Revised Common Lectionary (Complementary)
15 Ang nagsalita sa akin ay may isang gintong panukat. Taglay niya ito upang sukatin niya ang lungsod, ang tarangkahan nito at ang pader nito. 16 Ang lungsod ay parisukat. Ang haba nito ay katulad din ng luwang nito. Sinukat niya ang lungsod ng panukat. Ang haba, ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat na dalawanglibo at dalawangdaang kilometro. 17 Sinukat niya ang moog at ito ay isangdaan at apatnapu’t apat na siko. Ito ang sukat ng haba ng siko ng isang tao, na siya ring sukat ng anghel. 18 Ang pader ay yari sa haspeng bato. Ang lungsod ay yari sa dalisay na ginto, katulad ng malinaw na salamin. 19 Ang mga saligan ng lungsod ay nagayakan ng lahat ng uri ng mga mahalagang bato. Ang una ay haspeng bato. Ang pangalawa ay sapirang bato. Ang pangatlo ay kalsedonyang bato. Ang pang-apat ay esmeraldang bato. 20 Ang panglima ay batong onise. Ang pang-anim ay batong kornalina. Ang pangpito ay batong krisolito. Ang pangwalo ay batong berilo. Ang pangsiyam ay batong topasyo. Ang pangsampu ay batong krisopraso. Ang panglabing-isa ay batong hasinto. Ang panglabindalawa ay batong amatista. 21 Ang labindalawang tarangkahan ay labindalawang perlas. Ang bawat tarangkahan ay isang perlas. Ang lansangan ng lungsod ay dalisay na ginto katulad ng salaming malinaw.
22 At wala akong nakitang anumang banal na dako dito. Ang dahilan ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ay ang mga banal na dako nito.
Copyright © 1998 by Bibles International