Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 17

17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.

Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan; masdan ng iyong mga mata ang karampatan.

Iyong sinubok ang aking puso; iyong dinalaw ako sa kinagabihan; iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan; ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.

Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi. Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.

Ang aking mga hakbang ay nagsipanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nangadulas.

Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios: Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.

Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob, Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo. Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.

Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata, ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,

Sa masama na sumasamsam sa akin, sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.

10 Sila'y nangabalot sa kanilang sariling taba: sila'y nangagsasalita ng kanilang bibig na may kapalaluan.

11 Kanilang kinubkob nga kami sa aming mga hakbang: itinititig nila ang kanilang mga mata upang ibuwal kami sa lupa.

12 Sila'y parang leon na masiba sa kaniyang huli, at parang batang leon na nanunubok sa mga lihim na dako.

13 Bumangon ka, Oh Panginoon, harapin mo siya, ilugmok mo siya: iligtas mo ang aking kaluluwa sa masama sa pamamagitan ng iyong tabak;

14 Sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, Oh Panginoon, sa mga tao ng sanglibutan, na ang bahagi nila ay nasa buhay na ito, at ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan: kanilang binubusog ang kanilang mga anak, at iniiwan nila ang natira sa kanilang pag-aari sa kanilang sanggol.

15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran: ako'y masisiyahan pagka bumangon sa iyong wangis.

Jeremias 17:5-18

Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita pagka ang mabuti ay dumarating, kundi tatahan sa mga tuyong dako sa ilang, lupaing maalat at hindi tinatahanan.

Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga.

Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?

10 Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.

11 Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; sa kaniyang mga kaarawan ay iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas ay nagiging mangmang siya.

12 Ang maluwalhating luklukan, na naitaas mula nang pasimula, ay siyang dako ng aming santuario.

13 Oh Panginoon, na pagasa ng Israel, lahat na nagpapabaya sa iyo ay mapapahiya. Silang nagsisihiwalay sa akin ay masusulat sa lupa, sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, na bukal ng buhay na tubig.

14 Iyong pagalingin ako, Oh Panginoon, at gagaling ako; iyong iligtas ako, at maliligtas ako: sapagka't ikaw ang aking kapurihan.

15 Narito, kanilang sinasabi sa akin, Saan nandoon ang salita ng Panginoon? paratingin ngayon.

16 Sa ganang akin, ay hindi ako nagmadali sa pagpapakapastor sa pagsunod sa iyo; o ninasa ko man ang kaabaabang kaarawan: iyong nalalaman: ang lumabas sa aking mga labi ay nasa harap ng iyong mukha.

17 Huwag maging kakilabutan sa akin: ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasakunaan.

18 Mangapahiya sila sa nagsisiusig sa akin, nguni't huwag akong mapahiya; manganglupaypay sila, nguni't huwag akong manglupaypay; datnan sila ng araw ng kasakunaan, at ipahamak sila ng ibayong pagkapahamak.

Mateo 12:22-32

22 Nang magkagayo'y dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonio, bulag at pipi, at kaniyang pinagaling, ano pa't ang pipi ay nagsalita at nakakita.

23 At ang buong karamihan ay nangagtaka, at nangagsabi, Ito kaya ang Anak ni David?

24 Datapuwa't nang marinig ito ng mga Fariseo, ay kanilang sinabi, Ang taong ito'y hindi nagpapalabas ng mga demonio, kundi sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio.

25 At pagkaalam niya ng mga iniisip nila, ay sinabi niya sa kanila, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa't bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.

26 At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian?

27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebub ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ang inyong mga anak sa kaninong pamamagitan sila'y pinalalabas? kaya nga sila ang inyong magiging mga hukom.

28 Nguni't kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.

29 O papaano bagang makapapasok ang sinoman sa bahay ng malakas, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, kung hindi muna gapusin ang malakas? at kung magkagayo'y masasamsaman niya ang kaniyang bahay.

30 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.

31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.

32 At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa't ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain