Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas.
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.
9 Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.
11 Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?
13 Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.
14 Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,
15 At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.
14 Ang Israel baga'y alipin? siya baga'y aliping ipinanganak sa bahay? bakit siya'y naging samsam.
15 Ang mga batang leon ay nagsiungal sa kaniya, at nagsihiyaw: at sinira nila ang kaniyang lupain; ang kaniyang mga bayan ay nangasunog, na walang mananahan.
16 Binasag naman ng mga anak ng Memfis at ng Taphnes ang bao ng iyong ulo.
17 Hindi mo baga pinapangyari ito sa iyong sarili, dahil sa iyong pagpapabaya sa Panginoon mong Dios, nang kaniyang patnubayan ka sa daan?
18 At ngayo'y anong ipakikialam mo sa daan na patungo sa Egipto, upang uminom ng tubig sa Sikor? o anong ipakikialam mo sa daang patungo sa Asiria, upang uminom ng tubig sa ilog?
19 Sasawayin ka ng iyong sariling kasamaan, at sasawayin ka ng iyong mga pagtalikod: talastasin mo nga at iyong tingnan na masamang bagay at kapanglawpanglaw, na iyong pinabayaan ang Panginoon mong Dios: at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
20 Sapagka't nang unang panahon ay inalis ko ang iyong pamatok, at nilagot ko ang iyong mga tali; at iyong sinabi: Hindi ako maglilingkod; sapagka't sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy ay yumuko ka, na nagpatutot.
21 Gayon ma'y tinamnan kita ng mahal na puno ng ubas, na pawang mabuting binhi: bakit ka nga naging bansot na ibang puno ng ubas sa akin?
22 Sapagka't bagaman maghugas ka ng lihiya, at magbunton ka ng maraming sabon, gayon ma'y natatala sa harap ko ang iyong kasamaan, sabi ng Panginoong Dios.
16 Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath:
17 Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni't ang katawan ay kay Cristo.
18 Sinoman ay huwag manakawan ng ganting-pala sa inyo sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na nananatili sa mga bagay na kaniyang nakita, na nagpapalalo ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang akalang ukol sa laman,
19 At hindi nangangapit sa Ulo, na sa kaniya'y ang buong katawan, na inaalalayan at nakalakip sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalago ng paglagong mula sa Dios.
20 Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan,
21 Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo;
22 (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?
23 Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.
Public Domain