala niya sila, na siya ay nahiwalay sa kanila at dinalang paitaas sa langit. 52 Siya ay sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan. 53 Sa templo, sila ay nagpatuloy na nagpupuri at nagpapala sa Diyos. Siya nawa!

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International