Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 24:1-2

Nagsalita si Josue sa Bayan sa Shekem

24 Tinipon ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Shekem, at tinawag ang matatanda ng Israel at ang kanilang mga pinuno, mga hukom, mga tagapamahala; at sila'y humarap sa Diyos.

Sinabi(A) ni Josue sa buong bayan, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang inyong mga ninuno ay nanirahan nang unang panahon sa kabila ng Ilog, si Terah, na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at sila'y naglingkod sa ibang mga diyos.

Josue 24:14-18

14 “Ngayon nga'y matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang Panginoon.

15 Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon.”

16 At ang taong-bayan ay sumagot, “Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon upang maglingkod sa ibang mga diyos.

17 Sapagkat ang Panginoon nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan.

18 Itinaboy ng Panginoon sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa Panginoon sapagkat siya'y ating Diyos.”

Mga Awit 34:15-22

15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
    at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
    upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
    at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
    at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.

19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
    ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(A) nitong mga buto ay iniingatan niya,
    sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
    at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
    walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.

Efeso 6:10-20

Ang Buong Kasuotang Pandigma

10 Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas.

11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.

12 Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.

13 Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag.

14 Kaya't(A) tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran,

15 at(B) nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan.

16 Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama.

17 At(C) taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos.

18 Manalangin kayo sa Espiritu sa lahat ng panahon sa bawat panalangin at pagsamo. At sa bagay na ito ay maging handa na may buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga banal.

19 Idalangin din ninyo ako upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubukas ng aking bibig, upang ipahayag na may katapangan ang hiwaga ng ebanghelyo,

20 na dahil dito ako'y isang sugong may tanikala; upang ito'y aking maipahayag na may katapangan gaya ng nararapat na aking sabihin.

Juan 6:56-69

56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako'y sa kanya.

57 Kung paanong ang buháy na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.

58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.

Mga Salita ng Buhay na Walang Hanggan

60 Nang ito ay marinig ng marami sa kanyang mga alagad, sila ay nagsabi, “Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang may kayang makinig nito?”

61 Subalit si Jesus, palibhasa'y nalalaman niya na ang kanyang mga alagad ay nagbubulungan tungkol dito, ay nagsalita sa kanila, “Ito ba ay nakakatisod sa inyo?

62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa kinaroroonan niya nang una?

63 Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.

64 Subalit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sapagkat nalalaman na ni Jesus buhat pa nang una kung sinu-sino ang hindi sumasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kanya.

65 Sinabi niya, “Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama.”

66 Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya.

67 Kaya't sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?”

68 Sumagot(A) sa kanya si Simon Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

69 Kami'y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001