Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 85:8-13

Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
    sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
    at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
    upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
    ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
    at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
    at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
    at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.

Amos 2:6-16

Ang Hatol ng Diyos sa Israel

Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Israel,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak,
    at ang nangangailangan sa isang pares na sandalyas—
kanilang tinapakan ang ulo ng dukha sa alabok ng lupa,
    at inililiko ang lakad ng mapagpakumbaba;
at ang lalaki at kanyang ama ay sumisiping sa iisang dalaga,
    kaya't nalapastangan ang aking banal na pangalan.
At sila'y nakahiga sa tabi ng bawat dambana,
    sa ibabaw ng mga kasuotang nakuha sa pamamagitan ng sangla;
at sa bahay ng kanilang Diyos ay umiinom sila ng alak
    na binili mula sa multa na kanilang ipinataw.

“Gayunma'y(A) nilipol ko ang Amoreo sa harapan nila,
    na ang taas ay gaya ng taas ng mga sedro,
    at kasinlakas na gaya ng mga ensina;
nilipol ko ang kanyang bunga sa itaas, at ang kanyang mga ugat sa ilalim.
10 Iniahon ko rin kayo sa lupain ng Ehipto,
    at pinatnubayan ko kayo nang apatnapung taon sa ilang,
    upang angkinin ninyo ang lupain ng Amoreo.
11 At(B) pinili ko ang ilan sa inyong mga anak upang maging mga propeta,
    at ang ilan sa inyong mga binata upang maging mga Nazirita.
    Di ba gayon, O bayan ng Israel?” sabi ng Panginoon.
12 “Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazirita,
    at inutusan ninyo ang mga propeta,
    na sinasabi, ‘Huwag kayong magsalita ng propesiya!’

13 “Narito, pabibigatan ko kayo sa inyong dako,
    na gaya ng pagpapabigat sa isang karwaheng punô ng mga bigkis.
14 Ang pagtakas ay maglalaho sa matulin;
    at hindi mapapanatili ng malakas ang kanyang kalakasan;
    ni maililigtas ng makapangyarihan ang kanyang sarili.
15 Hindi makakatindig ang humahawak ng pana;
    at siyang matulin ang paa ay hindi makakatakas,
    ni siya mang nakasakay sa kabayo ay makapagliligtas ng kanyang buhay.
16 At siya na matapang sa mga makapangyarihan
    ay tatakas na hubad sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon.

Colosas 2:1-5

Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pagsisikap alang-alang sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat na hindi pa nakakita sa akin nang mukhaan.

Upang maaliw sana ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakaisa sa pag-ibig, at magkaroon ang lahat ng mga kayamanan ng buong katiyakan ng pagkaunawa, at magkaroon ng kaalaman ng hiwaga ng Diyos, na si Cristo,

na sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.

Ito'y sinasabi ko upang huwag kayong madaya ng sinuman sa mga pananalitang kaakit-akit.

Sapagkat bagaman ako'y wala sa katawan, gayunma'y nasa inyo ako sa espiritu, at nagagalak na makita ko ang inyong kaayusan, at ang katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001