Old/New Testament
Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab
1 Nang ang Israel ay pinamumunuan pa ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa buong bayan. Kaya't ang mag-asawang Elimelec at Naomi na mga taga-Bethlehem, Juda ay pansamantala munang nanirahan sa Moab kasama ang kanilang mga anak na sina Mahlon at Quelion. Ang pamilyang ito ay mula sa angkan ng Efrata. 3 Namatay sa Moab si Elimelec at naiwang biyuda si Naomi. Ang dalawa nilang anak 4 ay nakapag-asawa naman ng mga Moabita, sina Orpa at Ruth. Ngunit pagkalipas ng mga sampung taon, 5 namatay rin sina Mahlon at Quelion, kaya't si Naomi ay naulila sa asawa't mga anak.
Bumalik sa Bethlehem si Naomi Kasama si Ruth
6 Nabalitaan ni Naomi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng masaganang ani kaya't humanda sila ng kanyang mga manugang na umalis sa Moab. 7 Naglakbay nga silang pabalik sa Juda. 8 Ngunit sa daa'y sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Umuwi na kayo sa dati ninyong tahanan, at manirahan sa inyong mga nanay. Kung paanong naging mabuti kayo sa mga yumao at sa akin, nawa'y maging mabuti rin sa inyo si Yahweh. 9-10 Itulot nawa ni Yahweh na kayo'y makapag-asawang muli at magkaroon ng panibagong pamilya.” At sila'y hinagkan ni Naomi bilang pamamaalam.
Ngunit napaiyak ang mga manugang at sinabi sa kanya, “Hindi namin kayo iiwan. Sasama kami sa inyong bayan.”
11 Sumagot si Naomi, “Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang. Hindi na ako magkakaanak pa upang inyong mapangasawa. 12 Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawang muli. Kahit na umaasa akong makakapag-asawang muli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa't magkaanak, 13 mahihintay ba ninyo silang lumaki? Alam ninyong ito'y hindi mangyayari. Kaya, mag-asawa na kayo ng iba. Pinabayaan ako ni Yahweh, at hindi ko nais na madamay kayo sa aking kasawian.” 14 Pagkasabi nito'y lalo silang nag-iyakan. At hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at nagpaalam na.[a] Ngunit nagpaiwan si Ruth.
15 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Ang bilas mo'y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” 16 Sumagot si Ruth, “Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos. 17 Kung saan kayo mamatay, doon ako mamamatay, at doon din ako malilibing. Parusahan sana ako ni Yahweh ng pinakamabigat na parusa kung papayagan kong magkalayo tayo maliban na lamang kung paghiwalayin tayo ng kamatayan!” 18 Nang matiyak ni Naomi na hindi talaga magbabago ang isip ni Ruth na sumama sa kanya, hindi na siya tumutol.
19 Kaya't nagpatuloy sila ng paglalakbay. Pagdating nila sa Bethlehem, nagulat ang lahat. “Hindi ba't si Naomi ito?” tanong ng kababaihan.
20 Sumagot naman si Naomi, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi.[b] Tawagin ninyo akong Mara,[c] sapagkat ako'y pinabayaang magdusa ng Makapangyarihang Diyos. 21 Masagana ang buhay namin ni Elimelec nang umalis dito. Ngunit ibinalik ako ni Yahweh na walang anumang dala. Huwag na ninyo akong tawaging Naomi sapagkat ako'y binigyan ng Makapangyarihang Diyos ng matinding kasawian sa buhay!”
22 Iyan ang nangyari kaya't mula sa Moab ay nagbalik si Naomi kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Bethlehem ay simula na ng anihan ng sebada.
Si Ruth sa Bukid ni Boaz
2 Isang(A) araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.”
Sumagot si Naomi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya't si Ruth ay nagpunta sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Nagkataong ang napuntahan niya ay ang bukid ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec na napakayaman at iginagalang sa kanilang bayan.
4 Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas.
“Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila.
5 Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?”
6 “Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala. 7 “Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.”
8 Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. 9 Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.”
10 Nagpatirapa si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at nagtanong, “Ako po ay isang dayuhan, bakit po napakabuti ninyo sa akin?”
11 Sumagot si Boaz, “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang manirahan sa isang lugar na wala kang kakilala. 12 Pagpalain ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sapagkat sa kanya ka lumapit at nagpakupkop!” 13 Sumagot si Ruth, “Salamat po. Pinalakas ninyo ang aking loob sa inyong sinabi. Kahit ako'y isang hamak na lingkod at sa katunaya'y hindi kabilang sa inyong mga manggagawa, naging mabuti kayo sa akin.”
14 Nang dumating ang oras ng pagkain, tinawag ni Boaz si Ruth, “Halika rito. Kumuha ka ng tinapay at isawsaw mo sa sarsa.” Kaya't umupo na siyang kasama ng mga manggagawa, at binigyan siya ni Boaz ng inihaw na sebada. Kumain naman si Ruth hanggang sa mabusog. May natira pa sa pagkaing ibinigay sa kanya. 15 Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Boaz ang mga manggagawa, “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. 16 Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.”
17 Si Ruth ay namulot hanggang gabi, at pagkatapos ay giniik niya ang kanyang napulot. Halos limang salop na sebada ang nakuha niya. 18 Umuwi si Ruth at ipinakita sa kanyang biyenan ang naipong sebada, at ibinigay pa niya sa matanda ang lumabis niyang pagkain. 19 Nagtanong si Naomi, “Saang bukid ka ba namulot ngayon? Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!” At ikinuwento ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Boaz. 20 Kaya't(B) sinabi ni Naomi, “Pagpalain nawa siya ni Yahweh na hindi nakakalimot sa kanyang pangako sa mga buháy at sa mga patay.” Idinugtong pa niya, “Malapit nating kamag-anak ang taong iyon, isa sa mga may tungkuling mangalaga sa naiwan ng mga yumao.”
21 Nagpatuloy ng pagsasalaysay si Ruth, “Sinabi pa niyang magpatuloy akong mamulot sa kanyang bukid hanggang sa matapos ang anihan niya.”
22 Sumagot si Naomi, “Oo nga, anak. Baka mapahamak ka lamang kung sa ibang bukid ka pupunta. Mabuti ngang manatili kang kasama ng kanyang mga manggagawang babae.” 23 Ganoon nga ang nangyari. Namulot si Ruth kasama ng mga gumagapas sa bukid ni Boaz, hanggang sa maaning lahat ang trigo at ang sebada. At namuhay siya sa piling ng kanyang biyenan.
Naging Mabuti kay Ruth si Boaz
3 Isang araw ay kinausap ni Naomi si Ruth. Sabi niya, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan. 2 Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Boaz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi. 3 Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Boaz. 4 Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.”
5 Sumagot si Ruth, “Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.”
6 Nagpunta na nga si Ruth sa giikan upang isagawa ang lahat ng sinabi ng kanyang biyenan.
7 Masaya si Boaz matapos kumain at uminom. Maya-maya'y nahiga siya at natulog sa tabi ng bunton ng sebada. Marahang lumapit si Ruth, iniangat ang takip ng paa ni Boaz, at nahiga sa paanan nito. 8 Nang maghahating-gabi'y nagising si Boaz. Nagulat siya nang makitang may babaing nakahiga sa paanan niya. 9 “Sino ka?” tanong niya.
“Si Ruth po, ang inyong lingkod,” sagot ng babae. “Isa kayong kamag-anak na malapit kaya dapat ninyo akong kalingain at pakasalan.”
10 Sumagot naman si Boaz, “Pagpalain ka ni Yahweh. Higit na kagandahang-loob sa aming angkan ang ginawa mong ito kaysa ginawa mo sa iyong biyenan. Hindi ka naghanap ng isang lalaking bata pa na maaaring mayaman o mahirap. 11 Ipanatag mo ang iyong loob. Nalalaman ng buong bayan na isa kang mabuting babae. Gagawin ko ang lahat ng sinabi mo. 12 Totoo(C) ngang ako'y malapit ninyong kamag-anak, at may tungkulin sa iyo, ngunit may isang mas malapit na kamag-anak kaysa akin. 13 Dito ka muna hanggang madaling-araw. Bukas ng umaga, aalamin natin kung pakakasalan ka ng lalaking sinasabi ko. Kung hindi, ipinapangako ko kay Yahweh, ang buháy na Diyos, na gagampanan ko ang tungkuling ito. Matulog ka na muna ngayon.”
