Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 18:1-19

18 Iniibig kita, Oh Panginoon, na aking kalakasan.

Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas; aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako; aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.

Ako'y tatawag sa Panginoon, na marapat na purihin: sa gayo'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.

Pinamuluputan ako ng mga tali ng kamatayan, at tinakot ako ng mga baha ng kasamaan.

Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko: ang mga silo ng kamatayan ay dumating sa akin.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon, at dumaing ako sa aking Dios: dininig niya ang aking tinig mula sa kaniyang templo, at ang aking daing sa harap niya ay dumating sa loob ng kaniyang mga pakinig.

Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa, ang mga patibayan naman ng mga bundok ay nakilos, at nauga, sapagka't siya'y napoot.

Napailanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, at apoy na mula sa kaniyang bibig ay sumupok: mga baga ay nangagalab sa pamamagitan niyaon.

Kaniya namang iniyuko ang mga langit, at ibinaba; at salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.

10 At siya'y sumakay sa isang querubin, at lumipad: Oo, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.

11 Ginawa niya ang kadiliman na kaniyang kublihang dako, ang kaniyang kulandong sa buong palibot niya; mga kadiliman ng tubig, masinsing mga alapaap sa langit.

12 Sa kakinangan sa harap niya ay dumaan ang kaniyang mga masinsing alapaap, mga granizo at mga bagang apoy.

13 Ang Panginoon naman ay kumulog sa mga langit, at pinatunog ng Kataastaasan ang kaniyang tinig; mga granizo, at mga bagang apoy.

14 At kaniyang inihilagpos ang kaniyang mga pana, at pinapangalat sila; Oo, mga kidlat na di masayod at ginulo sila.

15 Nang magkagayo'y nagsilitaw ang mga lagusan ng tubig, at ang mga patibayan ng sanglibutan ay nangahubdan, sa iyong pagsaway, Oh Panginoon, sa hihip ng hinga ng iyong mga butas ng ilong.

16 Siya'y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako; sinagip niya ako sa maraming tubig.

17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway, At sa mga nangagtatanim sa akin, sapagka't sila'y totoong makapangyarihan sa ganang akin.

18 Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng aking kasakunaan, nguni't ang Panginoon ay siyang aking gabay.

19 Inilabas naman niya ako sa maluwag na dako; iniligtas niya ako, sapagka't siya'y nalulugod sa akin.

Genesis 19:1-29

19 At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila'y nakita ni Lot, at nagtindig upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha sa lupa;

At nagsabi, Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsiliko at magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo'y matira sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsipagbangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad. At kanilang sinabi, Hindi, kundi sa langsangan mananahan kami sa buong magdamag.

At kaniyang pinakapilit sila; at sila'y nagsiliko, at nagsipasok sa kaniyang bahay; at sila'y kaniyang pinaghandaan, at ipinagluto ng mga tinapay na walang levadura, at nagsikain.

Datapuwa't bago nagsihiga, ang bahay ay kinulong ng mga tao sa bayan sa makatuwid baga'y ng mga tao sa Sodoma, na mga binata at gayon din ng mga matanda ng buong bayan sa buong palibot;

At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kaniya, Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.

At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya.

At sinabi niya, Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan.

Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anoman ang mga lalaking ito; yamang sila'y nangasa silong ng aking bubungan.

At sinabi nila, Umurong ka! At sinabi pa nila, Ang taong ito'y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga'y gagawan ka namin ng lalong masama kay sa kanila. At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.

10 Datapuwa't iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.

11 At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti't malaki: ano pa't sila'y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.

12 At sinabi ng mga lalake kay Lot, Mayroon ka pa ritong kamaganakan? Ang iyong mga manugang, at ang iyong mga anak na lalake at babae, at ang lahat ng iyong tinatangkilik sa bayan: ay ipagaalis mo sa dakong ito:

13 Sapagka't aming lilipulin ang dakong ito dahil sa napakalakas ang kanilang sigaw sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang aming lipulin.

14 At si Lot ay lumabas, at pinagsabihan niya ang kaniyang mga manugang na nagasawa sa kaniyang mga anak na babae, at sinabi, Magtindig kayo, magsialis kayo sa dakong ito; sapagka't gugunawin ng Panginoon ang bayan. Datapuwa't ang akala ng kaniyang mga manugang ay nagbibiro siya.

15 At nang umumaga ay pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, Magbangon ka, ipagsama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.

16 Datapuwa't siya'y nagluluwat; at hinawakan ng mga lalake ang kaniyang kamay, at ang kamay ng kaniyang asawa, at ang kamay ng kaniyang dalawang anak na babae; sa habag sa kaniya ng Panginoon: at siya'y kanilang inilabas, at siya'y kanilang inilagay sa labas ng bayan.

17 At nangyari, na nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi, Itakas mo ang iyong buhay; huwag kang lumingon o huminto man sa buong kapatagan; tumakas ka hanggang sa bundok, baka ikaw ay mamatay.

18 At sinabi sa kanila ni Lot, Huwag ganiyan, panginoon ko:

19 Narito, ngayo't ang lingkod mo ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, at pinakalaki mo ang iyong awang ipinakita sa akin sa pagliligtas ng aking buhay; at ako'y di makatatakas sa bundok, baka ako'y abutan ng sama, at ako'y mamatay.

20 Narito, ang bayang ito ay malapit takasan at maliit: Oh tulutan mong tumakas ako roon, (di ba yao'y maliit?) at mabubuhay ako.

21 At sinabi sa kaniya, Narito, sa bagay mang ito ay pinayagan din kita, na hindi ko gugunawin ang bayang iyong sinalita.

22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagka't wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon. Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang yaon ay Zoar.

23 Ang araw ay nakalitaw na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.

24 Nang magkagayo'y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit;

25 At ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.

26 Datapuwa't ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran ni Lot, at naging haliging asin.

27 At si Abraham ay sumampang maaga ng kinaumagahan sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.

28 At siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng Kapatagan, at tumanaw, at narito, ang usok ng lupain ay napaiilanglang na parang usok ng isang hurno.

29 At nangyari, na nang gunawin ng Dios ang mga bayan ng Kapatagan, na naalaala ng Dios si Abraham, at pinalabas si Lot, mula sa gitna ng pinaggunawan, nang gunawin ang mga bayan na kinatitirahan ni Lot.

Roma 9:14-29

14 Ano nga ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Dios? Huwag nawang mangyari.

15 Sapagka't sinasabi niya kay Moises, Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.

16 Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.

17 Sapagka't sinasabi ng kasulatan tungkol kay Faraon, Dahil sa layong ito, ay itinaas kita, upang aking maihayag sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangala'y maitanyag sa buong lupa.

18 Kaya nga sa kaniyang ibig siya'y naaawa, at sa kaniyang ibig siya'y nagpapatigas.

19 Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka't sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban?

20 Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito?

21 O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalyok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya.

22 Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira:

23 At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian,

24 Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?

25 Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas, Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan; At iniibig, na hindi dating iniibig.

26 At mangyayari, na sa dakong pinagsabihan sa kanila, kayo'y hindi ko bayan, Ay diyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay.

27 At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 Sapagka't isasagawa ng Panginoon ang kaniyang salita sa lupa, na tatapusin at paiikliin.

29 At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, Kung hindi nagiwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, Tayo'y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain