Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 111

111 Purihin ninyo ang Panginoon. Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso, sa kapulungan ng matuwid, at sa kapisanan.

Ang mga gawa ng Panginoon ay dakila, siyasat ng lahat na nagtatamo ng kaligayahan diyan.

Ang kaniyang gawa ay karangalan at kamahalan: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.

Kaniyang ginawa ang kaniyang mga kababalaghang gawa upang alalahanin: ang Panginoon ay mapagbiyaya at puspos ng kahabagan.

Siya'y nagbigay ng pagkain sa nangatatakot sa kaniya: kaniyang aalalahaning lagi ang kaniyang tipan.

Kaniyang ipinakilala sa kaniyang bayan ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa, sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.

Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay katotohanan at kahatulan: lahat niyang mga tuntunin ay tunay.

Nangatatatag magpakailan-kailan man, mga yari sa katotohanan at katuwiran.

Siya'y nagsugo ng katubusan sa kaniyang bayan; kaniyang iniutos ang kaniyang tipan magpakailan man: banal at kagalanggalang ang kaniyang pangalan.

10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.

Exodo 24:1-11

24 At kaniyang sinabi kay Moises, Sumampa ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitong pu ng mga matanda sa Israel; at sumamba kayo mula sa malayo:

At si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; datapuwa't sila'y hindi lalapit; o ang bayan man ay sasampang kasama niya.

At lumapit si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at ang lahat ng mga palatuntunan. At ang buong bayan ay sumagot ng paminsan, at nagsabi, Lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon, ay aming gagawin.

At sinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon ng maaga sa kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labing dalawang batong pinakaalaala, ayon sa labing dalawang lipi ng Israel.

At kaniyang sinugo ang mga binata ng mga anak ni Israel, na nagsipaghandog ng mga handog na susunugin at nagsipaghain sa Panginoon ng handog na baka tungkol sa kapayapaan.

At kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo, at inilagay sa mga tasa; at ang kalahati ng dugo ay iniwisik sa ibabaw ng dambana.

At kaniyang kinuha ang aklat ng tipan, at binasa sa pakinig ng bayan: at kanilang sinabi, Lahat ng sinalita ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magmamasunurin.

At kinuha ni Moises ang dugo at iniwisik sa bayan, at sinabi, Narito ang dugo ng tipan, na ipinakipagtipan ng Panginoon sa inyo tungkol sa lahat ng mga salitang ito.

Nang magkagayo'y sumampa si Moises, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitongpu ng mga matanda sa Israel:

10 At kanilang nakita ang Dios ng Israel; at mayroon sa ilalim ng kaniyang mga paa na parang isang yaring lapag na batong zafiro, at paris din ng langit sa kaliwanagan.

11 At sa mga mahal na tao sa mga anak ni Israel ay hindi niya ipinatong ang kaniyang kamay: at sila'y tumingin sa Dios, at kumain at uminom.

Roma 15:22-33

22 Kaya't madalas namang napigil ako ng pagpariyan sa inyo:

23 Datapuwa't ngayon, na wala nang dako sa mga lupaing ito, at malaon nang panahong ako'y may nasang pumariyan sa inyo,

24 Pagparoon ko sa Espana ay paririyan ako (sapagka't inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay, at ako'y sasamahan ninyo patungo doon, pagkatapos na magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo).

25 Nguni't ngayon, sinasabi ko, ako'y pasasa-Jerusalem, upang mamahagi sa mga banal.

26 Sapagka't minagaling ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.

27 Oo, ito'y kalugodlugod sa kanila; at sila'y may utang na loob sa kanila. Sapagka't kung ang mga Gentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na ayon sa Espiritu, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga yaon sa mga bagay na ayon sa laman.

28 Kung maganap ko nga ito, at aking matatakan na sa kanila ang bungang ito, ay magdaraan ako sa inyong patungo sa Espana.

29 At nalalaman ko na, pagpariyan ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng evangelio ni Cristo.

30 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, alangalang sa Panginoon nating Jesucristo, at sa pagibig ng Espiritu, na kayo'y makipagsikap na kasama ko sa inyong mga pananalangin sa Dios patungkol sa akin;

31 Upang ako'y maligtas sa mga hindi nagsisisampalataya na nangasa Judea, at nang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugodlugod sa mga banal;

32 Upang sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at ako'y makipamahinga sa inyo.

33 Ngayon ang Dios ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain