Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 88

88 Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo:

Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing:

Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol,

Ako'y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay; ako'y parang taong walang lakas:

Nakahagis sa gitna ng mga patay, gaya ng napatay na nakahiga sa libingan, na hindi mo na inaalaala; at sila'y mangahiwalay sa iyong kamay.

Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay, sa mga madilim na dako, sa mga kalaliman.

Lubhang idinidiin ako ng iyong poot, at iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah)

Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko; iyong ginawa akong kasuklamsuklam sa kanila: ako'y nakulong at hindi ako makalabas,

Ang mata ko'y nangangalumata dahil sa kadalamhatian: ako'y tumawag araw-araw sa iyo, Oh Panginoon, aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo.

10 Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah)

11 Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan?

12 Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?

13 Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.

14 Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?

15 Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.

16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.

17 Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama.

18 Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim.

2 Mga Hari 20:1-11

20 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amos ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong bahay; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.

Nang magkagayo'y kaniyang ipinihit ang kaniyang mukha sa panig ng bahay, at nanalangin sa Panginoon, na nagsasabi,

Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam.

At nangyari, bago si Isaias ay lumabas sa pinakaloob ng bayan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,

Bumalik ka uli, at sabihin mo kay Ezechias na pangulo ng aking bayan. Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ni David na iyong magulang, Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka: sa ikatlong araw ay sasampa ka sa bahay ng Panginoon.

At aking idadagdag sa iyong mga kaarawan ay labing limang taon; at aking ililigtas ka at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria; at aking ipagsasanggalang ang bayang ito dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.

At sinabi ni Isaias, Kayo'y magsikuha ng isang binilong igos. At kinuha nila at itinapal sa bukol at siya'y gumaling.

At sinabi ni Ezechias kay Isaias, Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?

At sinabi ni Isaias, Ito ang magiging tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kaniyang sinalita: magpapauna ba ang anino ng sangpung grado, o magpapahuli ng sangpung grado?

10 At sumagot si Ezechias, Magaang bagay sa anino na kumiling ng sangpung grado: hindi, kundi pahulihin ang anino ng sangpung grado.

11 At si Isaias na propeta ay dumalangin sa Panginoon: at kaniyang pinapagpahuli ang anino ng sangpung grado, na nakababa na sa orasan ni Achaz.

Marcos 9:14-29

14 At pagdating nila sa mga alagad, ay nakita nilang nasa kanilang palibotlibot ang lubhang maraming mga tao, at ang mga eskriba ay nangakikipagtalo sa kanila.

15 At pagdaka'y ang buong karamihan, pagkakita nila sa kaniya, ay nangagtakang mainam, at tinakbo siya na siya'y binati.

16 At tinanong niya sila, Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?

17 At isa sa karamihan ay sumagot sa kaniya, Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalake na may isang espiritung pipi;

18 At saan man siya alihan nito, ay ibinubuwal siya: at nagbububula ang kaniyang bibig, at nagngangalit ang mga ngipin, at untiunting natutuyo: at sinabi ko sa iyong mga alagad na siya'y palabasin; at hindi nila magawa.

19 At sumagot siya sa kanila at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya, hanggang kailan makikisama ako sa inyo? hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin.

20 At dinala nila siya sa kaniya: at pagkakita niya sa kaniya, ay pagdaka'y pinapangatal siyang lubha ng espiritu; at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulonggulong na bumubula ang kaniyang bibig.

21 At tinanong niya ang kaniyang ama, Kailan pang panahon nangyayari sa kaniya ito? At sinabi niya, Mula sa pagkabata.

22 At madalas na siya'y inihahagis sa apoy at sa tubig, upang siya'y patayin: datapuwa't kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.

23 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung kaya mo! Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.

24 Pagdaka'y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi, Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.

25 At nang makita ni Jesus na dumaragsang tumatakbo ang karamihan, ay pinagwikaan niya ang karumaldumal na espiritu, na sinasabi sa kaniya, Ikaw bingi at piping espiritu, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya, at huwag ka nang pumasok na muli sa kaniya.

26 At nang makapagsisisigaw, at nang siya'y mapangatal na mainam, ay lumabas siya: at ang bata'y naging anyong patay; ano pa't marami ang nagsabi, Siya'y patay.

27 Datapuwa't hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon; at siya'y nagtindig.

28 At nang pumasok siya sa bahay, ay tinanong siya ng lihim ng kaniyang mga alagad, Paano ito na siya'y hindi namin napalabas?

29 At sinabi niya sa kanila, Ang ganito ay hindi mapalalabas ng anoman, maliban sa pamamagitan ng panalangin.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain