Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 9:1-6

Ang Pagbabago ni Saulo

Samantala, si Saulo ay namumuhay sa pagbabanta at pagpatay sa mga alagad ng Panginoon. Siya ay pumaroon sa pinakapunong-saserdote.

Humingi siya ng mga sulat para sa mga sinagoga ng Damasco. Sa ganoon, ang sinumang masumpungang niyang nasa Daan, maging mga lalaki o mga babae ay madala niyang nakagapos patungo sa Jerusalem. Sa kaniyang paglalakbay, nang malapit na siya sa Damasco, biglang nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit na tulad sa kidlat. Siya ay nadapa sa lupa at nakarinig siya ng isang tinig na nagsasabi sa kaniya: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sinabi niya: Sino ka ba Panginoon?

Sinabi ng Panginoon: Ako si Jesus na iyong pinag-uusig. Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pantaboy na patpat.

Nanginginig at nagtatakang sinabi niya: Panginoon, ano ang ibig mong gawin ko? Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumunta sa lungsod at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.

Gawa 9:7-20

Ang mga taong kasama niya sa paglalakbay ay nakatayo na hindi makapagsalita. Narinig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. Tumayo si Saulo at ng siya ay dumilat, wala siyang nakitang sinuman. Siya ay inakay nila at dinala sa Damasco. Siya ay tatlong araw na bulag at hindi siya kumain ni uminom man.

10 May isang alagad sa Damasco na nagngangalang Ananias. Sa isang pangitain, sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ananias.

Sinabi niya: Narito ako, Panginoon.

11 Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumaroon sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang nagngangalang Saulo na taga-Tarso sapagkat nananalangin siya ngayon. 12 Sa pangitain nakita ni Saulo ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na lumapit sa kaniya. At ipinatong ni Ananias ang kaniyang kamay kay Saulo upang siya ay makakita.

13 Sumagot si Ananias: Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang patungkol sa lalaking ito kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. 14 Dito ay may kapahintulutan siya mula sa mga pinunong-saserdote na ibilanggo ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.

15 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya: Pumaroon ka. Ito ay sapagkat siya ay sisidlang hirang sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, sa harapan ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ito ay sapagkat ipakikita ko sa kaniya kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang batahin dahil sa aking pangalan.

17 Lumakad nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay upang ipatong kay Saulo ang kaniyang mga kamay na sinabi: Kapatid na Saulo, ang Panginoon, ang nagsugo sa akin. Siya ay si Jesus na nagpakita sa iyo sa daang iyong pinanggalingan. Sinugo niya ako upang tanggapin mo ang iyong paningin at mapuspos ka ng Banal na Espiritu. 18 Agad-agad na nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis. Natanggap niya kaagad ang kaniyang mga paningin. Siya ay tumayo at binawtismuhan. 19 Siya ay kumain at lumakas.

Si Saulo sa Damasco at Jerusalem

Si Saulo ay nakisama ng ilang araw sa mga alagad na taga-Damasco.

20 Pagkatapos ay ipinangaral niya kaagad ang Mesiyas sa mga bahay-sambahan, na siya ang Anak ng Diyos.

Pahayag 5:11-14

11 Nakita ko at narinig ang tinig ng maraming anghel na nakapalibot sa trono, ng mga buhay na nilalang, ng mga matanda at ng mga sampunlibo ng sampunlibo at mga libu-libo ng mga libu-libo. 12 Sinabi nila sa pamamagitan ng isang malakas na tinig:

Ang Korderong kanilang pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karu­nungan at kalakasan at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala.

13 Narinig ko ang tinig ng lahat ng nilalang na naroon sa langit, at sa lupa, at ilalim ng lupa, at silang nasa karagatan at ang lahat ng bagay na nasa kanila, nagsasabi:

Sa kaniya na nakaupo sa trono at sa Kordero, pagpapala at karangalan at kaluwalhatian at kapangyarihan magpa­kailan pa man.

14 At ang apat na buhay na nilalang ay nagsabi: Siya nawa. At ang dalawampu’t apat na mga matanda ay nagpatirapa at sinamba siyang nabubuhay magpakailan pa man.

Juan 21:1-19

Si Jesus at ang Mahimalang Paghuli ng Isda

21 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakitang muli si Jesus sa kaniyang mga alagad sa lawa ng Tiberias. Ganito siya nagpakita:

Magkakasama sina Simon Pedro at Tomas na tinatawag na Kambal at si Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pang mga alagad. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya: Sasama rin kami sa iyo. Lumabas sila mula roon at agad-agad na sumakay sa bangka. Wala silang nahuli nang gabing iyon.

Nang magbubukang-liwayway na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Gayunman, hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.

Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Mga anak, may pagkain bakayo?

Sumagot sila sa kaniya: Wala.

At sinabi niya sa kanila: Ihagis ninyo ang lambat sa dakong kanan ng bangka at makakasumpong kayo. Inihagis nga nila at hindi na nila kayang hilahin ang kanilang lambat dahil sa dami ng isda.

Kaya ang alagad na iyon na inibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro: Ang Panginoon iyon. Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, isinuot niya ang kaniyang pang-itaas na damit dahil siya ay nakahubad. At tumalon siya sa lawa. Ang ibang mga alagad ay dumating na sakay ng maliit na bangka. Hinihila nila ang lambat na may mga isda sapagkat hindi gaanong malayo sa pampang kundi may dalawang-daang siko lamang ang layo mula sa lupa. Pagkalunsad nila sa lupa, nakakita sila ng mga nagbabagang uling. May mga isdang nakapatong doon. May mga tinapay rin.

10 Sinabi ni Jesus sa kanila: Dalhin ninyo rito ang mga isda na ngayon lang ninyo nahuli.

11 Umahon si Simon Pedro. Hinila niya ang lambat sa dalampasigan. Ang lambat ay puno ng mga malalaking isda. Isang daan at limampu’t tatlo ang kanilang bilang. Kahit na ganoon karami ang isda, hindi napunit ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila: Halikayo at mag-agahan. Walang sinuman sa mga alagad ang naglakas ng loob na magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13 Kaya nga, lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito na ang ikatlong ulit na nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad mula nang siya ay ibinangon mula sa mga patay.

Si Pedro ay Muling Pinatatag ni Jesus

15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?

Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakainin mo ang aking mga batang tupa.

16 Sinabi niyang muli sa kaniya sa ikalawang pagka­kataon: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako?

Sinabi ni Pedro sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Alagaan mo ang aking mga tupa.

17 Sinabi ni Jesus sa kaniya sa ikatlong pagkakataon: Simon, anak ni Jonas, may paggiliw ka ba sa akin?

Nagdalamhati si Pedro sapagkat sa ikatlong pagkakataon ay sinabi ni Jesus sa kaniya: May paggiliw ka ba sa akin? Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay. Alam mo na may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakanin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Noong ikaw ay bata pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili. Lumalakad ka kung saan mo ibig. Kapag matanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo. At dadalhin ka sa hindi mo ibig. 19 Sinabi niya ito upang ipahayag kung paano siya mamamatay at maluwalhati niya ang Diyos. Pagkasabi niya nito, sinabi niya sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International