Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
69 Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
71 Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
2 Kung may masusumpungan sa gitna mo, sa loob ng alin man sa iyong mga pintuang-daan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ang lalake o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Dios, sa pagsalangsang sa kaniyang tipan,
3 At yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila, o sa araw, o sa buwan, o sa anomang natatanaw sa langit na hindi ko iniutos;
4 At maisaysay sa iyo, at iyong mabalitaan; ay iyo ngang sisiyasating masikap; at, narito, kung totoo, at ang bagay ay tunay, na ang gayong karumaldumal ay nagawa sa Israel,
5 Ay iyo ngang ilalabas ang lalake o babaing yaon, na gumawa nitong bagay na kasamaan, sa iyong mga pintuang-daan, sa makatuwid baga'y ang lalake o babae; at iyong babatuhin sila ng mga bato, hanggang sila'y mamatay.
6 Sa bibig ng dalawang saksi, o ng tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin.
7 Ang kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kaniya at pagkatapos ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
8 Kung magkakaroon ng totoong mahirap na bagay sa iyo sa paghatol, na dugo't dugo, usap at usap, at bugbog at bugbog, na bagay na pagkakaalit sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ikaw nga'y titindig at sasampa sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios;
9 At ikaw ay paroroon sa mga saserdote na mga Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na yaon: at iyong sisiyasatin; at kanilang ipakikilala sa iyo ang hatol ng kahatulan.
10 At iyong gagawin ayon sa tinig ng hatol, na kanilang ipakikilala sa iyo mula sa dakong yaon na pipiliin ng Panginoon; at iyong isasagawa ayon sa lahat na kanilang ituturo sa iyo:
11 Ayon sa tinig ng kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa kahatulan na kanilang isasaysay sa iyo, ay gagawin mo: huwag kang liliko sa hatol na kanilang ipakikilala sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man.
12 At ang tao na gumawa ng pagpapalalo, sa di pakikinig sa saserdote na tumatayo upang mangasiwa doon sa harap ng Panginoon mong Dios, o sa hukom, ay papatayin nga ang taong yaon: at iyong aalisin ang kasamaan sa Israel.
13 At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa ng pagpapalalo.
13 Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios.
2 Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.
3 Sapagka't ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya:
4 Sapagka't siya'y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa't kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka't hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka't siya'y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama.
5 Kaya nga't dapat na kayo'y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi.
6 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka't sila'y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito.
7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.
Public Domain