Old/New Testament
Si Jonathan ay namagitan kay David at kay Saul.
19 At nagsalita si Saul kay Jonathan na kaniyang anak, at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, na kanilang patayin si David. (A)Nguni't si Jonathan na anak ni Saul ay naliligayang mainam kay David.
2 At isinaysay ni Jonathan kay David, na sinasabi, Pinagsisikapan ni Saul na aking ama na patayin ka: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na magingat ka sa kinaumagahan, at manatili sa isang lihim na dako, at magtago ka:
3 At ako'y lalabas at tatayo sa siping ng aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipagusap sa aking ama ng tungkol sa iyo; at kung may makita akong anoman, ay aking sasaysayin sa iyo.
4 At nagsalita si Jonathan kay Saul na kaniyang ama, ng mabuti tungkol kay David, at sinabi sa kaniya, Huwag magkasala ang hari laban sa kaniyang lingkod na si David; sapagka't hindi siya nagkasala laban sa iyo; at sapagka't ang kaniyang mga gawa ay naging mabuti sa iyo:
5 Sapagka't kaniyang ipinain ang (B)kaniyang buhay, (C)at sinaktan ang Filisteo, (D)at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay sa ganang buong Israel: nakita mo at nagalak ka; bakit nga magkakasala ka laban sa (E)walang salang dugo, na papatayin si David ng walang anomang kadahilanan?
6 At dininig ni Saul ang tinig ni Jonathan; at sumumpa si Saul: Buhay ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.
7 At tinawag ni Jonathan si David, at isinaysay ni Jonathan sa kaniya ang lahat ng mga bagay na yaon. At dinala ni Jonathan si David kay Saul, at siya'y lumagay sa (F)kaniyang harap, na gaya ng dati.
Iniligtas ni Michal ang buhay ni David.
8 At nagkaroong muli ng digma: at lumabas si David, at nakipaglaban sa mga Filisteo, at pumatay sa kanila ng malaking pagpatay; at sila'y tumakas sa harap niya.
9 At isang espiritung masama na mula sa Panginoon ay suma kay Saul, nang siya'y nakaupo sa kaniyang bahay na tangan niya ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay; at (G)tumugtog si David sa pamamagitan ng kaniyang kamay.
10 At pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dinding; nguni't siya'y nakatakas sa harap ni Saul at ang kaniyang tinuhog ng sibat ay ang dinding: at tumakas si David at tumanan ng gabing yaon.
11 (H)At nagsugo si Saul ng mga sugo sa bahay ni David, upang siya'y bantayan, at siya'y patayin sa kinaumagahan: at sinaysay sa kaniya ni Michal na asawa ni David, na sinasabi, Kundi mo iligtas ang iyong buhay ngayong gabi bukas ay papatayin ka.
12 (I)Kaya inihugos ni Michal si David sa isang dungawan, at siya'y yumaon, at tumakas, at tumanan.
13 At kinuha ni Michal ang mga (J)terap, at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan ng mga kumot.
14 At nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kaniyang sinabi, Siya'y may sakit.
15 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang tingnan si David, na sinasabi, Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kaniyang higaan, upang aking patayin siya.
16 At nang pumasok ang mga sugo, narito, ang mga terap at nasa higaan, pati ng unang buhok ng kambing sa ulunan niyaon.
17 At sinabi ni Saul kay Michal, Bakit mo ako dinaya ng ganiyan, at iyong pinaalis ang aking kaaway, na anopa't siya'y nakatanan? At sumagot si Michal kay Saul, (K)Kaniyang sinabi sa akin: Bayaan mo akong yumaon: bakit kita papatayin?
Nanghula ang mga sugo ni Saul.
18 Si David nga ay tumakas, at tumanan, at naparoon kay Samuel sa (L)Rama, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kaniya. At siya at si Samuel ay yumaon at tumahan sa Najoth.
19 At nasaysay kay Saul na sinasabi, Narito si David ay nasa Najoth sa Rama.
20 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David: (M)at nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nanganghuhula, at si Samuel ay tumatayong pinakapangulo sa kanila, ang Espiritu ng Dios ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila naman ay (N)nanganghula.
21 At nang maisaysay kay Saul, siya'y nagsugo ng ibang mga sugo, at sila man ay nanganghula. At si Saul ay nagsugo uli ng mga sugo na ikaitlo, at sila man ay nanganghula.
22 Nang magkagayo'y naparoon din naman siya sa Rama, at dumating sa dakilang balon na nasa Socho: at siya'y tumanong, at nagsabi, Saan naroon si Samuel at si David? At sinabi ng isa, Narito, sila'y nasa Najoth sa Rama.
23 At siya'y naparoon doon sa Najoth sa Rama: at ang Espiritu ng Dios ay dumating din sa kaniya, at siya'y nagpatuloy, at nanghula hanggang sa siya'y dumating sa Najoth sa Rama.
24 At siya rin nama'y naghubad ng kaniyang mga suot, at siya man ay (O)nanghula sa harap ni Samuel, at nahigang hubad sa buong araw na yaon at sa buong gabing yaon. Kaya't kanilang sinasabi, (P)Pati ba si Saul ay nasa gitna ng mga propeta?
Ang sumpaan ng dalawa ni David, at ni Jonathan.
20 At si David ay tumakas mula sa Najoth, na nasa Rama, at siya'y dumating at nagsabi sa harap ni Jonathan, Anong aking ginawa? anong aking kasamaan? at anong aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kaniyang usigin ang aking buhay?
2 At sinabi niya sa kaniya, Malayo nawa; hindi ka mamamatay: narito, ang aking ama ay hindi gumagawa ng anomang bagay na malaki o maliit kundi niya ipaalam sa akin: at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? hindi gayon.
3 At gayon ma'y si David ay sumumpa, at nagsabi, Talastas na maigi ng iyong ama, na (Q)ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at kaniyang sinasabi, Huwag maalaman ni Jonathan ito, baka siya'y magdalamhati; nguni't (R)buhay nga ang Panginoon, at (S)buhay ang iyong kaluluwa, na iisang hakbang ang pagitan ko sa kamatayan.
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, Anomang adhikain ng iyong kaluluwa ay aking gagawin dahil sa iyo.
5 At sinabi ni David kay Jonathan, (T)Narito, bukas ay bagong buwan, at ako'y di marapat na di sumalo sa hari; nguni't bayaan mo akong yumaon upang ako'y (U)magkubli sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.
6 Kung ako'y punahin ng iyong ama, iyo ngang sabihing, Hiniling na mainam sa akin ni David na siya'y patakbuhin sa (V)Beth-lehem na kaniyang bayan: sapagka't siyang (W)paghahain na taonan sa lahat ng angkan.
7 Kung kaniyang sabihing ganito, Mabuti; ang iyong lingkod ay matitiwasay; nguni't kung siya'y magalit, talastasin mo nga na ang kasamaan ay ipinasiya niya.
8 Kaya pagmagandahang loob mo ang iyong lingkod; (X)sapagka't iyong dinala ang iyong lingkod sa isang tipan ng Panginoon (Y)sa iyo; nguni't kung magtaglay ako ng kasamaan, patayin mo ako; sapagka't bakit mo pa dadalhin ako sa iyong ama?
9 At sinabi ni Jonathan, Malayo nawa sa iyo: sapagka't kung matalastas ko sa anomang paraan na ang kasamaan ay ipinasiya ng ama kong sumapit sa iyo, hindi ko ba sasaysayin sa iyo?
10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, Sino ang magsasaysay sa akin, kung sakaling ang iyong ama ay sumagot sa iyo na may kagalitan?
11 At sinabi ni Jonathan kay David, Halika at tayo'y lumabas sa parang. At sila'y kapuwa lumabas sa parang.
12 At sinabi ni Jonathan kay David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, maging saksi; pagka aking natarok ang aking ama sa oras na ito sa kinabukasan o sa ikatlong araw, narito, kung maging mabuti kay David, hindi ko nga ba pasasapitin sa iyo, at ipababatid (Z)sa iyo?
13 Kung mabutihin ng aking ama na gawan ka ng kasamaan, ay hatulan ng (AA)Panginoon si Jonathan, malibang ipabatid ko sa iyo at payaunin ka, upang ikaw ay yumaong payapa: (AB)at ang Panginoon ay sumaiyo nawa na gaya ng siya'y nasa aking ama.
14 At huwag mangyari kailanman hanggang ako'y nabubuhay, na di mo ako pagpakitaan ng kagandahang loob ng Panginoon upang ako'y huwag mamatay:
15 (AC)Subali't huwag mo ring ihihiwalay ang iyong kagandahang loob sa aking sangbahayan magpakailan man: huwag kahit man lipulin ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.
16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sangbahayan ni David, na sinabi, (AD)At hihingin ng Panginoon sa kamay ng mga kaaway ni David.
17 At pinasumpa uli ni Jonathan si David dahil sa pagibig niya sa kaniya: (AE)sapagka't kaniyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sariling kaluluwa.
18 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan sa kaniya, (AF)Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay pupunahin, sapagka't sa iyong upuan ay walang nakaupo.
19 At pagtatagal mo ng tatlong araw ay bababa kang madali at (AG)paroroon ka sa dakong iyong pinagtaguan ng araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng bato ng Ezel.
20 At ako'y papana ng tatlong palaso sa dako niyaon na parang ako'y may pinatatamaan.
21 At, narito, aking susuguin ang bata: Ikaw ay yumaon na hanapin mo ang mga palaso. Kung aking sabihin sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangarito sa dako mo rito: pagkunin mo, at parito ka; sapagka't may kapayapaan sa iyo at walang anoman, buhay ang Panginoon.
22 Nguni't kung aking sabihing ganito sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangasa dako mo pa roon: ituloy mo ang iyong lakad, sapagka't pinayaon ka ng Panginoon.
23 (AH)At tungkol sa usap na ating pinagsalitaan, narito, ang Panginoon ay nasa gitna natin magpakailan man.
Nagalit si Saul kay Jonathan.
24 Sa gayo'y nagkubli si David sa parang: at nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupong kumain.
25 At umupo ang hari sa kaniyang upuan na gaya ng kinaugalian niya sa makatuwid baga'y sa upuang nasa siping ng dinding; at tumayo si Jonathan, at umupo si Abner sa siping ni Saul; nguni't sa upuan ni David ay walang nakaupo.
26 Gayon ma'y hindi nagsalita si Saul ng anoman sa araw na yaon: sapagka't kaniyang inisip: May bagay na nangyari sa kaniya, (AI)siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.
27 At nangyari nang kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan na ikalawang araw, na sa upuan ni David ay walang nakaupo, sinabi ni Saul kay Jonathan na kaniyang anak, Bakit hindi naparirito ang anak ni Isai upang kumain, ni kahapon, ni ngayon man.
28 At sumagot si (AJ)Jonathan kay Saul, Namanhik si David na bayaan ko siya na pumaroon sa Beth-lehem:
29 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako; sapagka't ang aming angkan ay may paghahain sa bayan; at iniutos sa akin ng aking kapatid na dumoon; at ngayon, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay bayaan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at aking tingnan ang aking mga kapatid. Kaya hindi siya naparito sa dulang ng hari.
30 Nang magkagayo'y nagalab ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay anak ng masama at mapanghimagsik na babae, hindi ko ba nalalaman na iyong pinili ang anak ni Isai sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?
31 Sapagka't habang nabubuhay ang anak ni Isai sa ibabaw ng lupa, ikaw ay hindi mapapanatag ni ang iyong kaharian man. Kaya ngayo'y iyong ipasundo at dalhin siya sa akin, sapagka't siya'y walang pagsalang (AK)mamamatay.
32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kaniyang ama; at nagsabi sa kaniya, (AL)Bakit siya papatayin? anong kaniyang ginawa?
33 (AM)At inihandulong ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniya upang saktan siya; (AN)na doon nakilala ni Jonathan na pasiya ng kaniyang ama na patayin si David.
34 Sa gayo'y tumindig si Jonathan sa dulang na may mabangis na galit, at hindi kumain sa ikalawang araw ng buwan: sapagka't siya'y nagdalamhati dahil kay David, sapagka't hiniya siya ng kaniyang ama.
35 At nangyari sa kinaumagahan, na si David ay nilabas ni Jonathan sa parang sa takdang panahon, at isang munting bata ang kasama niya.
36 At sinabi niya sa kaniyang bataan, Takbo, hanapin mo ngayon ang mga palaso na aking ipinana. At pagtakbo ng bataan, kaniyang ipinana ang palaso sa dako roon niya.
37 At nang dumating ang bataan sa dako ng palaso na ipinana ni Jonathan, sinigawan ni Jonathan ang bataan, at sinabi, Hindi ba ang palaso ay nasa (AO)dako mo pa roon?
38 At sinigawan ni Jonathan ang bataan, Tulin, magmadali ka, huwag kang tumigil. At pinulot ng bataan ni Jonathan ang mga palaso, at naparoon sa kaniyang panginoon.
39 Nguni't hindi naalaman ng bataan ang anoman: si Jonathan at si David lamang ang nakaalam ng bagay.
40 At ibinigay ni Jonathan ang kaniyang sandata sa kaniyang bataan, at sinabi sa kaniya, Yumaon ka, dalhin mo sa bayan.
41 At pagkayaon ng bataan, si David ay tumindig sa dakong tungo sa Timugan, at sumubsob sa lupa, at yumukod na makaitlo: at sila'y naghalikan, at umiyak kapuwa, hanggang si David ay humigit.
42 At sinabi ni Jonathan kay David, (AP)Yumaon kang payapa, yamang tayo'y kapuwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, Ang Panginoon ay lalagay sa gitna natin, at sa gitna ng aking binhi at ng iyong binhi, magpakailan man. At siya'y bumangon at yumaon: at pumasok si (AQ)Jonathan sa bayan.
Naparoon si David sa Nob at tinulungan ni Ahimelech.
