Revised Common Lectionary (Complementary)
Si Cristo ang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos
18 Sapagkat ang salita patungkol sa krus ay kamangmangan sa mga napapahamak ngunit sa atin na naligtas ito ay kapangyarihan ng Diyos.
19 Ito ay sapagkat nasusulat:
Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at pawawalang kabuluhan ang talino ng matatalino.
20 Nasaan ang marunong? Nasaan ang guro ng kautusan? Nasaan ang nakikipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba ang karunungan ng sanlibutang ito ay ginawa ng Diyos na kamangmangan? 21 Ito ay sapagkat sa karunungan ng Diyos, ang sanlibutan ay hindi nakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Dahil dito ikinalugod ng Diyos na iligtas sila na sumasampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. 22 Ang mga Judio ay humihingi ng tanda at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan. 23 Ang aming ipinangangaral ay si Cristo na ipinako sa krus. Sa mga Judio siya ay katitisuran, sa mga Griyego siya ay kamangmangan. 24 Sa mga tinawag, Judio at Griyego, siya ay Cristo na siyang kapangyarihan ng Diyos at karunungan ng Diyos. 25 Ito ay sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay higit sa karunungan ng tao at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.
26 Sapagkat nakita ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid. Iilan lang ang matatalino ayon sa laman, iilan lang ang makapangyarihan, iilan lang ang maharlika na tinawag. 27 Subalit pinili ng Diyos ang kamangmangan ng sanlibutan upang ipahiya ang marurunong. Pinili niya ang mga mahihina ng sanlibutan upang ipahiya ang mga malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga mabababa sa sanlibutan at mga hinamak at mga bagay na walang halaga upang mapawalang halaga ang mga bagay na itinuturing na mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang makapagmalaki sa harap niya. 30 Dahil sa kaniya, kayo ay na kay Cristo Jesus. Ginawa siya na maging karunungan, katuwiran, kabanalan at katubusan para sa atin mula sa Diyos. 31 Ito ay upang matupad ang nasusulat:
Siya na nagmamalaki, magmalaki siya sa Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International