Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
1 Samuel 22-24

Tumakas sa yungib ng Adullam.

22 Umalis nga si David doon, at (A)tumakas (B)sa yungib ng Adullam: at nang mabalitaan ng kaniyang mga kapatid at ng sangbahayan ng kaniyang ama, kanilang nilusong siya roon.

At bawa't isa na napipighati, at bawa't isa na may utang, at bawa't isa na may kalumbayan ay nakipisan sa kaniya; at siya'y naging punong kawal nila: at nagkaroon siya ng may (C)apat na raang tao.

At naparoon si David mula roon sa Mizpa ng Moab, at kaniyang sinabi sa hari sa (D)Moab: Isinasamo ko sa iyo na ang aking ama at aking ina ay makalabas, at mapasama sa inyo, hanggang sa aking maalaman kung ano ang gagawin ng Dios sa akin.

At kaniyang dinala sila sa harap ng hari sa Moab: at sila'y tumahan na kasama niya buong panahon na si David ay nasa moog.

(E)At sinabi ng propetang si Gad kay David, Huwag kang tumahan sa moog; ikaw ay yumaon at pumasok sa lupain ng Juda. Nang magkagayo'y yumaon si David, at pumasok sa gubat ng Hareth.

At nabalitaan ni Saul na si David ay nasumpungan, at ang mga lalake na kasama niya: si Saul nga'y nauupo sa (F)Gabaa sa ilalim ng punong tamarisko sa (G)Rama, na tangan ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay, at ang lahat ng kaniyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.

At sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, Dinggin ninyo ngayon, mga Benjamita; bibigyan ba ng anak ni Isai ang bawa't isa sa inyo ng mga bukiran at mga ubasan, gagawin ba niya kayong lahat na mga punong kawal ng lilibuhin at mga punong kawal ng dadaanin;

Upang kayong lahat ay magsipagsuwail laban sa akin, at walang nagpakilala sa akin (H)nang gawin ng aking anak ang isang pakikipagtipan sa anak ni Isai, at wala sinoman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagpakilala sa akin na ang aking anak ay humihikayat sa aking lingkod laban sa akin upang bumakay, gaya sa araw na ito?

Nang magkagayo'y sumagot si (I)Doeg na Idumeo na nakatayo sa siping ng mga lingkod ni Saul, at nagsabi, Aking nakita ang anak ni Isai na naparoroon sa Nob, kay (J)Ahimelech na anak ni Ahitob.

10 (K)At isinangguni niya siya sa Panginoon, at (L)binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kaniya ang tabak ni Goliath na Filisteo.

Pagpapapatay sa mga saserdote.

11 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelech na saserdote na anak ni Ahitob, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, na mga saserdote na nasa Nob, at sila'y naparoong lahat sa hari.

12 At sinabi ni Saul, Iyong dinggin ngayon, ikaw na anak ni Ahitob. At siya'y sumagot. Narito ako, panginoon ko.

13 At sinabi ni Saul sa kaniya, Bakit kayo ay nagsipagsuwail laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Isai, na iyong binigyan siya ng tinapay, at ng tabak, at isinangguni siya sa Dios upang siya'y bumangon laban sa akin na bumakay, gaya sa araw na ito?

14 Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelech sa hari, at nagsabi, At sino sa gitna ng lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at tinatanggap sa iyong pulong, at karangaldangal sa iyong bahay?

15 Pinasimulan ko bang isangguni siya ngayon sa Dios? malayo sa akin: huwag ibintang ng hari ang anomang bagay sa kaniyang lingkod, o sa buong sangbahayan man ng aking ama: sapagka't walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat na ito, munti o malaki.

16 At sinabi ng hari, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Ahimelech, ikaw at ang buong sangbahayan ng iyong ama.

17 At sinabi ng hari sa (M)bantay na nangakatayo sa palibot niya, Pumihit kayo at patayin ninyo ang mga saserdote ng Panginoon; sapagka't ang kanilang kamay man ay sumasa kay David, at sapagka't kanilang nalaman na siya'y tumakas, at hindi nila ipinakilala sa akin. Nguni't hindi inibig ng mga lingkod ng hari na iunat ang kanilang kamay upang daluhungin ang mga saserdote ng Panginoon.

18 At sinabi ng hari kay Doeg: Pumihit ka, at iyong daluhungin ang mga saserdote. At pumihit si Doeg na Idumeo, at kaniyang dinaluhong ang mga saserdote, at kaniyang pinatay nang araw na yaon ay walong pu't limang lalake na (N)nagsusuot ng epod na lino.

19 (O)At sinugatan ng talim ng tabak ang Nob, ang bayan ng mga saserdote, ang mga lalake at gayon din ang mga babae, ang mga bata at ang mga pasusuhin, at ang mga baka at mga asno at mga tupa, ng talim ng tabak.

20 (P)At isa sa mga anak ni Ahimelech na anak ni Ahitob na nagngangalang Abiathar ay tumanan, at tumakas na sumunod kay David.

21 At isinaysay ni Abiathar kay David na pinatay na ni Saul ang mga saserdote ng Panginoon.

22 At sinabi ni David kay Abiathar, Talastas ko nang araw na yaon na si Doeg na Idumeo ay naroon, na kaniyang tunay na sasaysayin kay Saul: ako'y naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sangbahayan ng iyong ama.

23 Matira kang kasama ko, huwag kang matakot; sapagka't (Q)siya na umuusig ng aking buhay ay umuusig ng iyong buhay: sapagka't kasama kita ay maliligtas ka.

Ang paghabol ni Saul kay David sa Keila.

23 At kanilang isinaysay kay David, na sinasabi, Narito, ang mga Filisteo ay nakikipaglaban sa (R)Keila, at kanilang ninanakaw ang mga giikan.

Kaya't sumangguni (S)si David sa Panginoon, na nagsasabi, Yayaon ba ako at aking sasaktan ang mga Filisteong ito? At sinabi ng Panginoon kay David, Yumaon ka at iyong saktan ang mga Filisteo, at iligtas mo ang Keila.

At sinabi ng mga lalake ni David sa kaniya, Narito, tayo'y natatakot dito sa Juda: gaano pa nga kaya kung tayo ay pumaroon sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?

Nang magkagayo'y sumangguni uli si David sa Panginoon. At sumagot ang Panginoon sa kaniya at sinabi, Bumangon ka at lumusong ka sa Keila; sapagka't aking (T)ibibigay ang mga Filisteo, sa iyong kamay.

At si David at ang kaniyang mga lalake ay naparoon sa Keila, at bumaka sa mga Filisteo, at dinala ang kanilang kawan, at pinatay nila sila ng malaking pagpatay. Gayon iniligtas ni David ang mga tumatahan sa Keila.

At nangyari (U)nang makatakas si Abiathar na anak ni Ahimelech kay David sa Keila, na siya'y lumusong na may isang epod sa kaniyang kamay.

At nasaysay kay Saul na si David ay naparoon sa Keila. At sinabi ni Saul, Ibinigay ng Dios siya sa aking kamay; sapagka't siya'y nasarhan sa kaniyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga pintuang-bayan at mga halang.

At tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma, upang lumusong sa Keila na kubkubin si David at ang kaniyang mga tao.

At naalaman ni David na nagiisip si Saul ng masama laban sa kaniya; at (V)kaniyang sinabi kay Abiathar na saserdote, Dalhin mo rito ang epod.

10 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, tunay na nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumaroon sa Keila, (W)upang ipahamak ang bayan dahil sa akin.

11 Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kaniyang kamay? lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? Oh Panginoon, na Dios ng Israel, idinadalangin ko sa iyo, na saysayin mo sa iyong lingkod. At sinabi ng Panginoon, Siya'y lulusong.

12 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Ibibigay ba ng mga tao sa Keila ako at ang aking mga tao sa kamay ni Saul? At sinabi ng Panginoon, Ibibigay ka nila.

13 (X)Nang magkagayo'y si David at ang kaniyang mga tao na anim na raan, ay tumindig at umalis sa Keila, at naparoon kung saan sila makakaparoon. At nasaysay kay Saul na si David ay tumanan sa Keila, at siya'y tumigil ng paglabas.

14 At si David ay tumahan sa ilang sa mga katibayan, at nanira sa lupaing maburol sa ilang ng (Y)Ziph. At pinag-uusig siya ni Saul araw-araw, nguni't hindi siya ibinigay ng Dios sa kaniyang kamay.

Sinariwa ang sumpaan ni Jonathan at ni David.

15 At nakita ni David na lumalabas si Saul upang usigin ang kaniyang buhay: at si David ay nasa ilang ng Ziph sa gubat.

16 (Z)At si Jonathan na anak ni Saul ay bumangon, at naparoon kay David sa gubat, at pinagtibay ang kaniyang kamay sa Dios.

17 At sinabi niya sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama; at ikaw ay magiging hari sa Israel, at ako'y magiging pangalawa mo; (AA)at nalalamang gayon ni Saul na aking ama.

18 (AB)At silang dalawa ay nagtipanan (AC)sa harap ng Panginoon: at si David ay tumahan sa gubat, at si Jonathan ay umuwi sa kaniyang bahay.

19 (AD)Nang magkagayo'y inahon ng mga Zipheo si Saul, sa Gabaa, na sinasabi, Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga katibayan sa gubat, sa (AE)burol ng Hachila, na nasa timugan ng ilang?

20 Ngayon nga, Oh hari, lumusong ka, ayon sa buong adhika ng iyong kalooban na lumusong; at ang aming bahagi ay ibibigay sa kamay ng hari.

21 At sinabi ni Saul, (AF)Pagpalain nawa kayo ng Panginoon; sapagka't kayo'y nahabag sa akin.

22 Kayo'y yumaon, isinasamo ko sa inyo, inyong turuling maigi, at alamin at tingnan ang kaniyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kaniya roon: sapagka't nasaysay sa akin na siya'y nagpapakatalino.

23 Inyo ngang tingnan, at alamin ang mga kublihang dako na kaniyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may katunayan, at ako'y paroroong kasama ninyo: at mangyayari, kung siya'y nasa lupain, ay aking sisiyasatin siya sa gitna ng lahat ng mga libolibo sa Juda.

24 At sila'y tumindig at naparoon sa Ziph na nagpauna kay Saul: nguni't si David at ang kaniyang mga tao ay (AG)nasa ilang ng Maon sa Araba sa timugan ng ilang.

25 At si Saul at ang kaniyang mga tao ay naparoon upang pag-usigin siya. At kanilang sinaysay kay David: kaya't siya'y lumusong sa burol na bato at tumahan sa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kaniyang hinabol si David sa ilang ng Maon.

26 At naparoon si Saul sa dakong ito ng bundok, (AH)at si David at ang kaniyang mga tao ay sa dakong yaon ng bundok: at si David ay nagmadaling umalis dahil sa takot kay Saul; sapagka't kinukubkob ni Saul at ng kaniyang mga tao si David at ang kaniyang mga tao upang sila'y hulihin.

27 (AI)Nguni't dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, Magmadali ka at parito ka; sapagka't ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.

28 Sa gayo'y bumalik si Saul na mula sa paghabol kay David, at naparoon laban sa mga Filisteo: kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Sela-hammahlecoth.[a]

29 At si David ay umahon mula roon, at tumahan sa mga katibayan ng En-gaddi.

Iniligtas ni David ang buhay ni Saul sa ilang ng En-gaddi.

24 At nangyari, nang si Saul ay bumalik na mula sa paghabol sa mga Filisteo, na nasaysay sa kaniya, na sinasabi, Narito, si David ay nasa ilang ng (AJ)En-gaddi.

Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalake sa buong Israel, at yumaong inusig si David at ang kaniyang mga lalake sa mga bundok ng maiilap na kambing.

At siya'y naparoon sa mga (AK)kulungan ng kawan sa daan, na kinaroroonan ng isang yungib; (AL)at pumasok si Saul upang takpan ang kaniyang mga paa. (AM)Si David nga at ang kaniyang mga tao ay tumatahan sa pinakaloob na bahagi ng yungib.

(AN)At sinabi ng mga tao ni David sa kaniya, Narito, ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, Narito, aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kaniya kung ano ang mabutihin mo. Nang magkagayo'y tumindig si David at pinutol na lihim ang laylayan ng balabal ni Saul.

At nangyari pagkatapos, na nagdamdam (AO)ang puso ni David, sapagka't kaniyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.

At kaniyang sinabi sa kaniyang mga lalake, Huwag itulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon, na (AP)pinahiran ng langis ng Panginoon, na aking iunat ang aking kamay laban sa kaniya, yamang siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

Sa gayo'y pinigilan ni David ang kaniyang mga tao ng mga salitang ito, at hindi niya sila binayaang bumangon laban kay Saul. At tumindig si Saul sa yungib at nagpatuloy ng kaniyang lakad.

Si Saul ay nagpakumbaba.

Si David naman ay tumindig pagkatapos, at lumabas sa yungib, at hiniyawan si Saul, na sinasabi, Panginoon ko na hari. At nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang.

At sinabi ni David kay Saul, Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao, na nagsasabi, Narito, pinagsisikapan kang saktan ni David?

10 Narito, nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib: at (AQ)sinabi sa akin ng iba na patayin kita: nguni't hindi kita inano; at aking sinabi, Hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa aking panginoon; sapagka't siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

11 Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay: sapagka't sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal ay hindi kita pinatay, talastasin mo at tingnan mo na wala kahit kasamaan o pagsalangsang man sa aking kamay, at hindi ako nagkasala laban sa iyo, bagaman iyong pinag-uusig ang aking kaluluwa upang kunin.

12 (AR)Hatulan tayo ng Panginoon, at ipanghiganti ako ng Panginoon sa iyo: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.

13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng mga matanda: Sa masama magmumula ang kasamaan: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.

14 Sinong nilabas ng hari ng Israel? sinong hinahabol mo? isang patay na aso, isang kuto.

15 Maging hukom nga ang Panginoon, at hatulan tayo, at tingnan, at ipagsanggalang ang aking usap, at iligtas ako sa iyong kamay.

16 At nangyari, nang makatapos si David ng pagsasalita ng mga salitang ito kay Saul, ay sinabi ni Saul, (AS)Ito ba ang iyong tinig, anak kong David? At inilakas ni Saul ang kaniyang tinig, at umiyak.

17 At kaniyang sinabi kay David, Ikaw ay lalong matuwid kay sa akin: sapagka't ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng kasamaan.

18 At iyong ipinakilala sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagka't nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay, ay hindi mo ako pinatay.

19 Sapagka't kung masumpungan ng isang tao ang kaniyang kaaway, pababayaan ba niyang yumaong mabuti? kaya't gantihan ka nawa ng Panginoon ng mabuti dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito.

20 At ngayo'y narito, (AT)talastas ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay.

21 (AU)Isumpa mo nga ngayon sa akin sa pangalan ng Panginoon, (AV)na hindi mo puputulin ang aking binhi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sangbahayan ng aking magulang.

22 At sumumpa si David kay Saul. At si Saul ay umuwi; nguni't si David at ang (AW)kaniyang mga lalake ay umakyat sa katibayan.

Lucas 12:1-31

12 Samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao, na ano pa't nagkakayapakan silasila, ay nagpasimula siyang magsalita muna sa kaniyang mga alagad, (A)Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y (B)pagpapaimbabaw nga.

Datapuwa't walang bagay na natatakpan, (C)na hindi mahahayag: at natatago, na hindi malalaman.

Kaya nga, ang anomang sinabi ninyo sa kadiliman ay maririnig sa kaliwanagan, at ang sinalita ninyo sa bulong sa mga silid, ay ipagsisigawan sa mga bubungan.

At sinasabi ko sa inyo (D)mga kaibigan ko, Huwag kayong mangatakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos niyan ay wala na silang magagawa.

Datapuwa't ipinagpapauna ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay, ay may kapangyarihang magbulid sa impierno; tunay, sinasabi ko sa inyo, Siya ninyong katakutan.

Hindi baga ipinagbibili ang (E)limang maya sa dalawang beles? at isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Dios.

Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.

At sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman siya ng Anak ng tao sa harap ng (F)mga anghel ng Dios:

Datapuwa't ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Dios.

10 Ang bawa't (G)magsalita ng salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin: nguni't ang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 At pagka kayo'y dadalhin (H)sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapamahalaan, ay huwag kayong mangabalisa kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin:

12 Sapagka't ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin.

13 At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.

14 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo?

15 At sinabi niya sa kanila, (I)Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.

16 At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:

17 At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?

18 At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pagaari.

19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, (J)Kaluluwa, marami ka nang pagaaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.

20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing (K)ito ang iyong kaluluwa; at (L)ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?

21 Gayon nga ang (M)nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at (N)hindi mayaman sa Dios.

22 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, (O)Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.

23 Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit.

24 Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon!

25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

26 Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay?

27 Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

28 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

29 At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip.

30 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito.

31 Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978