21 Nang magkagayo'y naparoon si David sa (AR)Nob kay (AS)Ahimelech na saserdote: at sinalubong si David ni Ahimelech (AT)na nanginginig, at sinabi sa kaniya, Bakit ka nagiisa, at walang taong kasama ka?
2 At si David ay nagsabi kay Ahimelech na saserdote, Inutusan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, Huwag maalaman ng sinoman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking iniutos sa iyo: at aking inilagay ang mga bataan sa gayo't gayong dako.
3 Ngayon nga anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay sa aking kamay, o anomang mayroon ka.
4 At sumagot ang saserdote kay David, at nagsabi, Walang karaniwang tinapay sa aking kamay, nguni't (AU)mayroong banal na tinapay; kung disin ang mga bataan ay magpakalayo (AV)lamang sa mga babae.
5 At sumagot si David sa saserdote, at nagsabi sa kaniya, Sa katotohanan ang mga babae ay nalayo sa amin humigit kumulang sa tatlong araw na ito; nang ako'y lumabas ang mga daladalahan ng mga bataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakad; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga (AW)daladalahan?
6 Sa gayo'y binigyan siya ng saserdote ng banal na tinapay: sapagka't walang tinapay roon, kundi tinapay na handog, na kinuha sa harap ng Panginoon, upang lagyan ng tinapay na mainit sa araw ng pagkuha.
7 Isang lalake nga sa mga lingkod ni Saul ay naroon nang araw na yaon, na pinigil sa harap ng Panginoon: at ang kaniyang pangalan ay (AX)Doeg na Idumeo, na pinakapuno ng mga pastor na nauukol kay Saul.
8 At sinabi ni David kay Ahimelech, At wala ka ba sa iyong kamay na sibat o tabak? sapagka't hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bagay ng hari ay madalian.
9 At sinabi ng saserdote, (AY)Ang tabak ni Goliath na Filisteo, na iyong pinatay sa (AZ)libis ng Ela, narito, nabibilot sa isang kayo na nasa likod ng epod: kung iyong kukunin yaon, kunin mo: sapagka't walang iba rito liban yaon. At sinabi ni David, Walang ibang gaya niyaon; ibigay mo sa akin.
Si David ay tumago sa Gath na nagkunwaring ulol.
10 At tumindig si David, at tumakas nang araw na yaon dahil sa takot kay Saul, at naparoon kay Achis na hari sa (BA)Gath.
11 At sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kaniya, Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba (BB)pinagaawitanan siya sa mga sayaw, na sinasabi,
(BC)Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo,
At ni David ang kaniyang laksalaksa?
12 At (BD)iningatan ni David ang mga salitang ito sa kaniyang puso, at natakot na mainam kay Achis na hari sa Gath.
13 At kaniyang (BE)binago ang kaniyang kilos sa harap nila at nagpakunwaring ulol sa kanilang mga kamay, at nagguhit sa mga pinto ng pintuang-daan, at pinatulo ang kaniyang laway sa kaniyang balbas.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kaniyang mga lingkod, Narito, tingnan ninyo ang lalake ay ulol: bakit nga ninyo dinala siya sa akin?
15 Kulang ba ako ng mga ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kaululan sa aking harapan? papasok ba ang taong ito sa aking bahay?
29 At nang ang mga karamihan ay (A)nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito'y isang masamang lahi: siya'y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas.
30 Sapagka't kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito.
31 (B)Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila'y hahatulan: sapagka't siya'y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.
32 Magsisitayo sa paghuhukom (C)ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: (D)sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.
33 Walang taong pagkapagpaningas niya ng (E)isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw.
34 Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong (F)mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa't kung ito'y may sakit, ang katawan mo nama'y puspos ng kadiliman.
35 Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman.
36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anomang bahaging madilim, ito'y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning.
37 Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang.
38 At nang makita (G)ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali.
39 At sinabi sa kaniya (H)ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan.
40 Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob?
41 Datapuwa't ilimos ninyo (I)ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang (J)lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo.
42 Datapuwa't (K)sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't nagbibigay kayo ng (L)ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa't gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa't dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon.
43 Sa aba ninyong mga Fariseo! (M)sapagka't inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.
44 Sa aba ninyo! sapagka't kayo'y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila.
45 At pagsagot ng isa sa mga (N)tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan.
46 At sinabi niya, (O)Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan.
47 Sa aba ninyo! (P)sapagka't inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao'y pinatay ng inyong mga magulang.
48 Kayo nga'y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka't pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan.
49 Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, (Q)Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin;
50 Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan;
51 Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at (R)ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.
52 Sa aba ninyong (S)mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok.
53 At paglabas niya roon, ay nangagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na higpitang mainam siya, at akitin siyang magsalita ng maraming mga bagay;
54 Na siya'y inaabangan, (T)upang makahuli sa kaniyang bibig ng anoman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978