Revised Common Lectionary (Complementary)
17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.
2 Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan; masdan ng iyong mga mata ang karampatan.
3 Iyong sinubok ang aking puso; iyong dinalaw ako sa kinagabihan; iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan; ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi. Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.
5 Ang aking mga hakbang ay nagsipanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
6 Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios: Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.
7 Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob, Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo. Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.
8 Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata, ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,
9 Sa masama na sumasamsam sa akin, sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.
10 Sila'y nangabalot sa kanilang sariling taba: sila'y nangagsasalita ng kanilang bibig na may kapalaluan.
11 Kanilang kinubkob nga kami sa aming mga hakbang: itinititig nila ang kanilang mga mata upang ibuwal kami sa lupa.
12 Sila'y parang leon na masiba sa kaniyang huli, at parang batang leon na nanunubok sa mga lihim na dako.
13 Bumangon ka, Oh Panginoon, harapin mo siya, ilugmok mo siya: iligtas mo ang aking kaluluwa sa masama sa pamamagitan ng iyong tabak;
14 Sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, Oh Panginoon, sa mga tao ng sanglibutan, na ang bahagi nila ay nasa buhay na ito, at ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan: kanilang binubusog ang kanilang mga anak, at iniiwan nila ang natira sa kanilang pag-aari sa kanilang sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran: ako'y masisiyahan pagka bumangon sa iyong wangis.
27 At nang ang pagtangis ay makaraan, ay nagsugo si David at kinuha siya sa kaniyang bahay, at siya'y naging kaniyang asawa, at nagkaanak sa kaniya ng isang lalake. Nguni't ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon.
12 At sinugo ng Panginoon si Nathan kay David. At siya'y naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, May dalawang lalake sa isang bayan; ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.
2 Ang mayaman ay mayroon totoong maraming kawan at bakahan:
3 Nguni't ang mahirap ay walang anomang bagay, liban sa isang munting korderong babae, na kaniyang binili at inalagaan: at lumaki sa kaniya, at sa kaniyang mga anak; kumakain ng kaniyang sariling pagkain at umiinom ng kaniyang sariling inumin, at humihiga sa kaniyang sinapupunan, at sa kaniya'y parang isang anak.
4 At naparoon ang isang maglalakbay sa mayaman, at ipinagkait niya ang kaniyang sariling kawan at ang kaniyang sariling bakahan, na ihanda sa naglalakbay na dumating sa kaniya, kundi kinuha ang kordero ng mahirap na lalake, at inihanda sa lalake na dumating sa kaniya.
5 At ang galit ni David ay nagalab na mainam laban sa lalake; at kaniyang sinabi kay Nathan, Buhay ang Panginoon, ang lalake na gumawa nito ay karapatdapat na mamatay:
6 At isinauli ang kordero na may dagdag na apat, sapagka't kaniyang ginawa ang bagay na ito, at sapagka't siya'y hindi naawa.
7 At sinabi ni Nathan kay David, Ikaw ang lalaking yaon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Pinahiran kita ng langis na maging hari sa Israel, at aking iniligtas ka sa kamay ni Saul;
8 At ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, at ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong sinapupunan, at ibinigay ko sa iyo ang sangbahayan ng Israel at ng Juda; at kung totoong kakaunti pa ito, ay dadagdagan pa kita ng gayong bagay.
9 Bakit nga iyong niwalang kabuluhan ang salita ng Panginoon, na iyong ginawa ang masama sa kaniyang paningin? iyong sinugatan ng tabak si Uria na Hetheo, at iyong kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong asawa, at iyong pinatay siya ng tabak ng mga anak ni Ammon.
10 Ngayon nga'y ang tabak ay hindi hihiwalay kailan man sa iyong sangbahayan; sapagka't iyong niwalan ng kabuluhan ako, at iyong kinuha ang asawa ni Uria na Hetheo upang maging iyong asawa.
11 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magtitindig ng kasamaan laban sa iyo na mula sa iyong sariling sangbahayan, at aking kukunin ang iyong mga asawa sa harap ng iyong mga mata, at aking ipagbibigay sa iyong kapuwa, at kaniyang sisipingan ang iyong mga asawa sa sikat ng araw na ito.
12 Sapagka't iyong ginawa na lihim: nguni't aking gagawin ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.
13 At sinabi ni David kay Nathan, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon. At sinabi ni Nathan kay David, Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.
14 Gayon ma'y sapagka't sa gawang ito'y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay walang pagsalang mamamatay.
15 At si Nathan ay umuwi sa kaniyang bahay. At sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Uria kay David, at totoong malubha.
7 At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman:
8 Nalalaman ko ang iyong mga gawa (narito, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ng sinoman), na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan.
9 Narito, ibinibigay ko sa sinagoga ni Satanas, ang mga nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nangagbubulaan; narito, sila'y aking papapariyanin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at nang maalamang ikaw ay aking inibig.
10 Sapagka't tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, na darating sa buong sanglibutan, upang subukin ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa.
11 Ako'y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong.
12 Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan.
13 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
Public Domain