Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 85:8-13

Aking pakikinggan kung ano ang sasalitain ng Dios na Panginoon: sapagka't siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga banal: nguni't huwag silang manumbalik uli sa kaululan.

Tunay na ang kaniyang pagliligtas ay malapit sa kanila na nangatatakot sa kaniya; upang ang kaluwalhatian ay tumahan sa aming lupain.

10 Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katuwiran at kapayapaan ay naghalikan.

11 Katotohanan ay bumubukal sa lupa; at ang katuwiran ay tumungo mula sa langit.

12 Oo, ibibigay ng Panginoon ang mabuti; at ang ating lupain ay maguunlad ng kaniyang bunga.

13 Katuwira'y mangunguna sa kaniya; at gagawing daan ang kaniyang mga bakas.

Amos 4:6-13

At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga bayan, at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako; gayon ma'y hindi kayo nanganumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.

At akin namang pinigil ang ulan sa inyo, nang tatlong buwan na lamang at pagaani na; at aking pinaulan sa isang bayan, at hindi ko pinaulan sa kabilang bayan: isang bahagi ay inulanan, at ang bahagi na hindi inulanan ay natuyo.

Sa gayo'y dalawa o tatlong bayan ay nagsigala sa isang bayan upang magsiinom ng tubig, at hindi nangapawi ang uhaw: gayon ma'y hindi kayo nanganumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.

Aking sinalot kayo ng pagkalanta at ng amag: ang karamihan ng inyong mga halaman, at ng inyong mga ubasan, at ng inyong mga igusan, at ng inyong mga olibohan ay nilipol ng tipaklong: gayon ma'y hindi kayo nanganumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.

10 Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Egipto: ang inyong mga binata ay pinatay ko ng tabak, at dinala ko ang inyong mga kabayo; at aking pinaalingasaw ang baho ng inyong kampamento hanggang sa inyong mga butas ng ilong; gayon ma'y hindi kayo nanganumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.

11 Aking ibinuwal ang iba sa inyo, gaya nang ibuwal ng Dios ang Sodoma at Gomorra, at kayo'y naging gaya ng dupong na naagaw sa apoy: gayon ma'y hindi kayo nanganumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.

12 Kaya't ganito ang gagawin ko sa iyo, Oh Israel; at yamang aking gagawin ito sa iyo, humanda kang salubungin mo ang iyong Dios, Oh Israel.

13 Sapagka't, narito, siyang nagaanyo ng mga bundok, at lumilikha ng hangin, at nagpapahayag sa tao kung ano ang kaniyang pagiisip; na nagpapadilim ng umaga, at yumayapak sa mga mataas na dako ng lupa, ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay siya niyang pangalan.

Lucas 1:57-80

57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake.

58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya.

59 At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.

60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan.

61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.

62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.

63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.

64 At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios.

65 At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea.

66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.

67 At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,

68 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel; Sapagka't kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,

69 At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan Sa bahay ni David na kaniyang alipin

70 (Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon),

71 Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;

72 Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang, At alalahanin ang kaniyang banal na tipan;

73 Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,

74 Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway, Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,

75 Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.

76 Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan; Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;

77 Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,

78 Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios, Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,

79 Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan; Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.

80 At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain