Old/New Testament
Pinatay ang mga Apo ni Saul
21 Sa panahon ng paghahari ni David, tatlong sunud-sunod na taon na nagkaroon ng taggutom, kaya't sumangguni siya kay Yahweh. Ito ang kanyang tugon, “Maraming buhay ang inutang ni Saul at ng kanyang sambahayan, sapagkat ipinapatay niya ang mga Gibeonita.” 2 Ang(A) mga Gibeonita ay hindi buhat sa lahi ng Israel. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo na pinangakuang hindi lilipulin ng mga Israelita. Ngunit sila'y sinikap lipulin ni Saul dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga taga-Israel at Juda. 3 Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo upang mapagbayaran ang kasalanan sa inyo ng aming bayan, at nang sa gayon ay mapawi ang inyong galit at basbasan ang sambayanan ni Yahweh?”
4 Sumagot sila, “Ang sama ng loob namin kay Saul at sa kanyang sambahayan ay hindi kayang tumbasan ng ginto at pilak. Ngunit ayaw rin naming pumatay ng sinuman sa Israel.”
“Kung gayon, ano ang dapat kong gawin para sa inyo?” tanong ni David.
5 Sumagot sila, “Hinangad po ng Saul na iyon na ubusin ang lahi namin sa Israel. 6 Kaya, ibigay ninyo sa amin ang pito sa mga lalaking mula sa kanyang angkan at bibitayin namin sila sa Gibeon sa harapan ni Yahweh.”
“Sige, ibibigay ko sila sa inyo,” sagot ni David.
7 Ngunit(B) dahil sa sumpaang ginawa nina David at Jonatan, iniligtas niya si Mefiboset, ang apo ni Saul kay Jonatan. 8 Ang(C) ibinigay ng hari ay sina Armoni at isang Mefiboset din ang pangalan, mga anak ni Saul kay Rizpa na anak ni Aya, at ang limang anak ni Adriel kay Merab.[a] Si Merab ay anak ni Saul at si Adriel nama'y anak ni Barzilai na taga-Meholat. 9 Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong ito, at sila'y sama-samang binigti sa bundok sa harapan ni Yahweh. Nangyari ito nang nagsisimulang anihin ang sebada.
10 Sa buong panahon ng anihan hanggang dumating ang tag-ulan, si Rizpa na anak ni Aya ay hindi na umalis sa kinaroroonan ng mga bangkay. Gumawa siya ng isang silungang sako sa ibabaw ng isang malaking bato at binantayan ang mga bangkay upang hindi makain ng mga ibon at maiilap na hayop.
11 Nang mabalitaan ito ni David, 12 ipinakuha(D) niya ang bangkay ni Saul at ni Jonatan sa mga pinuno ng Jabes-gilead. Ninakaw ng mga ito ang bangkay nina Saul at Jonatan sa Bethsan na ibinitin doon ng mga Filisteo noong araw na sila'y mapatay sa Gilboa. 13 Ipinakuha nga niya ang mga bangkay nina Saul at Jonatan at isinama sa mga bangkay ng pitong binigti sa bundok. 14 Pagkatapos, dinala nila ito sa libingan ng kanyang amang si Kish, sa lupain ni Benjamin sa Zela. Ang lahat ng iniutos ng hari ay natupad, at mula noon, dininig ni Yahweh ang kanilang dalangin para sa bansa.
Nalupig ang mga Higante(E)
15 Dumating ang araw na nagdigmaan muli ang mga Filisteo at mga Israelita. Sumama si David sa kanyang mga kawal sa pakikipaglaban. Sa isang labanan ay lubhang napagod si David. 16 Papatayin na sana siya ng higanteng si Esbibenob, na may dalang bagong espada at sibat na may tatlo't kalahating kilo ang bigat. 17 Ngunit(F) tinulungan ni Abisai na anak ni Zeruias si David, at pinatay ang higanteng Filisteo. Mula noon, pinasumpa nila si David na hindi na siya muling sasama sa labanan. “Ikaw ang ilaw ng Israel. Ayaw naming mawala ka sa amin,” sabi ng mga kawal ni David.
18 Hindi nagtagal at muling naglaban ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Nangyari naman ito sa Gob at doon napatay ni Sibecai na Husatita ang higanteng si Saf. 19 Sa isa pang sagupaan sa Gob laban sa mga Filisteo, napatay naman ni Elhanan, anak ni Jair na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo. Ang hawakan ng sibat nito'y sinlaki ng kahoy na pahalang sa habihan.
20 Sa isa namang labanan sa Gat, mayroong isang higante na dalawampu't apat ang daliri—tig-aanim bawat paa't kamay. 21 Hinamon nito ang mga Israelita ngunit napatay naman ni Jonatan na pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.
22 Ang apat na ito'y buhat sa lahi ng mga higante sa Gat, at nasawi sa mga kamay ni David at ng kanyang mga tauhan.
Ang Awit ng Pagtatagumpay ni David(G)
22 Inawit ni David ang awit na ito para kay Yahweh nang araw na iniligtas siya ni Yahweh mula sa kamay ng kanyang mga kaaway at sa kamay ni Saul.
2 “Si Yahweh ang aking tagapagligtas,
matibay na muog na aking sanggalang.
3 Ang Diyos ang bato na aking kanlungan,
aking kalasag at tanging kaligtasan.
Siya ang aking pananggalang,
sa mga marahas ay siya kong tanggulan.
4 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa mga kaaway ako'y kanyang inililigtas.
Purihin si Yahweh!
5 “Pinapalibutan ako ng alon ng kamatayan,
tinutugis ako nitong agos ng kapahamakan.
6 Daigdig ng mga patay, ako'y pinupuluputan,
patibong ng kamatayan, ang aking dinaraanan.
7 “Sa kagipitan ko, ako ay tumawag,
ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap.
Mula sa templo niya ay kanyang dininig,
ang aking pagsamo at ang aking hibik.
8 “Nayanig ang lupa nang siya'y magalit,
at nauga pati sandigan ng langit.
9 Nagbuga ng usok ang kanyang ilong,
at mula sa bibig, lumabas ang apoy.
10 Hinawi ang langit, bumabâ sa lupa
makapal na ulap ang tuntungang pababa.
11 Sakay ng kerubin mabilis lumipad;
sa bilis ng hangin siya ay naglayag.
12 Nagtago sa likod ng dilim,
naipong tubig, ulap na maitim.
13 At magmula roon gumuhit ang kidlat,
at sa harap niya'y biglang nagliwanag.
14 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasang Diyos ay narinig.
15 Mga palaso niya'y pinakawalan,
dahil sa kidlat mga kaaway niya'y nagtakbuhan.
16 Sa sigaw ni Yahweh sa mga kaaway,
sa apoy ng galit niyang nag-aalab,
ang tubig sa dagat ay halos maparam,
mga pundasyon ng mundo'y naglitawan.
17 “Mula sa ilalim ng tubig sa dagat,
iniahon ako't kanyang iniligtas.
18 Iniligtas ako sa mga kaaway
na di ko makayang mag-isang labanan.
19 Sa kagipitan ko, ako'y sinalakay,
subalit para sa akin si Yahweh ang lumaban.
20 Sapagkat sa akin siya'y nasiyahan,
iniligtas niya ako sa kapahamakan.
21 “Ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran,
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
22 Sapagkat ang tuntunin ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ako lumihis sa landas ng aking Diyos.
23 Aking sinunod ang buong kautusan,
isa mang utos niya'y hindi ko sinuway.
24 Nalalaman niyang ako'y walang sala,
sa gawang masama'y lumalayo tuwina.
25 Kaya't ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran;
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
26 “Sa mga taong tapat, ikaw rin ay tapat,
sa mga matuwid, matuwid kang ganap.
27 Sa pusong malinis, bukás ka at tapat,
ngunit sa mga baluktot, hatol mo'y marahas.
28 Mga nagpapakumbaba'y iyong inililigtas,
ngunit ang palalo'y iyong ibinabagsak.
29 Ikaw po, O Yahweh, ang aking tanglaw,
pinawi mong lubos ang aking kadiliman.
30 Sa tulong mo'y nalulupig ko ang mga kaaway,
sa pamamagitan mo, Diyos, anumang pader ay nahahakbang.
31 Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan;
pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan.
Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag.
32 “Maliban kay Yahweh, may Diyos pa bang iba?
Iisang tanggulan, hindi ba't siya na?
33 Ang Diyos ang aking muog na kanlungan,
ang nag-iingat sa aking daraanan.
34 Tulad(H) ng sa usa, paa ko'y pinatatag,
sa mga bundok iniingatan akong ligtas.
35 Sinanay niya ako sa pakikipagdigma,
matigas na pana kaya kong mahila.
36 “Ako'y iniligtas mo, Yahweh, ng iyong kalinga,
at sa tulong mo ako'y naging dakila.
37 Binigyan mo ako ng pagtataguan,
kaya di mahuli ng mga kalaban.
38 Mga kaaway ko ay aking tinugis,
hanggang sa malipol, di ako nagbalik.
39 Nilipol ko sila at saka sinaksak,
at sa paanan ko sila ay bumagsak!
40 Pinalakas mo ako para sa labanan,
kaya't nagsisuko ang aking kalaban.
41 Mga kaaway ko'y iyong itinaboy,
mga namumuhi sa aki'y pawang nalipol.
42 Humanap sila ng saklolo, ngunit walang matagpuan.
Hindi sila pinansin ni Yahweh nang sila'y nanawagan.
43 Tinapakan ko sila hanggang sa madurog,
pinulbos ko silang parang alikabok;
sa mga lansangan, putik ang inabot.
44 “Sa mga naghimagsik, ako'y iyong iniligtas,
pamamahala sa mga bansa sa aki'y iniatas;
at marami pang ibang sumuko't nabihag.
45 Ang mga dayuhan sa aki'y yumuyukod,
kapag narinig ang tinig ko, sila'y sumusunod.
46 Sa laki ng takot ay naglalabasan
sa kanilang kutang pinagtataguan.
47 “Mabuhay si Yahweh! Purihin ang aking batong tanggulan.
Dakilain ang aking Diyos! Ang bato ng aking kaligtasan.
48 Nilulupig niya ang aking kalaban
at pinapasuko sa aking paanan.
49 Iniligtas ako sa aking kaaway,
ako'y inilayo sa sumasalakay;
sa taong marahas, ipinagsanggalang.
50 “Sa(I) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin.
51 Pinagkaloobang magtagumpay lagi, ang abang lingkod mong piniling hari;
di mo kailanman pababayaan ang iyong pinili,
na si Haring David at ang kanyang mga susunod na lahi.”
24 Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”
26 Nagtanong ang mga taong nakarinig nito, “Kung gayon, sino ang maliligtas?”
27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus.
28 Sinabi naman ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang aming mga tahanan at sumunod sa inyo.”
29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, 30 tatanggap siya ng higit pa sa panahong ito. At sa panahong darating, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.”
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
31 Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. 33 Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” 34 Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; inilihim sa kanila ang kahulugan niyon, at hindi nila nalalaman ang sinasabi ni Jesus.
Pinagaling ang Lalaking Bulag(B)
35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.
37 “Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret,” sabi nila sa kanya.
38 At siya'y sumigaw, “Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” “Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli,” sagot niya.
42 At sinabi ni Jesus, “Makakita ka! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
43 Noon di'y nakakita ang bulag at nagpupuri sa Diyos na sumunod kay Jesus. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.