Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 3-5

Tumagal ang digmaan sa pagitan ng mga tauhan nina David at ng angkan ni Saul. Lumakas nang lumakas ang pangkat ni David samantalang patuloy namang humina ang angkan ni Saul.

Mga Anak ni David sa Hebron

Samantalang nasa Hebron, ito ang mga naging anak na lalaki ni David: ang panganay ay si Amnon na anak niya kay Ahinoam. Si Quileab ang sumunod na anak naman niya kay Abigail, ang balo ni Nabal. Ang ikatlo'y si Absalom na anak kay Maaca na anak ni Talmai na hari sa Gesur. Si Adonias ang ikaapat, anak niya kay Haggit; ang ikalima'y si Sefatias, anak niya kay Abital; at ang ikaanim ay si Itream, anak niya kay Egla. Ang mga ito ang naging anak ni David sa Hebron.

Ang Kasunduan nina Abner at David

Habang naglalaban ang mga pangkat nina Saul at David, si Abner ang kinilalang pinuno ng mga tauhan ni Saul.

Minsa'y pinagsabihan ni Isboset si Abner, “Bakit mo sinipingan si Rizpa, ang anak ni Aya, ang asawang-lingkod ng aking ama?”

Nagalit si Abner sa sinabing ito ni Isboset at sumagot siya, “Anong palagay mo sa akin, isang taksil? Isang lihim na tauhan ng Juda? Hanggang sa araw na ito'y tapat ako sa sambahayan ng iyong amang si Saul, sa kanyang mga kapatid at mga kaibigan. Maging ikaw ay hindi ko ipinagkanulo kay David; bakit pagbibintangan mo ako sa babaing ito? Saksi ko ang Diyos; tulungan sana niya ako upang maisakatuparan ang pangako ni Yahweh kay David 10 na(A) maalis ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at maitatag ang paghahari ni David sa Juda, mula sa Dan hanggang Beer-seba.” 11 Hindi nakasagot si Isboset dahil sa takot kay Abner.

12 Nagpadala si Abner ng mga sugo kay David sa Hebron at ito ang ipinasabi, “Kanino nga ba ang lupaing ito? Makipagkasundo ka sa akin at tutulungan kitang mapasaiyo ang buong Israel.”

13 “Mabuti!” tugon ni David. “Papayag ako sa isang kondisyon: Hindi ka muna makikipagkita sa akin hangga't hindi mo nadadala rito si Mical na anak ni Saul.” 14 Samantala,(B) nagpadala rin si David ng mga sugo kay Isboset at ito naman ang ipinasabi, “Dalhin mo sa akin si Mical, ang napangasawa ko bilang kapalit ng sandaang balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” 15 Kaya't pinahiwalay ni Isboset si Mical sa asawa nito, kay Paltiel na anak ni Lais. 16 Sumama si Paltiel hanggang Bahurim, at habang daa'y umiiyak. Ngunit ang lalaki'y pinabalik ni Abner at hindi ito nakatutol.

17 Nilapitan ni Abner ang pinuno ng Israel at sinabi, “Matagal nang hinahangad ninyong maging hari si David. 18 Dumating na ang panahon upang matupad iyan. Ganito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa kanya: ‘Sa pamamagitan ni David, ililigtas ko ang bansang Israel mula sa kamay ng mga Filisteo at iba pa nilang mga kaaway.’” 19 Kinausap din ni Abner ang lipi ni Benjamin. Pagkatapos, nagpunta siya sa Hebron at sinabi kay David ang pinagkasunduan ng mga Israelita at ng lipi ni Benjamin.

20 Nang tanggapin ni David si Abner, may kasama itong dalawampung tauhan. Hinandugan niya ito ng isang salu-salo. 21 Sinabi ni Abner kay David, “Ngayo'y lalakad na ako upang ihandog nang buong-buo ang Israel sa inyong kamahalan. Magpapasakop sila sa inyo at maghari kayo sa kanila ayon sa inyong kagustuhan.” At mapayapang pinalakad ni David si Abner.

Pinatay ni Joab si Abner

22 Pagkaalis ni Abner, dumating naman mula sa pagsalakay ang mga kawal ni David sa pangunguna ni Joab. Napakarami nilang samsam na dala. 23 Nalaman agad ni Joab na si Abner ay nakipagkita sa hari at pinayagan nitong umalis nang payapa. 24 Pinuntahan agad ni Joab ang hari at sinabi, “Bakit po ninyo ginawa ito? Naparito na nga si Abner ay pinakawalan pa ninyo? Ngayo'y wala na siya! 25 Hindi ba ninyo kilala si Abner? Naparito siya upang pagtaksilan kayo, gusto lamang niyang tiktikan ang inyong mga ginagawa.”

26 Pagkatalikod sa hari, ipinahabol agad ni Joab si Abner. Inabutan nila ito sa may balon ng tubig sa Sira. Hindi alam ni David ang mga nangyayaring iyon. 27 Nang maibalik na sa Hebron si Abner, tinawag ito ni Joab sa may pintuan ng lunsod at kunwari'y mag-uusap lang sila nang sarilinan. Dito niya isinagawa ang paghihiganti sa pagkamatay ng kapatid niyang si Asahel. Sinaksak niya sa tiyan si Abner at ito'y namatay. 28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Ako at ang aking kaharian ay walang sagutin sa harap ni Yahweh sa pagkamatay ni Abner. 29 Dapat itong panagutan ni Joab at ng kanyang sambahayan. Ang kanyang sambahayan sana'y huwag mawalan ng mga baldado, may sakit na tulo, sakit sa balat na parang ketong, mapapatay sa labanan o mamamatay sa gutom!” 30 Ngunit sa ganoong paraan ginantihan ng magkapatid na Joab at Abisai si Abner dahil sa pagpatay nito kay Asahel sa labanan sa Gibeon.

31 Iniutos ni David kay Joab at sa lahat ng kasama nito na punitin ang kanilang mga damit at magsuot ng panluksa bilang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Abner. Pati ang Haring David ay nakipaglibing din 32 nang si Abner ay ilibing sa Hebron. Umiyak nang malakas ang hari at ang mga taong-bayan. 33 Ganito ang awit-pagluluksa ng hari:

“O Abner, dapat ka bang mamatay gaya ng isang tulisan?[a]
34 Ikaw naman ay malaya't walang gapos ang mga kamay.
Mga paa mo nama'y hindi natatanikalaan,
ngunit ikaw ay namatay sa kamay ng mga tampalasan.”

Pagkarinig nito'y muling tumangis ang mga tao.

35 Hinimok nila si David na kumain kahit bahagya, ngunit sinabi nito: “Isinusumpa kong hindi ako kakain kahit ano hangga't hindi lumulubog ang araw.” 36 Ang mga tao'y sumang-ayon sa nakita nilang ginawa ni David sapagkat ito'y nakalugod sa kanila, tulad ng iba pang ginawa ng hari. 37 Noon nalaman ng buong Israel na walang kinalaman ang hari sa pagkamatay ni Abner. 38 Sinabi ng hari sa kanyang mga alipin, “Hindi ba ninyo nalalamang isang dakilang pinuno ang nawala ngayon sa Israel? 39 Kahit na ako'y hari, nanliliit ako at kinikilabutan sa kasamaang ginawa ng mga anak ni Zeruias. Hindi ito maaatim ng aking kalooban. Parusahan nawa sila ni Yahweh!”

Pinatay si Isboset

Nang malaman ni Isboset na si Abner ay pinatay sa Hebron, pinagharian siya ng takot, pati ang buong Israel. Noo'y may dalawa siyang pinuno sa pagsalakay, sina Baana at Recab. Sila'y mga anak ni Rimon na taga-Beerot at mula sa lipi ni Benjamin. Ang Beerot ay dating sakop ng Benjamin, ngunit ang mga tagaroon ay tumakas at nagpunta sa Gitaim at doon na nanirahan.

Isa(C) pa sa mga apo ni Saul ay si Mefiboset na anak ni Jonatan. Limang taon siya noon nang mapatay sa Jezreel sina Saul at Jonatan. Nang dumating ang malagim na balita, dinampot siya ng tagapag-alaga upang itakas. Ngunit sa pagmamadali ay nabitawan siya at iyon ang dahilan ng kanyang pagkalumpo.

Isang tanghali, sina Recab at Baana ay pumasok sa tahanan ni Isboset samantalang ito'y namamahinga. Hindi sila namalayang pumasok sapagkat ang babaing bantay-pinto ay nakatulog dahil sa pagod sa paglilinis ng trigo.[b] Kaya't tuluy-tuloy sila sa silid ni Isboset at pinatay nila habang ito'y natutulog. Pinutol nila ang kanyang ulo saka sila tumakas. Magdamag silang naglakbay sa lupain ng Araba patungo sa Hebron. Dinala nila ang ulo ni Isboset kay David at ang sabi rito, “Narito ang ulo ng anak ni Saul, ang nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ngayon ni Yahweh ang inyong kadakilaan!”

Sumagot na may sumpa si David sa magkapatid na Recab at Baana, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] at tumulong sa akin sa lahat kong kagipitan. 10 Hinuli(D) ko at pinatay sa Ziklag ang taong nagbalita sa aking patay si Saul sa pag-aakalang matutuwa ako sa balitang iyon. 11 Gaano pa kaya ang aking gagawin sa mga taong pumatay sa walang malay na natutulog sa sariling tahanan! Hindi kaya dapat kayong lipulin sa daigdig na ito dahil sa ginawa ninyong iyan?” 12 Kaya't iniutos ni David na sila'y patayin at ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid at ibinitin sa may lawa sa Hebron. Ang ulo naman ni Isboset ay dinala sa Hebron at isinama sa libingan ni Abner.

Naghari si David sa Israel at Juda(E)

Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. Tatlumpung(F) taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.

Nang(G) siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon.

Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!”

Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. 10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

11 Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David. 12 Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel.

13 Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak. 14 Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, 16 Elisama, Eliada at Elifelet.

Nalupig ang mga Filisteo(H)

17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay kinilala nang hari ng Israel, tinipon nila ang kanilang hukbo upang siya'y digmain. Umabot ito sa kaalaman ni David, kaya't nagpunta siya sa isang kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at humanay sa kapatagan ng Refaim. 19 Sumangguni si David kay Yahweh, “Lalabanan ko ba ang mga Filisteo? Matatalo ko ba sila?” tanong ni David.

Sumagot si Yahweh, “Lumusob ka at magtatagumpay ka.”

20 Lumusob nga si David at tinalo niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim.[d] Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Kaya, Baal-perazim ang itinawag sa lugar na iyon. 21 Naiwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan at ang mga iyo'y kinuha nina David.

22 Ngunit nagbalik ang mga Filisteo at humanay muli sa kapatagan ng Refaim. 23 Sumangguni na naman kay Yahweh si David at ito ang sagot: “Huwag mo silang lulusubin nang harapan. Lumigid ka sa kanilang likuran sa tapat ng mga puno ng balsam. 24 Pagkarinig mo ng mga yabag sa itaas ng mga kahuyan, lumusob ka agad, sapagkat ako ang nangunguna upang gapiin sila.” 25 Sinunod ni David ang iniutos ni Yahweh at tinalo nga nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang Gezer.

Lucas 14:25-35

Ang Pagiging Alagad(A)

25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 “Hindi(B) maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang(C) hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’

31 “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung kaya niya, gamit ang sampung libo niyang kawal, na sumagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.

Asin na Walang Alat(D)

34 “Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? 35 Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.