Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 34:1-8

Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
    ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
    marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
    at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!

Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
    at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
    at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
    at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
    sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
    Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.

2 Samuel 17:15-29

15 Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, “Ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; ganoon at ganito naman ang aking ipinayo.

Binalaan si David na Tumakas

16 Ngayon magsugo kayo agad at sabihin kay David, ‘Huwag kang tumigil sa gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anumang paraan ay tumawid ka; kung hindi ang hari at ang buong bayang kasama niya ay mauubos.’”

17 Si Jonathan at si Ahimaaz ay naghihintay sa En-rogel. Isang alilang babae ang laging pumupunta at nagsasabi sa kanila, at sila'y pumupunta at nagsasabi kay Haring David; sapagkat hindi sila dapat makitang pumapasok sa lunsod.

18 Ngunit nakita sila ng isang batang lalaki at nagsabi kay Absalom; kaya't sila'y kapwa mabilis na umalis at sila'y dumating sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim, na may isang balon sa kanyang looban; at sila'y lumusong doon.

19 Ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at kinalatan ng mga trigo ang ibabaw nito; at walang nakaalam nito.

20 Nang ang mga lingkod ni Absalom ay dumating sa babae na nasa bahay ay kanilang sinabi, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonathan?” At sinabi ng babae sa kanila, “Sila'y tumawid sa batis ng tubig.” Nang sila'y maghanap at hindi nila matagpuan, bumalik na sila sa Jerusalem.

21 Pagkatapos na sila'y makaalis, ang mga lalaki ay umahon sa balon, humayo at nagbalita kay Haring David. Sinabi nila kay David, “Tumindig kayo, at tumawid agad sa tubig, sapagkat ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel laban sa inyo.”

22 Kaya't tumindig si David at ang lahat ng taong kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan. Sa pagbubukang-liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi nakatawid sa Jordan.

23 Nang makita ni Ahitofel na ang kanyang payo ay hindi sinunod, kanyang inihanda ang kanyang asno at umuwi sa kanyang sariling lunsod. Inayos niya ang kanyang bahay at nagbigti. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang ama.

24 Pagkatapos ay pumaroon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan kasama ang lahat ng lalaki ng Israel.

25 Inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo sa halip na si Joab. Si Amasa ay anak ng isang lalaki na ang pangalan ay Itra, na Israelita, na napakasal kay Abigal na anak na babae ni Nahas, na kapatid ni Zeruia, na ina ni Joab.

26 At ang Israel at si Absalom ay humimpil sa lupain ng Gilead.

27 Nang dumating si David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas na taga-Rabba sa mga anak ni Ammon, si Makir na anak ni Amiel na taga-Lodebar, at si Barzilai na Gileadita na taga-Rogelim,

28 ay nagdala ng mga higaan, mga palanggana, mga sisidlang yari sa luwad, trigo, sebada, harina, butil na sinangag, mga patani, at pagkaing sinangag,

29 pulot-pukyutan, mantekilya, mga tupa, at keso ng baka para kay David at sa mga taong kasama niya upang kainin; sapagkat kanilang sinabi, “Ang mga tao ay gutom, pagod, at uhaw sa ilang.”

Galacia 6:1-10

Magtulungan sa Isa't isa

Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.

Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.

Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.

Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.

Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.

Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.

Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.

At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.

10 Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001