Revised Common Lectionary (Complementary)
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon; ako'y namamanhik ng aking tinig sa Panginoon.
2 Aking ibinubugso ang daing ko sa harap niya; aking ipinakilala sa harap niya ang kabagabagan ko.
3 Nang nanglupaypay ang diwa ko sa loob ko, nalaman mo ang aking landas. Sa daan na aking nilalakaran ay pinagkukublihan nila ako ng silo.
4 Tumingin ka sa aking kanan, at tingnan mo: sapagka't walang tao na nakakakilala sa akin: kanlungan ay kulang ako; walang taong lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; aking sinabi: Ikaw ay aking kanlungan, aking bahagi sa lupain ng may buhay.
6 Pakinggan mo ang aking daing; sapagka't ako'y totoong nababa: iligtas mo ako sa nagsisiusig sa akin; sapagka't sila'y malakas kay sa akin.
7 Ilabas mo ang aking kaluluwa sa bilangguan, upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan: kubkubin ako ng matuwid; sapagka't ikaw ay gagawang may kagandahang-loob sa akin.
5 Dinggin ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
2 Ang dalaga ng Israel ay nabuwal; siya'y hindi na magbabangon pa, siya'y nahagis sa kaniyang lupain; walang magbangon sa kaniya.
3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang bayan na lalabas na isang libo, maiiwang isang daan, at ang lalabas na isang daan ay maiiwang sangpu, sa sangbahayan ni Israel.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo'y mangabubuhay;
5 Nguni't huwag ninyong hanapin ang Beth-el, ni magsipasok man sa Gilgal, at huwag kayong magsidaan sa Beer-seba: sapagka't walang pagsala ang Gilgal ay papasok sa pagkabihag, at ang Beth-el ay mauuwi sa wala.
6 Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mangabubuhay; baka siya'y sumigalbong parang apoy sa sangbahayan ni Jose, at supukin yaon, at sa Beth-el ay walang makapapatay niyaon:
7 Kayong nagpapaging ajenjo sa kahatulan, at nagwawaksi ng katuwiran sa lupa.
8 Inyong hanapin ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan);
9 Yaong nagdadala ng biglang kabuwalan sa malakas, na anopa't ang pagkasira ay dumarating sa katibayan.
27 At nang halos tapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga Asia, nang siya'y makita nila sa templo, ay kanilang ginulo ang buong karamihan at siya'y kanilang dinakip,
28 Na nangagsisigawan, Mga lalaking taga Israel, magsitulong kayo: Ito ang tao na nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa bayan, at sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa sa rito'y nagdala rin siya ng mga Griego sa templo, at dinungisan itong dakong banal.
29 Sapagka't nakita muna nila na kasama niya sa bayan si Trofimo taga Efeso, na sinapantaha nilang ipinasok ni Pablo sa templo.
30 At ang buong bayan ay napakilos, at ang mga tao'y samasamang nagsipanakbuhan; at kanilang sinunggaban si Pablo, at siya'y kinaladkad na inilabas sa templo: at pagdaka'y inilapat ang mga pinto.
31 At samantalang pinagpipilitan nilang siya'y patayin, ay dumating ang balita sa pangulong kapitan ng pulutong, na ang buong Jerusalem ay nasa kaguluhan.
32 At pagdaka'y kumuha siya ng mga kawal at mga senturion, at sumagasa sa kanila: at sila, nang kanilang makita ang pangulong kapitan at ang mga kawal ay nagsitigil ng paghampas kay Pablo.
33 Nang magkagayo'y lumapit ang pangulong kapitan, at tinangnan siya, at siya'y ipinagapos ng dalawang tanikala; at itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.
34 At iba'y sumisigaw ng isang bagay, ang iba'y iba naman, sa gitna ng karamihan: at nang hindi niya maunawa ang katotohanan dahil sa kaguluhan, ay ipinadala siya sa kuta.
35 At nang siya'y dumating sa hagdanan ay nangyari na siya'y binuhat ng mga kawal dahil sa pagagaw ng karamihan;
36 Sapagka't siya'y sinusundan ng karamihan ng mga tao, na nangagsisigawan, Alisin siya.
37 At nang ipapasok na si Pablo sa kuta, ay kaniyang sinabi sa pangulong kapitan, Mangyayari bagang magsabi ako sa iyo ng anoman? At sinabi niya, Marunong ka baga ng Griego?
38 Hindi nga baga ikaw yaong Egipcio, na nang mga nakaraang araw ay nanghihikayat sa kaguluhan at nagdala sa ilang ng apat na libong katao na mga Mamamatay-tao?
39 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Ako'y Judio, na taga Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng bayang hindi kakaunti ang kahalagahan: at ipinamamanhik ko sa iyo, na ipahintulot mo sa aking magsalita sa bayan.
Public Domain