Old/New Testament
Ang Pakikipagdigma sa mga Amalekita
30 Ikatlong araw na nang sina David ay makabalik sa Ziklag. Samantalang wala sila, lumusob ang mga Amalekita at sinunog ang buong bayan. 2 Wala silang pinatay isa man ngunit binihag nila ang mga babae, matanda't bata. 3 Nang dumating nga sina David, sunog na ang buong bayan at wala ang kani-kanilang asawa't mga anak. 4 Dahil dito, hindi nila mapigilan ang paghihinagpis; nag-iyakan sila hanggang sa mapagod sa kaiiyak. 5 Binihag(A) din ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail.
6 Balisang-balisa si David sapagkat pinag-uusapan ng kanyang mga tauhan na pagbabatuhin siya dahil sa sama ng loob sa pagkawala ng kanilang mga anak. Ngunit dumulog si David kay Yahweh na kanyang Diyos upang palakasin ang kanyang loob. 7 Sinabi(B) ni David kay Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” At dinala naman ni Abiatar. 8 Nagtanong si David kay Yahweh, “Hahabulin po ba namin ang mga tulisang iyon? Mahuhuli ko po kaya sila?”
“Sige, habulin ninyo. Maaabutan ninyo sila at maililigtas ang kanilang mga bihag,” sagot ni Yahweh.
9 Hinabol nga ni David ang mga Amalekita. Kasama niya hanggang sa batis ng Besor ang animnaraan niyang tauhan. 10 Ngunit pagdating doon, apatnaraan na lang ang nagtuloy na sumama kay David. Nagpaiwan na ang dalawandaan dahil sa matinding pagod. 11 Sa daan, may nakita silang isang kabataang Egipcio. Dinala nila ito kay David at binigyan ng pagkain at inumin. 12 Binigyan nila ito ng tinapay na igos at dalawang kumpol ng pasas. Matapos kumain, nanumbalik ang kanyang lakas; tatlong araw at tatlong gabi pala siyang hindi kumakain ni umiinom. 13 Tinanong siya ni David, “Sino ang panginoon mo at tagasaan ka?”
“Ako po'y Egipciong alipin ng isang Amalekita. Iniwan na ako ng aking panginoon sapagkat tatlong araw na akong may sakit. 14 Nilusob po namin ang teritoryo ng mga Kereteo sa timog ng Juda at ang teritoryo ng angkan ni Caleb; sinunog pa po namin ang buong Ziklag,” sagot nito.
15 “Maaari mo ba kaming samahan sa mga tulisang iyon?” tanong uli ni David.
“Kung ipapangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos na ako'y hindi ninyo papatayin ni ibabalik sa dati kong panginoon, ituturo ko sa inyo ang lugar ng mga Amalekita,” sagot ng Egipcio.
16 Itinuro nga ng alipin ang kampo ng mga Amalekita. Nakita nina David na kalat-kalat ang mga ito. Sila'y masasayang nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan. Nagpapasasa sila sa kanilang mga samsam sa Filistia at Juda. 17 Kinaumagahan, lumusob sina David at pinagpapatay ang mga Amalekita hanggang gabi. Wala silang itinirang buháy maliban sa apatnaraang kabataan na nakatakas na sakay ng kanilang mga kamelyo. 18 Nabawi nila ang lahat ng sinamsam ng mga Amalekita, pati ang dalawang asawa ni David. 19 Isa man sa kasamahan nila'y walang nabawas, matanda't bata, maging sa kanilang mga anak; nabawi nga nilang lahat ang sinamsam ng mga Amalekita. 20 At sinamsam pa nina David ang mga tupa at mga baka. Ang mga ito'y ipinadala niya sa kanyang mga tauhan pauwi. Sinabi nila, “Ito ay samsam ni David.”
21 Nang makabalik sina David sa batis ng Besor, sinalubong sila ng dalawandaang tauhan niya na hindi nakasama dahil sa matinding pagod at sila'y kinumusta niya. 22 Sa mga nakasama ni David ay may mga makasarili at mararamot. Sinabi ng mga ito, “Huwag nating bibigyan kahit ano 'yung hindi sumama sa atin. Ibigay na lang natin sa kanila ang kanilang asawa't mga anak at paalisin na natin sila.”
23 Ngunit sinabi ni David, “Hindi tama iyan, mga kapatid. Ang mga bagay na ito ay ipinagkaloob sa atin ni Yahweh. Iniligtas niya tayo at ibinigay niya sa ating mga kamay ang mga kaaway na lumusob sa atin. 24 Kaya, pare-pareho ang magiging bahagi ng lahat, maging kasama sa paglusob o naiwan upang magbantay sa ating mga ari-arian.” 25 Mula noon, iyon ang naging patakaran ni David sa paghahati ng mga samsam, at ito'y sinunod ng buong Israel.
26 Pagdating sa Ziklag, pinadalhan ni David ng bahagi ang mga kaibigan niya at ang pinuno ng bayan sa Juda. “Ito ang bahagi ninyo sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ni Yahweh,” sabi niya. 27 Pinadalhan din niya ang mga taga-Bethel, Timog Ramat, Jatir, 28 Aroer, Sifmot, Estemoa 29 at Racal. Gayundin ang mga taga-Jerameel at Cineo, 30 pati ang nasa Horma, Borasan, Atac, 31 Hebron at ang lahat ng lugar na narating ni David at ng kanyang mga tauhan.
Ang Kamatayan ni Saul at ng Kanyang mga Anak(C)
31 Dinigma ng mga Filisteo ang mga Israelita; kaya't ang mga Israelita ay nagsitakas, at marami sa kanila ang namatay sa Bundok Gilboa. 2 Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul. 3 Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan. 4 Kaya, sinabi niya sa tagadala ng kanyang gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya binunot ni Saul ang kanyang espada at sinaksak ang kanyang sarili. 5 Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili. 6 Kaya nang araw na iyon, sabay-sabay na namatay sina Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang kanyang tagadala ng sandata at ang lahat ng kanyang mga tauhan. 7 Nang makita ng mga Israelitang nasa kabila ng libis at ng Ilog Jordan na tumakas na ang hukbo ng Israelita, at nang mabalitaang napatay na sina Saul at ang tatlong anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta.
8 Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak. 9 Pinugutan nila ng ulo si Saul, at kinuha ang kasuotang-pandigma nito. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang ibalita ang magandang pangyayari sa lahat ng tao at sa mga templo ng kanilang mga diyus-diyosan. 10 Ang kasuotang-pandigma ni Saul ay inilagay nila sa templo ni Astarte at ibinitin ang kanyang bangkay sa pader ng Bethsan.
11 Subalit nabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 nagtipun-tipon ang mga magigiting na mandirigma. Magdamag silang naglakbay, at kinuha sa Bethsan. Dinala nila ang mga ito sa Jabes, at doon sinunog. 13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto at ibinaon sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes. Pitong araw silang nag-ayuno bilang pagluluksa.
23 Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”
Sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag tumayo na ang pinuno ng sambahayan at isinara na ang pinto, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Sasagot(A) naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Iiyak(B)(C) kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay(D) ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”
Ang Pagmamahal ni Jesus para sa Jerusalem(E)
31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”
32 Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.
34 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo!
Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't(F) pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.