Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:97-104

MEM.

97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
    Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
    sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
    sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
    sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
    upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
    sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
    higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
    kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.

Isaias 33:10-16

10 “Ngayo'y babangon ako,” sabi ng Panginoon,
    “ngayo'y itataas ko ang aking sarili;
    ngayo'y dadakilain ako.
11 Kayo'y naglihi ng ipa, kayo'y nanganak ng dayami;
    ang inyong hininga ay apoy na tutupok sa inyo.
12 At ang mga bayan ay parang sinunog sa apog,
    gaya ng mga pinutol na mga tinik, na sinunog sa apoy.”

13 Pakinggan ninyo, kayong nasa malayo, kung ano ang aking ginawa;
    at kayong nasa malapit, kilalanin ang aking kapangyarihan.
14 Ang mga makasalanan sa Zion ay natatakot;
    kinilabutan ang masasama:
“Sino sa atin ang makatatahang kasama ng lumalamong apoy?
    Sino sa atin ang makatatahang kasama ng walang hanggang pagsunog?”
15 Siyang lumalakad nang matuwid, at nagsasalita nang matuwid;
    siyang humahamak ng pakinabang ng pang-aapi,
na ipinapagpag ang kanyang mga kamay, baka mayroon silang hawak na suhol,
    na nagtatakip ng kanyang mga tainga sa pagdinig ng pagdanak ng dugo,
    at ipinipikit ang kanyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan;
16 siya'y maninirahan sa kaitaasan;
    ang kanyang dakong tanggulan ay magiging muog ng malalaking bato;
    ang kanyang tinapay ay ibibigay sa kanya; ang kanyang tubig ay sasagana.

Juan 15:16-25

16 Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo.

17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y magmahalan sa isa't isa.

Poot ng Sanlibutan

18 “Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo.

19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.

20 Alalahanin(A) ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, ‘Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako'y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din nila.

21 Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.

22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila ay hindi sana sila nagkasala. Subalit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan.

23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.

24 Kung ako'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinuman, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Subalit ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.

25 Ito(B) ay upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, ‘Ako'y kinapootan nila nang walang kadahilanan.’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001