Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 23

23 Ang Panginoon ay aking pastor; hindi ako mangangailangan.

Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan,

Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa: pinapatnubayan niya ako sa mga landas ng katuwiran alangalang sa kaniyang pangalan.

Oo, bagaman ako'y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka't ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.

Iyong pinaghahandaan ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway: iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan.

Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako'y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.

Jeremias 10:17-25

17 Iyong pulutin ang iyong mga kalakal mula sa lupain, Oh ikaw na nakukubkob.

18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibubulid ang mga mananahan sa lupain sa panahong ito, at aking pahihirapan sila upang sila'y makaramdam.

19 Sa aba ko, dahil sa aking sugat! ang aking sugat ay malubha: nguni't aking sinabi, Tunay na ito ay aking hirap, at aking marapat na tiisin.

20 Ang aking tolda ay nagiba, at lahat ng panali ko ay nangapatid; iniwan ako ng aking mga anak, at sila'y wala na: wala nang magtayo pa ng aking tolda, at magtaas ng aking mga tabing.

21 Sapagka't ang mga pastor ay naging tampalasan, at hindi nagsisangguni sa Panginoon: kaya't hindi sila magsisiginhawa, at lahat nilang kawan ay nangalat.

22 Ang tinig ng mga balita, narito, dumarating, at malaking kagulo mula sa lupaing hilagaan, upang gawing kagibaan ang mga bayan ng Juda, at tahanan ng mga chakal.

23 Oh Panginoon, talastas ko na ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili; hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.

24 Oh Panginoon, sawayin mo ako, nguni't sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.

25 Iyong ibuhos ang iyong kapusukan sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga angkan na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan; sapagka't kanilang sinakmal ang Jacob, oo, kanilang sinakmal siya, at nilipol siya, at sinira ang kaniyang tahanan.

Mga Gawa 17:16-31

16 Samantala ngang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, ay namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na puno ng diosdiosan.

17 Kaya't sa sinagoga'y nakipagmatuwiran siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya.

18 At ilan naman sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya. At sinabi ng ilan, Anong ibig sabihin ng masalitang ito? binagabag ang mga iba, Parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios: sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na maguli.

19 At siya'y tinangnan nila, at dinala siya sa Areopago, na sinasabi, Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo?

20 Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.

21 (Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.)

22 At tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso.

23 Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko.

24 Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay;

25 Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;

26 At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan;

27 Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin:

28 Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi.

29 Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.

30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako:

31 Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain