Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 111

111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
    sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
    na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
    ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
    lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
    ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
    ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
    kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
    Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
    ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
    Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!

Genesis 18:1-15

Ipinangako kay Abraham ang Isang Anak

18 Ang Panginoon ay nagpakita kay Abraham[a] sa may punong ensina ni Mamre habang siya'y nakaupo nang kainitan ang araw sa pintuan ng tolda.

Itinaas(A) niya ang kanyang paningin at nakita ang tatlong lalaki na nakatayo na malapit sa kanya. Nang sila'y kanyang makita, tumakbo siya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumuko siya sa lupa.

At sinabi, “Panginoon ko, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa inyong paningin ay hinihiling ko sa inyo na huwag mong lampasan ang iyong lingkod.

Hayaan mong dalhan ko kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at magpahinga kayo sa lilim ng kahoy.

Kukuha ako ng kaunting tinapay upang makapagpalakas sa inyo, at pagkatapos ay magpatuloy na kayo, yamang kayo'y pumarito sa inyong lingkod.” Kaya't sinabi nila, “Gawin mo ang ayon sa iyong sinabi.”

Si Abraham ay nagmadaling pumunta sa tolda ni Sara, at sinabi, “Dali! Maghanda ka ng tatlong takal ng mainam na harina, masahin mo at gawing mga tinapay.”

At tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata at malusog na baka, at ibinigay sa alipin na nagmamadaling inihanda ito.

Kinuha niya ang mantekilya, gatas, at ang bakang inihanda niya, at inihain sa harapan nila. Siya'y tumayo sa tabi nila sa lilim ng punungkahoy samantalang sila'y kumakain.

At sinabi nila sa kanya, “Nasaan si Sara na iyong asawa?” At sinabi niya “Naroon siya sa tolda.”

10 At(B) sinabi ng isa, “Ako ay tiyak na babalik sa iyo sa tamang panahon, at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki.” Si Sara noon ay nakikinig sa may pintuan ng tolda na nasa likuran niya.

11 Sina Abraham at Sara ay kapwa matanda na at lipas na sa panahon. Si Sara ay hindi na dinadatnan ng tulad ng likas sa mga babae.

12 Nagtawa(C) si Sara sa kanyang sarili, na sinasabi, “Pagkatapos na ako'y tumanda at matanda na rin ang asawa ko, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan?”

13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, ‘Tunay kayang ako'y manganganak, kahit matanda na ako?’”

14 “Mayroon(D) bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.”

15 Subalit nagkaila si Sara, na sinasabi, “Hindi ako tumawa,” sapagkat siya'y natakot. Ngunit sinabi ng Panginoon, “Hindi. Ikaw ay talagang tumawa.”

Filipos 4:10-20

Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos

10 Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon.

11 Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan.

12 Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.

13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.

14 Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.

15 At kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang;

16 sapagkat(A) (B) kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.

17 Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo.

18 Ngunit(C) mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos.

19 At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

20 Ngayon, nawa'y sumaating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001