Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 10-12

10 Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binuhusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binuhusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamumunuan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan: Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalala at ipinagtatanong ng iyong ama. Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may malalaking puno sa Tabor. Papunta sila sa Bethel sa altar ng Diyos; ang isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak. Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Kapag inalok ka, tanggapin mo. Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampo ng mga Filisteo, makakasalubong mo naman ang isang pangkat ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng alpa, tamburin, plauta at lira. Sila'y galing sa altar sa burol, at nagpapahayag ng propesiya. Sa oras na iyon, lulukuban ka ng Espiritu[a] ni Yahweh. Ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila. Magbabago ang iyong pagkatao. Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang dapat mong gawin sapagkat sasamahan ka ng Diyos. Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.”

Nang maghiwalay sila ni Samuel, si Saul ay binigyan ng Diyos ng bagong katauhan. At nang araw ring iyon, naganap ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel. 10 Pagdating nila sa Gibea, nakasalubong nga nila ang isang pangkat ng mga propeta. Lumukob kay Saul ang Espiritu[b] ni Yahweh at siya'y nagpahayag din tulad sa ginagawa ng mga propeta. 11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya, itinanong ng mga ito, “Ano bang nangyari kay Saul na anak ni Kish? Propeta na rin ba si Saul?”

12 Isang(A) tagaroon ang sumagot, “Bakit naman hindi? Baka siya pa nga ang kanilang pinuno.”[c] At dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?” 13 Pagkatapos ng pangyayaring iyon, si Saul ay nagpunta sa altar sa burol.

14 Pagdating doon, si Saul at ang kasama niyang lingkod ay tinanong ng kanyang tiyo, “Saan ba kayo nagpunta?”

Sumagot siya, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi ko makita, nagtuloy kami kay Samuel.”

15 Sinabi ng kanyang tiyo, “Ano ang sinabi sa iyo ni Samuel?”

16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na raw ang mga asnong hinahanap namin.” Ngunit hindi niya binanggit ang tungkol sa pagkahirang sa kanya bilang hari ng Israel.

Si Saul ay Tinanghal Bilang Hari

17 Ang mga Israelita ay tinawag ni Samuel sa isang banal na pagpupulong sa Mizpa. 18 Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang nagpapahirap sa inyo. 19 Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.’”

20 Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagpalabunutan sila at nakuha ang lipi ni Benjamin. 21 Pinalapit naman niya ang mga angkan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Kish. Ngunit wala roon si Saul. 22 Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, “Pupunta po kaya siya rito?”

Sumagot si Yahweh, “Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.”

23 Siya'y patakbo nilang pinuntahan at dinala sa mga tao. Nang mapagitna siya sa karamihan, si Saul ang pinakamatangkad. 24 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Ito ang pinili ni Yahweh. Wala siyang katulad sa buong bayan.”

Sabay-sabay silang sumigaw, “Mabuhay ang hari!”

25 Inisa-isa ni Samuel sa mga taong-bayan ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito at inilagay sa harap ng altar ni Yahweh. Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga Israelita. 26 Pati si Saul ay umuwi na sa Gibea, kasama ang ilang matatapang na Israelita, mga lalaking ang puso'y hinipo ng Diyos. 27 Ngunit may ilang tao roon na pakutyang nagtanong, “Paano tayo maililigtas niyan?” Nilait nila si Saul at hindi sila nagbigay ng handog sa kanya. Ngunit tumahimik lamang si Saul.

Tinalo ni Saul ang mga Ammonita

11 Ang Jabes-gilead ay kinubkob ni Nahas na hari ng mga Ammonita. Nang mapaligiran niya ang lunsod, nagpadala ng sugo sa kanya ang mga tagaroon. Sinabi ng mga sugo, “Kung magkakasundo tayo, pasasakop kami sa inyo.”

Sumagot si Nahas, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang kanang mata ng bawat isa sa inyo. Sa gayon, mapapahiya ang buong Israel.”

Sinabi ng mga pinuno ng Jabes, “Bigyan po ninyo kami ng pitong araw para maibalita sa buong Israel ang aming kalagayan. Kung wala pong tutulong sa amin, susuko na kami sa inyo.”

Umabot sa Gibea ang mga sugo. Nang marinig ang balita, nag-iyakan nang malakas ang buong bayan. Si Saul ay papauwi noon mula sa bukid, kasama ang kanyang mga baka. Nang makita niyang nag-iiyakan ang mga tao, nagtanong siya, “Ano bang nangyayari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” At sinabi nila sa kanya ang balita ng mga taga-Jabes.

Pagkarinig nito, nilukuban siya ng Espiritu[d] ng Diyos at nagsiklab ang kanyang galit. Kumuha siya ng dalawang baka at pinagpira-piraso ang mga iyon. Pagkatapos, ibinigay iyon sa mga sugo at iniutos na ipakita sa buong Israel lakip ang ganitong bilin: “Ganito ang gagawin sa mga baka ng sinumang hindi sasama kay Saul at kay Samuel sa pakikidigma.”

Ang mga Israelita'y nakadama ng matinding takot kay Yahweh kaya silang lahat ay nagkaisang sumama sa labanan. Tinipon ni Saul sa Bezek ang mga tao; umabot sa 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 naman ang galing sa Juda. Sinabi nila sa mga sugo, “Ito ang sabihin ninyo sa mga taga-Jabes-gilead: ‘Bukas ng tanghali, darating ang magliligtas sa inyo.’” Nang marinig ito ng mga taga-Jabes, natuwa sila.

10 At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas, susuko na kami sa inyo at gawin na ninyo sa amin ang gusto ninyo.”

11 Kinabukasan, hinati ni Saul sa tatlong pangkat ang kanyang mga mandirigma. Nang mag-uumaga na, pinasok nila ang kampo ng mga Ammonita at pinagpapatay nila ang mga ito bago tumanghali. Ang mga natirang buháy ay nagkanya-kanya ng pagtakas.

12 Pagkatapos nito, itinanong ng mga tao kay Samuel, “Nasaan ang mga nagsasabing hindi si Saul ang dapat maghari sa amin? Dalhin ninyo sila rito at papatayin namin!”

13 Ngunit sinabi ni Saul, “Huwag! Isa man sa ati'y walang mamamatay sapagkat sa araw na ito'y iniligtas ni Yahweh ang buong Israel.” 14 At sinabi ni Samuel sa mga tao, “Magpunta tayo sa Gilgal at doo'y muli nating ipahayag na hari natin si Saul.” 15 Lahat ay sama-samang nagpunta sa Gilgal at kinilala si Saul bilang hari. Pagkatapos, naghandog sila kay Yahweh ng mga haing pangkapayapaan, at nagdiwang silang lahat.

Ang Talumpati ni Samuel

12 Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, “Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari. Narito na siya upang mamuno sa inyo. Ako nama'y matanda na at ang aking mga anak ay kasa-kasama ninyo. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay ako ang namuno sa inyo. Kung(B) mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at sa hinirang niyang hari. Mayroon ba akong kinuha sa inyo kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.”

“Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,” sagot nila.

Sinabi ni Samuel, “Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.”

Sumagot sila, “Iyan ay alam ni Yahweh.”

Sinabi(C) ni Samuel, “Siya nga ang saksi,[e] si Yahweh na pumili kina Moises at Aaron, at siya rin ang nagligtas sa inyong mga ninuno mula sa kamay ng mga Egipcio. Kaya nga, tumayo kayong lahat sa harapan niya at iisa-isahin ko ang mga kabutihan niyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno. Nang(D) si Jacob at ang buo niyang sambahayan ay manirahan sa Egipto, sila'y inalipin ng mga Egipcio.[f] Humingi ng tulong kay Yahweh ang inyong mga magulang at ibinigay sa kanila sina Moises at Aaron. Sa pangunguna ng mga ito, sila'y inilabas niya sa Egipto at dinala sa lupaing ito. Ngunit(E) si Yahweh ay tinalikuran ng sambayanan. Kaya't sila'y ipinalupig niya kay Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, gayundin sa mga Filisteo at sa mga Moabita. 10 Pagkatapos(F) ay dumaing sila kay Yahweh at kanilang sinabi, ‘Nagkasala kami sapagkat tinalikuran ka namin. Naglingkod kami kay Baal at kay Astarot. Iligtas mo kami ngayon sa aming mga kaaway at maglilingkod kami sa iyo.’ 11 At(G) ipinadala sa kanila ni Yahweh sina Gideon,[g] Barak,[h] Jefte, at Samuel; iniligtas nila kayo at pinangalagaan laban sa inyong mga kaaway kaya't mapayapa kayong nakapamuhay. 12 Ngunit(H) nang kayo'y sasalakayin ni Nahas na hari ng mga Ammonita, ipinagpilitan ninyong, “Basta, gusto naming isang hari ang mamuno sa amin,” bagama't alam ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang inyong hari.

13 “Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh. 14 Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi kayo susuway sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay. 15 Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, sa halip ay lumabag sa kanyang utos, paparusahan niya kayo. 16 Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh. 17 Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.”

18 Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.”

20 “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran. 21 Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos. 22 Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan. 23 Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin. 24 Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo. 25 Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.”

Lucas 9:37-62

Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”

41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”

42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(B)

Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.

Ang Pinakadakila(C)

46 At(D) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(E) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(F)

49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”

50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang(G) makita ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila'y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?[a]

55 Ngunit hinarap sila ni Jesus at sila'y pinagalitan. [“Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo. Ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao.”][b] 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.

Pagsunod kay Jesus(H)

57 Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” 58 Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” 59 At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” 60 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” 61 May(I) isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” 62 At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.