Old/New Testament
Si Salomon ay nagasawa.
3 At si Salomon ay nakipagkamaganak kay Faraon na hari sa Egipto sa pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, (A)at dinala niya sa (B)bayan ni David, hanggang sa kaniyang natapos itayo ang kaniyang sariling bahay, (C)at ang bahay ng Panginoon, (D)at ang (E)kuta ng Jerusalem sa palibot.
2 Ang bayan ay naghahain lamang sa mga mataas na dako, (F)sapagka't walang bahay na itinayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na (G)yaon.
3 At inibig ni Salomon ang Panginoon, (H)na lumalakad sa mga palatuntunan ni David na kaniyang ama: siya'y naghahain lamang at nagsusunog ng kamangyan sa matataas na dako.
4 At ang hari ay naparoon sa (I)Gabaon upang maghain doon; (J)sapagka't yaon ang (K)pinakamataas na dako; isang libong handog na susunugin ang inihandog ni Salomon sa dambanang yaon.
5 (L)Sa Gabaon ay napakita ang Panginoon kay Salomon sa panaginip sa gabi: at sinabi ng Dios, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.
6 At sinabi ni Salomon, Ikaw ay nagpakita sa iyong lingkod na aking amang kay David ng malaking kagandahang loob, ayon sa kaniyang inilakad sa harap mo sa katotohanan, at sa katuwiran, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan sa kaniya itong dakilang kagandahang loob, na iyong binigyan siya ng isang anak na makauupo sa kaniyang luklukan, gaya sa araw na ito.
7 At ngayon, Oh Panginoon kong Dios, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; (M)at ako'y isang munting bata lamang; hindi ko nalalaman ang paglulumabas at pumasok.
8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa (N)karamihan.
9 Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang matalinong (O)puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagka't sino ang makahahatol dito sa iyong malaking bayan?
10 At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon, na hiningi ni Salomon ang bagay na ito.
11 At sinabi ng Dios sa kaniya, Sapagka't iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo'y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan;
12 Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: (P)narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa't (Q)walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo.
13 At akin namang ibinigay sa iyo ang hindi mo hinihingi, ang (R)kayamanan at gayon din ang karangalan, (S)na anopa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga kaarawan.
14 At kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng inilakad ng iyong amang si David, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan.
15 At nagising si Salomon, at narito, yao'y isang panaginip: at siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng (T)kaban ng tipan ng Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at naghandog ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kaniyang mga lingkod.
Matalinong paghatol ni Salomon.
16 Nang magkagayo'y naparoon sa hari ang dalawang babae na mga patutot, at nagsitayo sa harap niya.
17 At sinabi ng isang babae, Oh panginoon ko, ako at ang babaing ito ay tumatahan sa isang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalake sa bahay na kasama ko siya.
18 At nangyari, nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, na ang babaing ito'y nanganak naman; at kami ay magkasama; walang iba sa amin sa bahay, liban sa kaming dalawa sa bahay.
19 At ang anak ng babaing ito ay namatay sa kinagabihan; sapagka't kaniyang nahigan.
20 At siya'y bumangon sa hating gabi, at kinuha niya ang anak kong lalake sa siping ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog, at inihiga niya sa kaniyang sinapupunan, at inilagay ang kaniyang patay na anak sa aking sinapupunan.
21 At nang ako'y bumangon sa kinaumagahan upang aking pasusuhin ang aking anak, narito, siya'y patay: nguni't nang aking kilalanin ng kinaumagahan, narito, hindi ang aking anak na aking ipinanganak.
22 At sinabi ng isang babae, Hindi; kundi ang buhay ay aking anak at ang patay ay iyong anak. At sinabi ng isa: Hindi; kundi ang patay ay ang iyong anak, at ang buhay ay siyang aking anak. Ganito sila nangagsalita sa harap ng hari.
23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Ang isa'y nagsasabi, Ang aking anak ay ang buhay, at ang iyong anak ay ang patay: at ang isa'y nagsasabi, Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buhay.
24 At sinabi ng hari, Dalhan ninyo ako ng isang tabak. At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.
25 At sinabi ng hari, Hatiin ng dalawa ang buhay na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa.
26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buhay na bata sa hari, sapagka't ang kaniyang pagmamahal ay nagniningas sa kaniyang anak, at sinabi niya, Oh[a] panginoon ko, ibigay mo sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag mong patayin. Nguni't ang sabi ng isa, Hindi magiging akin ni iyo man; hatiin siya.
27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, ibigay sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag patayin: siya ang ina niya.
28 At nabalitaan ng buong Israel ang kahatulan na inihatol ng hari; at sila'y nangatakot sa hari: sapagka't kanilang nakita na ang (U)karunungan ng Dios ay nasa kaniya, upang gumawa ng kahatulan.
Ang kaniyang mga prinsipe.
4 At ang haring Salomon, ay hari sa buong Israel.
2 At ito ang mga naging prinsipe na napasa kaniya: si Azarias, na anak ng (V)saserdoteng si Sadoc.
3 Si Elioreph at si Ahia, na mga anak ni Sisa, ay mga kalihim; si Josaphat na (W)anak ni Ahilud, ay (X)kasangguni;
4 At si Benaia, na (Y)anak ni Joiada ay nangungulo sa hukbo; at si Sadoc at si Abiathar (Z)ay mga saserdote;
5 At si Azarias na anak ni Nathan ay nangungulo sa mga pinuno; at si Zabud na anak ni Nathan ay pangulong tagapangasiwa, na (AA)kaibigan ng hari;
6 At si Ahisar ay katiwala sa kaniyang bahay; at si Adoniram na (AB)anak ni Abda ay nasa (AC)mga magpapabuwis.
Ang kapangyarihan at kayamanan ni Salomon.
7 At si Salomon ay may labing dalawang katiwala sa buong Israel, na sila ang nagiimbak ng pagkain ukol sa hari, at sa kaniyang sangbahayan: bawa't isa sa kanila'y nagiimbak ng pagkain na isang buwan sa bawa't taon.
8 At ito ang kanilang mga pangalan: si Ben-hur sa lupaing maburol ng Ephraim:
9 Si Ben-dacer, sa Maccas, at sa Saalbim, at sa Beth-semes, at sa Elonbeth-hanan:
10 Si Ben-hesed, sa Aruboth (sa kaniya'y nauukol ang Socho, at ang buong lupain ng Ephet:)
11 Si Ben-abinadab sa buong kataasan ng Dor (na ang asawa'y si Taphat na anak ni Salomon:)
12 Si Baana na anak ni Ahilud sa Taanach, at sa Megiddo, at sa buong Beth-san na nasa siping ng Zaretan, sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bethsan hanggang sa Abel-mehola, na may layong hanggang sa dako roon ng Jocmeam:
13 Si Ben-geber, sa Ramoth-galaad; (sa kaniya nauukol ang mga bayan ni Jair na anak ni Manases, na nasa Galaad; sa makatuwid baga'y sa kaniya nauukol ang lupain ng Argob, na nasa Basan, anim na pung malaking bayan na (AD)may mga kuta at mga halang na tanso:)
14 Si Ahinadab, anak ni Iddo sa Mahanaim:
15 Si Ahimaas, sa Nephtali; (Ito rin ang nagasawa kay Basemath na anak na babae ni Salomon.)
16 Si Baana, na anak ni Husai sa Aser at sa Alot.
17 Si Josaphat, na anak ni Pharua sa Issachar:
18 Si Semei, na anak ni Ela sa Benjamin:
19 Si Geber, na anak ni Uri sa lupain ng Galaad, na lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, (AE)at ni Og na hari sa Basan; at siya lamang ang katiwala sa lupaing yaon.
20 Ang Juda at ang Israel ay marami, na (AF)gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan, at nagiinuman, at nagkakatuwa.
21 At si Salomon ay nagpupuno sa lahat ng kaharian na (AG)mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Egipto: (AH)sila'y nagsipagdala ng mga kaloob, at nagsipaglingkod kay Salomon lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.
22 At ang pagkain ni Salomon sa isang araw ay tatlong pung takal ng mainam na harina, at anim na pung takal na harina,
23 Sangpung matabang baka, at dalawang pung baka na mula sa pastulan, at isang daang tupa, bukod pa ang mga usang lalake at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak.
24 Sapagka't sakop niya ang buong lupain ng dakong ito ng Ilog, mula sa Tiphsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa dakong ito ng Ilog: at siya'y may kapayapaan (AI)sa lahat ng mga dako sa palibot niya.
25 At ang Juda at ang Israel ay nagsitahang tiwasay, na (AJ)bawa't tao'y sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, (AK)mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng kaarawan ni Salomon.
26 At mayroon si Salomong apat na pung libong kabayo sa kaniyang mga silungan para sa kaniyang mga karo, (AL)at labing dalawang libong mangangabayo.
27 At ipinag-imbak ng mga katiwalang (AM)yaon ng pagkain ang haring Salomon, at ang lahat na naparoon sa dulang ng haring Salomon, bawa't isa'y sa kaniyang buwan: walang nagkulang na anoman.
28 Sebada naman at dayami sa mga kabayo, at sa mga matuling kabayo ay nagsipagdala sila sa dakong kinaroroonan ng mga pinuno, bawa't isa'y ayon sa kaniyang katungkulan.
Ang karunungan ni Salomon.
29 At binigyan ng Dios si Salomon ng karunungan, at (AN)di kawasang katalinuhan at kaluwagan ng puso, gaya ng buhanging nasa tabi ng dagat.
30 At ang karunungan ni Salomon ay mahigit kay sa karunungan ng lahat na anak (AO)ng silanganan, at kay sa buong karunungan ng (AP)Egipto.
31 Sapagka't lalong pantas kay sa lahat ng mga tao; (AQ)kay sa kay Ethan na (AR)Ezrahita, at kay Eman, at kay Calchol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol: at ang kaniyang kabantugan ay lumipana sa lahat ng mga bansa sa palibot.
32 At siya'y nagsalita ng tatlong libong kawikaan; at ang kaniyang mga awit ay isang libo at lima.
33 At siya'y nagsalita ng tungkol sa mga punong kahoy, mula sa sedro na nasa Libano hanggang sa isopo na sumisibol sa pader: siya'y nagsalita rin ng tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, at sa nagsisiusad at sa mga isda.
34 At naparoon ang mga taong mula sa lahat na bayan, upang marinig ang karunungan ni Salomon (AS)na mula sa lahat na hari sa lupa, na nakabalita ng kaniyang karunungan.
Ang pakikipagtalastasan sa haring Hiram bagay sa pagpapatayo ng templo.
5 At si Hiram na (AT)hari sa Tiro ay nagsugo ng kaniyang mga lingkod kay Salomon; dahil sa kaniyang nabalitaan na siya'y kanilang pinahiran ng langis na maging hari na kahalili ng kaniyang ama, sapagka't si Hiram ay naging laging maibigin (AU)kay David.
2 (AV)At si Salomon ay nagsugo kay Hiram, na kaniyang sinasabi,
3 Talastas mo na kung paanong si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay sa pangalan ng Panginoon niyang Dios dahil sa mga pagdidigmaan sa palibot niya sa bawa't dako, (AW)hanggang sa inilagay sila ng Panginoon sa ilalim ng mga talampakan ng kaniyang mga paa.
4 Nguni't ngayo'y binigyan ako ng Panginoon kong Dios ng katiwasayan sa bawa't dako; (AX)wala kahit kaaway, o masamang pangyayari man.
5 At, narito, ako'y tumalagang ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, gaya ng sinalita ng Panginoon kay David na aking ama, na nagsasabi, Ang iyong anak na aking iuupo sa iyong luklukan na kahalili mo, siya ang (AY)magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.
6 Ngayon nga'y ipagutos mo na iputol nila ako ng mga puno ng sedro sa Libano; (AZ)at ang aking mga bataan ay makakasama ng iyong mga bataan: at aking bibigyan ka ng kaupahan sa iyong mga bataan ayon sa lahat na iyong sasabihin: sapagka't iyong talastas na wala sinoman sa amin na makapagdadaras ng mga kahoy ng gaya ng mga Sidonio.
7 At nangyari nang mabalitaan ni Hiram ang mga salita ni Salomon, na siya'y nagalak na mainam, at nagsabi, (BA)Purihin ang Panginoon sa araw na ito, na nagbigay kay David ng isang pantas na anak, sa malaking bayang ito.
8 At si Hiram ay nagsugo kay Salomon, na nagsasabi, Aking narinig ang pasugo na iyong ipinasugo sa akin: aking gagawin ang iyong buong nasa tungkol sa kahoy na sedro, at tungkol sa kahoy na (BB)abeto.
9 Ang aking mga bataan ay magsisipagbaba mula sa Libano hanggang sa dagat: at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong pagtuturuan sa akin, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin: at iyong tutuparin ang aking nasa, sa pagbibigay ng pagkain (BC)sa aking sangbahayan.
10 Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Salomon ng kahoy na sedro, at kahoy na abeto ayon sa kaniyang buong nasa.
11 At binigyan ni Salomon si Hiram ng dalawang pung libong takal na trigo na pinaka pagkain ng kaniyang sangbahayan, at dalawang pung takal na taganas na langis; (BD)ganito binigyan ni Salomon si Hiram sa taon-taon.
12 At binigyan ng Panginoon si Salomon ng karunungan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya; (BE)at may kapayapaan si Hiram at si Salomon; at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan.
13 At ang haring Salomon ay humingi ng mga mang-aatag sa buong Israel; at ang mga mang-aatag ay tatlong pung libong lalake.
14 At kaniyang sinusugo sila sa Libano na sangpu-sangpung libo bawa't buwan na halinhinan: isang buwan ay nasa Libano, at dalawang buwan ay sa bahay: at si (BF)Adoniram ay tagapamahala sa mga mang-aatag.
15 At si Salomon ay may pitong pung libong nagsisipagdala ng mga pasan (BG)at walong pung libong mangdadaras sa bundukin:
16 Bukod pa ang mga (BH)kapatas ni Salomon na nasa gawain, na tatlong libo at tatlong daan, na nagpupuno (BI)sa mga taong nagsisigawa ng gawain.
17 At ang hari ay nagutos, at nagsitibag sila ng malalaking bato, ng mga mahahalagang bato, upang ilagay ang tatagang-baon ng bahay (BJ)na gumagamit ng mga batong tabas.
18 At tinabas ng mga tagapagtayo ni Salomon, at ng mga tagapagtayo ni Hiram at ng mga (BK)Gebalita, at inihanda ang mga kahoy, at ang mga bato upang itayo ang bahay.
20 At nangyari, sa (A)isa sa mga araw, samantalang tinuturuan niya ang bayan sa templo, at ipinangangaral ang evangelio, na nagsilapit sa kaniya ang mga saserdote, at ang mga eskriba pati ng matatanda;
2 At sila'y nangagsalita, na nangagsasabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
3 At siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Tatanungin ko naman kayo ng isang tanong; at sabihin ninyo sa akin:
4 Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao?
5 At sila'y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
6 Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, (B)sapagka't sila'y nanganiniwala na si Juan ay propeta.
7 At sila'y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula.
8 At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
9 At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: (C)Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon.
10 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala.
11 At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala.
12 At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas.
13 At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila.
14 Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin.
15 At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
16 Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari.
17 Datapuwa't kaniyang tinitigan sila, at sinabi, Ano nga baga ito na nasusulat,
(D)Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali.
Ay siya ring ginawang pangulo sa panulok?
18 Ang bawa't mahulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay kaniyang pangangalating gaya ng alabok.
19 At (E)pinagsisikapan siyang hulihin sa oras ding yaon ng mga eskriba at ng mga pangulong saserdote; at sila'y nangatatakot sa bayan: sapagka't nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila.
20 At siya'y inaabangan nila, at (F)sila'y nangagsugo ng mga tiktik, na nangagpakunwaring mga matuwid, upang siya'y mahuli sa kaniyang salita, na siya'y maibigay sa pamiminuno at sa kapamahalaan ng (G)gobernador.
21 At kanilang tinanong siya, na sinasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios.
22 Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi?
23 Datapuwa't napagkilala niya ang kanilang lalang, at sinabi sa kanila,
24 Pagpakitaan ninyo ako (H)ng isang denario. Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar.
25 At sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios.
26 At sila'y hindi nakahuli sa kaniyang mga pananalita sa harap ng bayan: at sila'y nanganggilalas sa kaniyang sagot, at hindi nangagsiimik.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978