Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mikas 1-3

Panaghoy para sa Samaria at Jerusalem

Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Mikas na Morastita, sa mga araw nina Jotam, Ahaz, at Hezekias, na mga hari ng Juda, na nakita niya tungkol sa Samaria at Jerusalem.

Pakinggan ninyo, kayong mga taong-bayan, kayong lahat,
    pakinggan mo, O lupa, at ng lahat ng naroon;
at ang Panginoong Diyos ay maging saksi nawa laban sa inyo,
    ang Panginoon mula sa kanyang banal na templo.
Sapagkat narito, ang Panginoon ay dumarating mula sa kanyang dako,
    at siya'y bababa at lalakad sa matataas na dako ng lupa.
At ang mga bundok ay matutunaw sa ilalim niya,
    at ang mga libis ay mabibiyak,
na parang pagkit na malapit sa apoy,
    parang tubig na ibinuhos mula sa isang mataas na lugar.
Lahat ng ito'y dahil sa pagsuway ng Jacob,
    at dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel.
Ano ang pagsuway ng Jacob?
    Hindi ba ang Samaria?
At ano ang kasalanan ng sambahayan ng Juda?
    Hindi ba ang Jerusalem?
Kaya't gagawin ko ang Samaria na parang bunton sa parang,
    isang lugar upang taniman ng ubasan;
at aking ibubuhos ang kanyang mga bato sa libis,
    at aking ililitaw ang kanyang mga pundasyon.
Lahat ng kanyang larawang inanyuan ay dudurugin,
    ang lahat ng kanyang mga upa ay susunugin,
    at ang lahat ng kanyang diyus-diyosan ay aking sisirain;
sapagkat kung paanong tinipon niya ang mga upa ng isang masamang babae
    ay muling gagamitin ang mga upa ng masamang babae.
Dahil dito tataghoy ako at tatangis,
    ako'y aalis na nakayapak at hubad;
ako'y uungol na parang asong-gubat
    at tatangis na gaya ng mga buwitre.
Sapagkat ang kanyang mga sugat ay walang lunas;
    at ito'y dumating sa Juda;
ito'y umabot hanggang sa pintuan ng aking bayan,
    hanggang sa Jerusalem.

Ang Kaaway ay Papalapit sa Jerusalem

10 Huwag ninyo itong sabihin sa Gat,
    huwag kayong tumangis,
sa Bethle-Aphra
    ay gumulong kayo sa alabok.
11 Dumaan ka,
    O mamamayan ng Saphir,
    sa kahubaran at kahihiyan;
ang mamamayan ng Zaanan
    ay hindi lumalabas;
ang taghoy ng Bet-esel
    ay mag-aalis sa iyo ng kanyang dakong kinatatayuan.
12 Sapagkat ang mga mamamayan ng Maroth
    ay balisang naghihintay ng mabuti,
sapagkat ang kasamaan ay bumaba mula sa Panginoon
    hanggang sa pintuan ng Jerusalem.
13 Isingkaw mo ang kabayo sa karwahe,
    mga mamamayan ng Lakish;
kayo ang pasimula ng kasalanan sa anak na babae ng Zion:
sapagkat sa iyo ay natagpuan ang pagsuway ng Israel.
14 Kaya't ikaw ay magbibigay ng kaloob ng pamamaalam
    sa Moreshet-gat;
ang mga bahay sa Achzib ay magiging mapandayang bagay
    sa mga hari ng Israel.
15 Muli akong magdadala sa iyo ng mananakop,
    O naninirahan sa Maresha,
ang kaluwalhatian ng Israel
    ay darating sa Adullam.
16 Magpakalbo ka, at pagupit ka
    para sa mga anak ng iyong kaluguran;
magpakalbo kang gaya ng agila;
    sapagkat sila'y patungo sa pagkabihag mula sa iyo.

