Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 85:8-13

Aking pakikinggan kung ano ang sasalitain ng Dios na Panginoon: sapagka't siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga banal: nguni't huwag silang manumbalik uli sa kaululan.

Tunay na ang kaniyang pagliligtas ay malapit sa kanila na nangatatakot sa kaniya; upang ang kaluwalhatian ay tumahan sa aming lupain.

10 Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katuwiran at kapayapaan ay naghalikan.

11 Katotohanan ay bumubukal sa lupa; at ang katuwiran ay tumungo mula sa langit.

12 Oo, ibibigay ng Panginoon ang mabuti; at ang ating lupain ay maguunlad ng kaniyang bunga.

13 Katuwira'y mangunguna sa kaniya; at gagawing daan ang kaniyang mga bakas.

Amos 3:1-12

Dinggin ninyo ang salitang ito na sinalita ng Panginoon laban sa inyo, Oh mga anak ni Israel, laban sa buong angkan na aking iniahon mula sa lupain ng Egipto, na sinasabi,

Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa: kaya't aking dadalawin sa inyo ang lahat ninyong kasamaan.

Makalalakad baga ang dalawa na magkasama, liban na sila'y magkasundo?

Uungal baga ang leon sa gubat, kung wala siyang huli? sisigaw baga ang batang leon sa kaniyang yungib, kung wala siyang huling anoman?

Malalaglag baga ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa, ng walang silo sa kaniya? lulukso baga ang panghuli mula sa lupa, at walang nahuling anoman?

Tutunog baga ang pakakak sa bayan, at ang bayan ay hindi manginginig? sasapit baga ang kasamaan sa bayan, at hindi ginawa ng Panginoon?

Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.

Ang leon ay umungal, sinong di matatakot? Ang Panginoong Dios ay nagsalita; sinong hindi manghuhula?

Ihayag ninyo sa mga palacio sa Asdod, at sa mga palacio sa lupain ng Egipto, at inyong sabihin, Magpipisan kayo sa mga bundok ng Samaria, at inyong masdan kung anong laking ingay ang nandoon, at kung anong pahirap ang nasa gitna niyaon.

10 Sapagka't hindi sila marunong magsigawa ng matuwid, sabi ng Panginoon, na nagiimbak ng pangdadahas at pagnanakaw sa kanilang mga palacio.

11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kaaway ay paririto sa palibot ng lupain; at kaniyang ibabagsak ang lakas mo sa iyo, at ang iyong mga palacio ay sasamsaman.

12 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong inaagaw ng pastor sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang putol ng tainga; gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na nangauupo sa Samaria sa sulok ng hiligan, at sa mga sedang colchon ng higaang malaki.

Colosas 4:2-18

Manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo'y mangagpuyat na may pagpapasalamat;

Na tuloy idalangin din ninyo kami, na buksan sa amin ng Dios ang pinto sa salita, upang aming salitain ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito'y may mga tanikala ako;

Upang ito'y aking maihayag, gaya ng aking nararapat na salitain.

Magsilakad kayo na may karunungan sa nangasa labas, na inyong samantalahin ang panahon.

Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa't isa.

Ang lahat na mga bagay ukol sa akin ay ipatatalastas sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kasamang lingkod sa Panginoon:

Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang maalaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso;

Na kasama ni Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magpapatalastas sa inyo ng lahat ng mga bagay na nangyayari dini.

10 Binabati kayo ni Aristarco na kasama ko sa bilangguan, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe (tungkol sa kaniya'y tinanggap na ninyo ang mga utos: kung paririyan siya sa inyo, ay inyong tanggapin),

11 At si Jesus na tinatawag na Justo, na pawang sa pagtutuli: ang mga ito lamang ang aking kamanggagawa sa kaharian ng Dios, mga taong naging kaaliwan ko.

12 Binabati kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na lingkod ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap dahil sa inyo sa kaniyang pananalangin, upang kayo'y magsitatag na mga sakdal at lubos na tiwasay sa lahat na kalooban ng Dios.

13 Sapagka't siya'y binibigyan kong patotoo na siya'y totoong nagpapagal sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa nangasa Hierapolis.

14 Binabati kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.

15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nangasa Laodicea, at si Nimfas, at ang iglesiang nasa kanilang bahay.

16 At pagkabasa ng sulat na ito sa inyo, ay ipabasa naman ninyo sa iglesia ng mga taga Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.

17 At sabihin ninyo kay Arquipo, Ingatan mong tuparin ang ministerio na tinanggap mo sa Panginoon.

18 Ang bating sinulat ng aking sariling kamay, akong si Pablo. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Ang biyaya'y sumasainyo nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain