Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 81

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

1 Mga Hari 17:1-16

Ipinahayag ni Elias na Magkakaroon ng Tagtuyot

17 Si(A) Elias na Tisbita, na nakikipamayan sa Gilead, ay nagsabi kay Ahab, “Habang nabubuhay ang Panginoon, ang Diyos ng Israel! Ako'y nakatayo sa harap niya, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, maliban sa pamamagitan ng aking salita.”

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, na sinasabi,

“Umalis ka rito, lumiko ka patungong silangan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.

Ikaw ay iinom sa batis, at aking iniutos sa mga uwak na pakainin ka roon.”

Kaya't pumunta siya roon at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon, siya'y pumaroon at nanirahan sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.

Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga, at tinapay at karne sa hapon, at siya'y uminom sa batis.

Pagkaraan ng ilang panahon, ang batis ay natuyo sapagkat walang ulan sa lupain.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya,

“Bumangon(B) ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”

10 Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”

11 Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”

12 At sinabi niya, “Kung paanong ang Panginoon mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”

13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.

14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.’”

15 Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.

16 Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.

Efeso 5:1-14

Lumakad sa Liwanag

Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,

at(A) lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.

Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal.

Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat.

Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos.

Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.

Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila;

sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag—

(sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan)

10 na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.

11 At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.

12 Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin,

13 subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita,

14 sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001