Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 16:16-34

Si Pablo at Silas sa Bilangguan

16 Nangyari na nang kami ay patungo sa pook-dalanginan, sinalubong kami ng isang dalagitang may espiritu ng panghuhula. Malaki ang kinikita ng kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng kaniyang panghuhula.

17 Siya ay sumunod kay Pablo at sa amin. Sumisigaw siya na sinasabi: Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos. Ipina­ngangaral nila sa atin ng daan ng kaligtasan. 18 Maraming araw na ginagawa niya ang ganito. Ngunit si Pablo, na nabagabag, ay humarap at sinabi sa espiritu: Iniutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo, lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas agad sa oras ding iyon.

19 Ngunit nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na silang pag-asang kumita sa pamamagitan niya, hinuli nila sina Pablo at Silas. Kinaladkad nila sila sa pamilihang dako, sa harapan ng mga may kapangyarihan. 20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, sinabi nila: Ang mga lalaking ito, bilang mga Judio, ay lubos na nanggugulo sa ating lungsod. 21 Sila ay nagpapahayag ng mga kaugaliang hindi natin nararapat na tanggapin o gawin bilang mga taga-Roma.

22 Sama-samang tumindig ang karamihan laban sa kanila. Hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit. Kanilang iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy. 23 Nang masugatan na nila sila nang marami, inihagis nila sila sa bilangguan. Iniutos sa punong-bantay ng bilangguan na bantayan silang mabuti. 24 Nang tanggapin nito ang gayong utos, inihagis nila sila sa kaloob-looban ng bilangguan. Inilagay ang kanilang mga paa sa mga pamiit na napakasakit.

25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nana­langin at umaawit ng papuri sa Diyos. Sila ay pinapakinggan ng mga bilanggo. 26 Bigla na lamang nagkaroon ng isang malakas na lindol. Anupa’t umuga ang mga patibayan ng bilangguan. Kaagad ay nabuksan ang lahat ng mga pinto at nakalas ang mga gapos ng bawat isa. 27 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nagising sa pagkakatulog. Nang makita niyang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kaniyang tabak. Magpapa­kamatay na sana siya sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo. 28 Ngunit si Pablo ay sumigaw ng malakas na sinabi: Huwag mong saktan ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.

29 Siya ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob. Siya ay nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Inilabas niya sila at sinabi: Mga ginoo, ano ang kina­kailangan kong gawin upang maligtas?

31 Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan. 32 Sinalita nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at gayundin sa lahat ng nasa kaniyang bahay. 33 Sila ay kinuha niya sa oras ding iyon ng gabi. Hinugasan ang kanilang mga sugat. Kaagad ay binawtis­muhan siya at ang buo niyang sambahayan. 34 Dinala niya sila sa kaniyang bahay. Hinainan niya sila ng pagkain at nagalak din ang buo niyang sambahayan sapagkat sila ay sumam­palataya sa Diyos.

Pahayag 22:12-14

12 Narito, malapit na Akong dumating. Ang aking gantim­pala ay nasa akin upang igawad sa bawat tao ayon sa kaniyang gawa. 13 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.

14 Pinagpala ang mga tumutupad sa kaniyang mga utos. Sila ay magkakaroon ng karapatang kumain mula sa punong-kahoy ng buhay at pumasok sa mga tarangkahan ng lungsod.

Pahayag 22:16-17

16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang siya ay magpatotoo sa mga bagay na ito sa inyong mga nasa iglesiya. Ako ang ugat at ang anak ni David, ang maningning na tala sa umaga.

17 Ang Espiritu at dalagang ikakasal ay nagsabi: Halika. At ang nakarinig ay dapat magsabi: Halika. Ang nauuhaw ay dapat lumapit. Ang naghahangad ay dapat uminom ng walang bayad sa tubig na nagbibigay buhay.

Pahayag 22:20-21

20 Siya na nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsabi: Oo, ako ay malapit nang dumating.

Siya nawa. Oo, Panginoong Jesus, dumating ka na.

21 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay mapa­sainyo nawang lahat. Siya nawa!

Juan 17:20-26

Ipinanalangin ni Jesus ang Lahat ng Mananampalataya

20 Hindi lamang sila ang aking mga idinadalangin. Idinadalangin ko rin naman ang mga sasampalataya sa akin sa pamamagitan ng salita nila.

21 Idinadalangin ko na sila ay maging isa, Ama, tulad mo na sumasa akin at ako ay sumasa iyo. Idinadalangin ko na silang lahat ay maging isa sa atin, upang ang sangkatauhan ay sumam­palataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ang kaluwal­hatian na ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila ay maging isa tulad natin na isa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin upang sila ay maging ganap na isa at upang malaman ng sangkatauhan na isinugo mo ako. At malaman din nila na iniibig mo sila tulad ng pag-ibig mo sa akin.

24 Ama, nais ko na ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko sa kinaroroonan ko. Ito ay upang mamasdan nila ang aking kaluwalhatian na iyong ibinigay sa akin. Sapagkat iniibig mo na ako bago pa itinatag ang sanlibutan.

25 Amang matuwid, hindi ka nakilala ng sangkatauhan. Ngunit nakikilala kita at alam ng mga ito na ako ay sinugo mo. 26 Inihayag ko sa kanila ang iyong pangalan at ihahayag pa, upang ang pag-ibig mo, na kung saan ay inibig mo ako, ay mapasakanila at ako ay sumakanila.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International