Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
4 Si Mesha na hari ng Moab ay nagpapalahi ng mga tupa. Siya'y nagbubuwis sa hari ng Israel ng isandaang libong tupa, at ng balahibo ng isandaang libong kordero.
5 Ngunit nang mamatay si Ahab, ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa hari ng Israel.
6 Kaya't si Haring Jehoram ay lumabas sa Samaria nang panahong iyon, at tinipon ang buong Israel.
7 Sa kanyang paghayo ay nagsugo siya kay Jehoshafat na hari ng Juda, na sinasabi, “Ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa akin. Sasama ka ba sa akin upang labanan ang Moab?” At kanyang sinabi, “Sasama ako; ako'y gaya mo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”
8 At kanyang sinabi, “Saan tayo dadaan?” At siya'y sumagot, “Sa daan ng ilang ng Edom.”
9 Kaya't humayo ang hari ng Israel kasama ang hari ng Juda, at ang hari ng Edom. Nang sila'y nakalibot ng pitong araw na paglalakbay, walang tubig para sa hukbo o para sa mga hayop na nagsisisunod sa kanila.
10 At sinabi ng hari ng Israel, “Kahabag-habag tayo! Tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito upang ibigay sa kamay ng Moab.”
11 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta ng Panginoon upang tayo'y makasangguni sa Panginoon sa pamamagitan niya?” At isa sa mga lingkod ng hari ng Israel ay sumagot, “Si Eliseo na anak ni Shafat na siyang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias ay narito.”
12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay nasa kanya.” Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat, at ang hari ng Edom ay pumunta sa kanya.
13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Anong pakialam ko sa iyo? Pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama at sa mga propeta ng iyong ina.” Ngunit sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Hindi; ang Panginoon ang tumawag sa tatlong haring ito upang ibigay sila sa kamay ng Moab.”
14 Sinabi ni Eliseo, “Hanggang nabubuhay ang Panginoon ng mga hukbo, na aking pinaglilingkuran, kung hindi dahil sa paggalang ko kay Jehoshafat na hari ng Juda, hindi ako titingin sa iyo ni makikipagkita sa iyo.
15 Ngunit ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” At nang ang manunugtog ay tumugtog, ang kapangyarihan ng Panginoon ay dumating sa kanya.
16 At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.’
17 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Kayo'y hindi makakakita ng hangin ni ng ulan; ngunit ang libis na iyon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y makakainom, kayo at ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.’
18 Ito'y magaan lamang sa paningin ng Panginoon; ibibigay rin niya ang mga Moabita sa inyong kamay.
19 Inyong masasakop ang bawat lunsod na may kuta, at ang bawat piling lunsod at inyong ibubuwal ang bawat mabuting punungkahoy, at inyong patitigilin ang lahat ng bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawat mabuting pirasong lupa.”
20 Kinaumagahan, sa panahon ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig mula sa dako ng Edom, hanggang sa ang buong lupain ay mapuno ng tubig.
12 Bilang(A) mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan.
13 Pagtiisan(B) ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin.
14 At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan.
15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat.
16 Manirahan(C) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso.
17 At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001