Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 23

Awit ni David.

23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
    pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
    Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
    alang-alang sa kanyang pangalan.

Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
    wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
    ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
    inaaliw ako ng mga ito.

Ipinaghahanda mo ako ng hapag
    sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
    umaapaw ang aking saro.
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
    magpakailanman.[a]

Jeremias 12:1-13

Tinanong ni Jeremias ang Panginoon

12 Ikaw ay matuwid, O Panginoon,
    kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo;
    gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo.
Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama?
    Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil?
Itinatanim mo sila, oo, at sila'y nagkakaugat;
    sila'y lumalaki, oo, at sila'y nagbubunga;
ikaw ay malapit sa kanilang bibig,
    at malayo sa kanilang mga puso.
Ngunit ikaw, O Panginoon, kilala mo ako;
    nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo.
Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan,
    at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay.
Hanggang kailan tatangis ang lupain,
    at matutuyo ang mga damo sa buong lupain?
Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon,
    ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala,
    sapagkat sinasabi ng mga tao, “Hindi niya makikita ang ating huling wakas.”
Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka,
    paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo?
At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka,
    paano ka na sa kagubatan ng Jordan?
Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama
    ay nagtaksil sa iyo;
    sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo;
huwag mo silang paniwalaan,
    bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo.”

Ang Hatol ng Panginoon sa Juda at sa Kanyang mga Kaaway

“Pinabayaan ko ang aking bahay,
    tinalikuran ko ang aking mana;
ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa
    sa kamay ng kanyang mga kaaway.
Ang aking mana para sa akin
    ay naging parang leon sa gubat;
inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin,
    kaya't kinamumuhian ko siya.
Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit?
    Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya?
Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop,
    dalhin ninyo sila upang sakmalin siya.
10 Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan,
    kanilang niyurakan ang aking bahagi,
ginawa nilang ilang na wasak
    ang aking kalugud-lugod na bahagi.
11 Winasak nila ito, ito'y wasak,
    ito'y tumatangis sa akin.
Ang buong lupain ay nawawasak,
    gayunma'y walang taong nakakapansin nito.
12 Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang;
sapagkat ang tabak ng Panginoon ay nananakmal
    mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain;
    walang taong may kapayapaan.
13 Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik;
    pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napalâ.
Ikahihiya nila ang inyong mga ani,
    dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.”

Lucas 18:35-43

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(A)

35 Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.

36 At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.

37 Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.

38 At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”

39 Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”

40 At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao[a] sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,

41 “Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”

42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43 At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001