Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
69 Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
71 Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
27 At kung ang sinomang karaniwang tao sa bayan ay magkasala ng hindi sinasadya, sa paggawa sa alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at maging makasalanan;
28 Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang pinagkasalahan, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang babaing kambing na walang kapintasan, na dahil sa kaniyang kasalanang pinagkasalahan niya.
29 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin ang handog dahil sa kasalanan sa lagayan ng pagsusunugan ng handog.
30 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo niyaon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
31 At ang lahat ng taba niyaon ay kaniyang aalisin, na gaya ng pagaalis ng taba sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y patatawarin.
14 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
15 Kung ang sinoman ay makasuway at magkasala ng di sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon; ay magdadala nga siya sa Panginoon ng handog dahil sa pagkakasala na isang tupang lalaking walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga sa siklong pilak, ayon sa siklo ng santuario na pinakahandog dahil sa pagkakasala:
16 At isasauli niya yaong kaniyang nadaya sa banal na bagay, at magdaragdag pa ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa saserdote: at itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng lalaking tupang handog dahil sa pagkakasala; at siya'y patatawarin.
11 Mga minamahal, ipinamamanhik ko sa inyong tulad sa mga nangingibang bayan at nagsisipaglakbay, na kayo'y magsipagpigil sa mga masamang pita ng laman, na nakikipaglaban sa kaluluwa;
12 Na kayo'y mangagkaroon ng timtimang ugali sa gitna ng mga Gentil; upang, sa mga bagay na ipinagsasalita nila laban sa inyong tulad sa nagsisigawa ng masama, dahil sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita, ay purihin nila ang Dios sa araw ng pagdalaw.
13 Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan;
14 O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.
15 Sapagka't siyang kalooban ng Dios, na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong palalo:
16 Na gaya nang kayo'y mga laya, at ang inyong kalayaan ay hindi ginagamit na balabal ng kasamaan, kundi gaya ng mga alipin ng Dios.
17 Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang pagkakapatiran. Mangatakot kayo sa Dios. Igalang ninyo ang hari.
Public Domain