Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Batang si Jesus ay Naiwan sa Loob ng Templo
41 Taun-taon ay pumupunta ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem para sa pista ng Paglagpas.
42 Nang si Jesus ay labindalawang taong gulang na, sila ay umahon sa Jerusalem ayon sa kaugalian ng kapistahan. 43 Sila ay bumalik nang mabuo na nila ang mga araw ng kapistahan. Sa kanilang pagbabalik, ang batang si Jesus ay nanatili sa Jerusalem na hindi nalalaman ni Jose at ng ina ng bata. 44 Sa pag-aakala nilang siya ay nasa kasamahan nila, sila ay yumaon at naglakbay ng isang araw. Pagkatapos nito, hinanap nila siya sa mga kamag-anak at mga kakilala. 45 Nang hindi nila siya natagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at hinanap siya. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, natagpuan nila siya sa templo. Siya ay nakaupo sa kalagitnaan ng mga guro, nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 Ang lahat ng mga nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at mga sagot. 48 Nanggilalas ng labis ang kaniyang mga magulang nang makita siya. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina: Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganiyan? Ako at ang iyong ama ay naghanap sa iyo ng may hapis.
49 Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako hinanap? Hindi ba ninyo alam na kinakailangan kong gawin ang mga bagay na may kinalaman sa aking Ama? 50 Hindi nila naunawaan ang mga salitang sinabi niya sa kanila.
51 At siya ay lumusong na kasama nila at dumating sa Nazaret. Siya ay nagpasakop sa kanila. At iningatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga bagay na ito. 52 At si Jesus ay lumago sa karunungan, at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos, at sa mga tao.
Copyright © 1998 by Bibles International