Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, lingkod ng Panginoon.
36 Ang(A) pagsuway ay nagsasalita ng malalim
sa puso ng masama;
walang pagkatakot sa Diyos
sa kanyang mga mata.
2 Sapagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata,
na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya.
3 Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya,
sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya.
4 Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan;
inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan;
ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan.
5 Ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay abot hanggang sa kalangitan,
hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan.
6 Gaya ng mga bundok ng Diyos ang iyong katuwiran,
ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman;
O Panginoon, inililigtas mo ang tao at hayop man.
7 Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat!
Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak.
8 Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay;
at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan.
9 Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;
sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag.
10 O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo,
at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso!
11 Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan,
ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan.
12 Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob,
sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon.
Bumabang Muli ang mga Kapatid ni Jose na Kasama si Benjamin
43 Noon ay matindi ang taggutom sa lupain.
2 Nang maubos na nilang kainin ang trigo na kanilang dinala mula sa Ehipto, sinabi sa kanila ng kanilang ama, “Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.”
3 Subalit sinabi ni Juda sa kanya, “Ang lalaking iyon ay mahigpit na nagbabala sa amin, na sinasabi, ‘Hindi ninyo makikita ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’
4 Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, bababa kami at ibibili ka namin ng pagkain.
5 Subalit kapag hindi mo siya pinasama ay hindi kami bababa; sapagkat sinabi sa amin ng lalaki, ‘Hindi ninyo ako makikita malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’”
6 Sinabi naman ni Israel, “Bakit ninyo ako ginawan ng ganitong kasamaan, na inyong sinabi sa lalaki na mayroon pa kayong ibang kapatid?”
7 Sila'y sumagot, “Ang lalaki ay masusing nagtanong tungkol sa amin at sa ating pamilya, na sinasabi, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? May kapatid pa ba kayo?’ Sumagot kami sa kanyang mga tanong. Paano namin malalaman na kanyang sasabihin, ‘Dalhin ninyo rito ang inyong kapatid?’”
8 Sinabi ni Juda kay Israel na kanyang ama. “Pasamahin mo sa akin ang bata at hayaan mong kami ay makaalis na upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay—kami, ikaw, at ang aming mga anak.
9 Ako mismo ang mananagot para sa kanya. Maaari mo akong panagutin para sa kanya. Kapag hindi ko siya naibalik sa iyo at naiharap sa iyo, ako ang magpapasan ng sisi magpakailanman.
10 Sapagkat kung hindi sana tayo naantala, dalawang ulit na sana kaming nakabalik.”
11 Sinabi naman sa kanila ng kanilang amang si Israel, “Kung talagang gayon, gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong sisidlan ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ng handog ang lalaki ng kaunting mabangong langis at kaunting pulot, pabango, mira, mga pili at almendras.
12 Magdala rin kayo ng dobleng dami ng salapi; dalhin ninyong pabalik ang salaping isinauli nila sa ibabaw ng inyong mga sako. Marahil iyon ay hindi napansin.
13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at muli kayong maglakbay pabalik sa lalaking iyon.
14 Pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng awa sa harapan ng lalaking iyon upang ibalik sa inyo ang inyong isa pang kapatid at si Benjamin. At ako, kung ako'y mangulila, ako'y mangungulila.”
15 Kaya't dinala ng mga lalaki ang handog at ang dobleng dami ng salapi at si Benjamin. Sila'y pumunta sa Ehipto, at humarap kay Jose.
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista[a] laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi.
2 Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na aming pabayaan ang salita ng Diyos, at maglingkod sa mga hapag.
3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na aming maitatalaga sa tungkuling ito,
4 samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita.”
5 Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na isang naging Judio na taga-Antioquia.
6 Kanilang pinaharap sila sa mga apostol at sila'y ipinanalangin at ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanila.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem at napakaraming pari ang sumunod sa pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001