Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 4:42-44

42 Dumating ang isang lalaki mula sa Baal-salisa, na may dala para sa tao ng Diyos na tinapay mula sa mga unang bunga, dalawampung tinapay na sebada, at mga sariwang uhay ng trigo na nasa kanyang sako. At sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo sa mga tao, upang sila'y makakain.”

43 Ngunit sinabi ng kanyang lingkod, “Paano ko ito maihahain sa harapan ng isandaang katao?” Kaya't kanyang inulit, “Ibigay mo sa mga tao upang sila'y makakain, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sila'y kakain, at may matitira pa.’”

44 Kaya't inihain niya ang mga iyon sa harapan nila. Sila'y kumain, at mayroong natira, ayon sa salita ng Panginoon.

Mga Awit 145:10-18

10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
    at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
    at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
    at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
    at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
    at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
    at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
    binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
    at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
    sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.

Efeso 3:14-21

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[a]

15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,

16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;

17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.

18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,

19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Juan 6:1-21

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)

Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.

Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.

Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.

Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.

Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”

Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.

Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”

Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,

“May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”

10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.

11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.

12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”

13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.

14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”

15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)

16 Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat.

17 Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus.

18 Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip.

19 Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro[b] ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot,

20 subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito; huwag kayong matakot.”

21 Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001