Revised Common Lectionary (Complementary)
133 Masdan ninyo, na pagkabuti at pagkaligaya sa mga magkakapatid na magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!
2 Parang mahalagang langis sa ulo, na tumutulo sa balbas, sa makatuwid baga'y sa balbas ni Aaron. Na tumulo sa laylayan ng kaniyang mga suot;
3 Gaya ng hamog sa Hermon, na tumutulo sa mga bundok ng Sion: sapagka't doon pinarating ng Panginoon ang pagpapala, sa makatuwid baga'y ang buhay na magpakailan pa man.
29 At kaniyang ipinagbilin sa kanila, at sinabi sa kanila: Ako'y malalakip sa aking bayan: ilibing ninyo ako sa kasamahan ng aking mga magulang sa yungib na nasa parang ni Ephron na Hetheo,
30 Sa yungib na nasa parang ng Machpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, na binili ni Abraham, na kalakip ng parang kay Ephron na Hetheo, na pinakaaring libingan:
31 Na doon nila inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa; na doon nila inilibing si Isaac at si Rebeca na kaniyang asawa; at doon ko inilibing si Lea:
32 Sa parang at sa yungib na nandoon na binili sa mga anak ni Heth.
33 At nang matapos si Jacob na makapagbilin sa kaniyang mga anak, ay kaniyang itinaas at itinikom ang kaniyang mga paa sa higaan, at nalagot ang hininga, at nalakip sa kaniyang bayan.
50 At yumakap si Jose sa mukha ng kaniyang ama, at umiyak sa ibabaw niya, at hinalikan niya siya.
2 At iniutos ni Jose sa kaniyang mga lingkod na manggagamot, na embalsamahin ang kaniyang ama: at inembalsama ng mga manggagamot si Israel.
3 At apat na pung araw ang ginanap sa kaniya; sapagka't gayon ginaganap ang mga araw ng pagembalsama; at tinangisan siya ng mga Egipcio ng pitong pung araw.
4 At nang makaraan ang mga araw ng pagiyak sa kaniya ay nagsalita si Jose sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa inyong mga mata ay salitain ninyo, isinasamo ko sa inyo, sa mga pakinig ni Faraon, na inyong sabihin,
5 Pinanumpa ako ng ama ko, na sinasabi, Narito, ako'y namamatay: sa libingan na aking hinukay sa akin sa lupain ng Canaan, ay doon mo ako ililibing. Ngayon nga'y pahintulutan ninyo akong umahon, isinasamo ko sa inyo, at aking ilibing ang aking ama, at babalik uli ako.
6 At sinabi ni Faraon, Umahon ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kaniyang ipinasumpa sa iyo.
7 At umahon si Jose upang ilibing ang kaniyang ama: at kasama niyang umahon ang lahat ng lingkod ni Faraon, ang mga matanda sa kaniyang sangbahayan, at ang lahat na matanda sa lupain ng Egipto;
8 At ang buong sangbahayan ni Jose, at ang kaniyang mga kapatid, at ang sangbahayan ng kaniyang ama: ang kanila lamang mga bata, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Gosen.
9 At umahong kasama niya ang mga karro at mga nangangabayo: at yao'y naging totoong malaking pulutong.
10 At sila'y dumating sa giikan ni Atad, na nasa dako pa roon ng Jordan, at doo'y nanaghoy sila ng malakas at kapaitpait na panaghoy: at kaniyang pinanangisan ang kaniyang ama na pitong araw.
11 At nang makita ng mga nananahan sa lupaing yaon, ng mga Cananeo, ang panaghoy sa giikan ni Atad, ay kanilang sinabi, Ito'y isang kahambalhambal na panaghoy ng mga Egipcio kaya't ang pangalang itinawag ay Abel-mizraim, nasa dako pa roon ng Jordan.
12 At ginawa sa kaniya ng kaniyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.
13 Sapagka't dinala siya ng kaniyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Machpela, na binili ni Abraham sangpu ng parang na pinakaaring libingan, kay Ephron na Hetheo, sa tapat ng Mamre.
14 At bumalik si Jose sa Egipto, siya, at ang kaniyang mga kapatid, at ang lahat na umahong kasama niya sa paglilibing sa kaniyang ama, pagkatapos na mailibing ang kaniyang ama.
13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.
14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya'y marumi ito.
15 Sapagka't kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.
16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan:
17 Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.
18 Sapagka't ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao.
19 Kaya nga sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.
20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi.
21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.
22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan.
23 Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.
15 Tayo ngang malalakas ay nararapat mangagbata ng kahinaan ng mahihina, at huwag tayong mangagbigay lugod sa ating sarili.
2 Bawa't isa sa atin ay magbigay lugod sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang ikabubuti sa ikatitibay.
Public Domain