Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Iglesiya sa Antioquia
19 Ang mga mananampalatayang nangalat dahil sa kahirapan na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Wala silang ibang pinagsaysayan ng salita kundi ang mga Judio lamang.
20 Ngunit ang ilan sa kanila na taga-Chipre at taga-Cerene ay dumating sa Antioquia. Sila ay nagsalita sa mga Judio naang wika ay Griyego at ipinangangaral ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. 21 Ang kamay ng Panginoon ay sumakanila. Marami sa kanila ang sumampalataya at nanumbalik sa Panginoon.
22 Ang ulat patungkol sa mga bagay na ito ay nakarating sa pandinig ng iglesiya na nasa Jerusalem. Sinugo nila si Bernabe hanggang sa Antioquia. 23 Nang siya ay dumating, nakita niya ang biyaya ng Diyos. Siya ay nagalak at ipinamanhik niya sa lahat na sa kapasiyahan ng kanilang puso ay manatili sila sa Panginoon. 24 Ito ay sapagkat siya ay mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya. Kaya ang napakaraming tao ay nadagdag sa Panginoon.
25 Si Bernabe ay pumunta sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 At nang siya ay matagpuan niya, dinala niya siya sa Antioquia. Nangyari na sa buong isang taon, sila ay nakipagtipon sa buong iglesiya. Sila ay nagturo sa maraming tao. Ang mga alagad ay unang tinawag na mga Kristiyano sa Antioquia.
Copyright © 1998 by Bibles International