Revised Common Lectionary (Complementary)
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
6 At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay.
7 At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat ng bansa.
8 Lulunukin(A) niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita.
9 At sasabihin sa araw na iyon, “Ito'y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.”
10 Sapagkat(B) ang kamay ng Panginoon ay magpapahinga sa bundok na ito. Ang Moab ay mayayapakan sa kanyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.
35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na.
36 Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain.”
37 Ngunit sumagot siya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kanya, “Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?”
38 At sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan.” Nang malaman nila ay kanilang sinabi, “Lima, at dalawang isda.”
39 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.
40 Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu.
41 Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
42 Kumain silang lahat at nabusog.
43 Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na punô ng pira-pirasong tinapay at mga isda.
44 Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001