14 Kaya't natulog si Ruth sa may paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga. Ngunit bumangon siya bago sumikat ang araw, sapagkat sinabi ni Boaz na walang dapat makaalam na nagpunta siya sa giikan. 15 Nang paalis na si Ruth, sinabi ni Boaz, “Iladlad mo ang iyong balabal.” At ito'y nilagyan ni Boaz ng mahigit na kalahating kabang sebada. Ipinasan niya ito kay Ruth at tuluyan na itong umuwi. 16 Nang makita siya ng kanyang biyenan ay tinanong siya nito, “Kumusta ang lakad mo, anak?”
At sinabi ni Ruth ang buong pangyayari. 17 “Binigyan pa niya ako ng sebada, sapagkat hindi raw po ako dapat umuwing walang dala,” dugtong pa niya.
18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka, anak, hanggang sa malaman mo kung ano ang kalalabasan ng bagay na ito. Hindi titigil si Boaz hangga't hindi niya naaayos ang lahat.”
Pinakasalan ni Boaz si Ruth
4 Nagtungo si Boaz sa may pintuan ng lunsod at naupo roon. Di nagtagal, dumaan ang tinutukoy niyang pinakamalapit na kamag-anak ni Elimelec. “Pinsan, sandali lang. Maupo ka rito at may sasabihin ako sa iyo,” sabi niya. Lumapit naman ang tinawag at naupo sa tabi ni Boaz. 2 Tumawag si Boaz ng sampung pinuno ng bayan at inanyayahan ding maupo roon. 3 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang kamag-anak, “Ngayong nagbalik na si Naomi buhat sa Moab, nais niyang ipagbili ang bukid ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Sa palagay ko'y dapat mo itong malaman sapagkat ikaw ang unang may karapatang bumili niyon. Kung gusto mo, bilhin mo iyon sa harap ng mga saksing pinuno ng bayan. Kung ayaw mo naman, ako ang bibili.”
“Bibilhin ko,” sagot ng lalaki.
5 Agad na sinabi ni Boaz, “Kung bibilhin mo kay Naomi ang bukid, kasama sa bilihan si Ruth,[d] ang Moabitang biyuda ng ating pinsan, upang ang bukid ay manatili sa angkan ng namatay.”
6 Pagkarinig niyon, sumagot ang lalaki, “Kung ganoon, hindi ko na gagamitin ang aking karapatan, sapagkat manganganib namang mawala ang sarili kong mana. Ikaw na ang bumili.”
7 Ganito(D) ang kaugalian sa Israel noong unang panahon: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbenta ang kanyang sandalyas at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan. 8 Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Boaz na siya na ang bumili, hinubad nito ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[e] 9 Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Boaz sa matatandang pinuno at sa ibang naroroon, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. 10 Kasama(E) sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buháy ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.”
11 At(F) sila'y sumagot, “Oo, saksi kami.” Sinabi naman ng matatanda, “Pagpalain nawa ni Yahweh ang babaing iyon, at bigyan ng maraming anak gaya nina Raquel at Lea, na pinagmulan ng lahing Israel. Ikaw naman, Boaz, sumagana ka nawa sa Efrata at kilalanin sa buong Bethlehem. 12 Matulad(G) nawa sa sambahayan ni Fares, na anak nina Juda at Tamar, ang mga anak na ibibigay sa inyo ni Yahweh sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”
13 Napangasawa nga ni Boaz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Pinagpala ni Yahweh si Ruth kaya't ito'y nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng kababaihan kay Naomi, “Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! 15 Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” 16 Kinuha ni Naomi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. 17 Siya'y tinawag nilang Obed. Ipinamalita nilang nagkaapo ng lalaki si Naomi. Si Obed ang siyang ama ni Jesse na ama naman ni David.
Ang Angkan ni David
18-22 Ito ang pagkakasunud-sunod ng angkan mula kay Fares hanggang kay David: Fares, Hezron, Ram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz, Obed, Jesse, at David.
Mga Babaing Naglilingkod kay Jesus
8 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa 2 at(A) ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas), 3 si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(B)
4 Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito:
5 “Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. 6 May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. 7 May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. 8 Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.”
At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
9 Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Sumagot(D) si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon,
‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita;
at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’”
Ang Paliwanag tungkol sa Talinghaga(E)
11 “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”
Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(F)
16 “Walang(G) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang magkaroon ng liwanag para sa mga pumapasok sa bahay. 17 Walang(H) natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.
18 “Kaya't(I) pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(J)
19 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makita kayo.”
21 Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.”
Pinatigil ang Bagyo(K)
22 Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganib na lumubog. 24 Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila.
Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga ito at bumuti ang panahon. 25 Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?”
Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.