Ang Kapalaran ng mga Umaapi sa mga Dukha

Kahabag-habag sila na nagbabalak ng kasamaan,
    at gumagawa ng kasamaan sa kanilang mga higaan!
Kapag dumating ang umaga, ay ginagawa nila ito,
    sapagkat ito'y nasa kapangyarihan ng kanilang kamay.
Sila'y nag-iimbot ng mga bukid, at kanilang kinakamkam;
    at ng mga bahay at kanilang kinukuha;
at kanilang inaapi ang isang tao at ang kanyang sambahayan,
    ang tao at ang kanyang mana.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Laban sa angkang ito ay nagbabalak ako ng kasamaan
    na doo'y hindi ninyo maaalis ang inyong mga leeg,
ni makalalakad man na may kahambugan;
    sapagkat iyon ay magiging isang masamang panahon.
Sa araw na iyon ay aawit ako nang pagtuya laban sa inyo,
    at mananaghoy ng mapait na panaghoy,
at sasabihin, “Kami ay lubos na nasira;
    kanyang binabago ang bahagi ng aking bayan;
ano't inilalayo niya sa akin!
    Kanyang binabahagi ang aming mga bukid sa mga bumihag sa amin.”
Kaya't mawawalan ka na ng maghahagis ng pisi sa pamamagitan ng palabunutan
    sa kapulungan ng Panginoon.
“Huwag kayong mangaral”—ganito sila nangangaral—
    “walang dapat mangaral ng gayong mga bagay;
    hindi tayo aabutan ng kahihiyan.”
Ito ba ay dapat sabihin, O sambahayan ni Jacob,
    Ang pagtitiis ba ng Panginoon ay ubos na?
    Ang mga ito ba ang kanyang mga gawa?
Di ba ang aking mga salita ay gumagawa ng mabuti
    sa lumalakad nang matuwid?
Kamakailan ang aking bayan ay bumangon na gaya ng isang kaaway:
    inyong hinubaran ng kasuotan
ang mga walang malay na nagdaraan,
    na galing sa digmaan.
Ang mga babae ng aking bayan ay inyong pinalalayas
    sa kanilang masasayang bahay;
mula sa kanilang mga bata ay inyong inaalis
    ang aking kaluwalhatian magpakailanman.
10 Bumangon kayo at humayo,
    sapagkat hindi ito lugar na pahingahan;
dahil sa karumihan na lumilipol
    sa pamamagitan ng malubhang pagkawasak.
11 Kung ang isang tao ay lumalakad at nagsasalita ng hangin at kasinungalingan,
    na nagsasabi, “Ako'y mangangaral sa iyo tungkol sa alak at matapang na inumin.”
    Siya ang magiging tagapagsalita para sa bayang ito!

12 Tiyak na titipunin ko kayong lahat, O Jacob,
    aking titipunin ang nalabi ng Israel;
akin silang ilalagay na magkakasama
    na parang mga tupa sa isang kulungan,
na parang kawan sa pastulan nito,
    isang maingay na pulutong ng mga tao.
13 Nangunguna sa kanila ang nagbubukas ng daan;
    sila'y lalampas at daraan sa pintuan
    at lalabas doon.
Ang kanilang hari ay daraan sa harapan nila,
    at ang Panginoon ang nasa unahan nila.

Sinumbatan ni Mikas ang mga Pinuno ng Israel

At aking sinabi,
Pakinggan ninyo, kayong mga pinuno ng Jacob,
    at mga pinuno ng sambahayan ni Israel!
Hindi ba para sa inyo na malaman ang katarungan?
    Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan;
na tumutuklap ng balat ng aking bayan,
    at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
na kumakain ng laman ng aking bayan,
    at lumalapnos ng kanilang balat,
at pinagpuputul-putol ang kanilang mga buto,
    at tinatadtad ang mga ito na gaya ng karne sa kaldero,
    gaya ng laman sa isang kawa.

Kung magkagayo'y dadaing sila sa Panginoon,
    ngunit sila'y hindi niya sasagutin;
kanyang ikukubli ang kanyang mukha sa kanila sa panahong iyon,
    sapagkat kanilang pinasama ang kanilang mga gawa.

Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta
    na nagliligaw sa aking bayan;
na nagsisisigaw ng, “Kapayapaan”;
    kapag sila'y may makakain,
ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya
    na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig.
Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain;
    at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula.
Ang araw ay lulubog sa mga propeta,
    at ang araw ay magdidilim sa kanila;
ang mga tagakita[a] ay mahihiya,
    at ang mga manghuhula ay mapapahiya,
silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi;
    sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos.
Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan
    ng Espiritu ng Panginoon,
    at ng katarungan, at ng kapangyarihan,
upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway,
    at sa Israel ang kanyang kasalanan.

Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob,
    at mga pinuno sa sambahayan ni Israel,
na napopoot sa katarungan,
    at binabaluktot ang lahat ng katuwiran,
10 na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo,
    at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian.
11 Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol,
    at ang mga pari niya'y nagtuturo dahil sa sahod,
    at ang propeta niya'y nanghuhula dahil sa salapi:
gayunma'y sumasandal sila sa Panginoon, at nagsasabi,
    “Hindi ba ang Panginoon ay nasa gitna natin?
    Walang kasamaang darating sa atin.”
12 Kaya't(B) dahil sa inyo,
    ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid,
at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira,
    at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat.

Apocalipsis 11

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos(A) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.

Ngunit(B) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”

Ang(C) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.

At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.

Ang(D) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.

At(E) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.

At(F) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.

Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.

10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ngunit(G) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.

12 At(H) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

13 At(I) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.

14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.

Ang Ikapitong Trumpeta

15 At(J) hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
    at ng kanyang Cristo,
at siya'y maghahari magpakailanpaman.”

16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos,

17 na nagsasabi,

“Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang ngayon at ang nakaraan,
sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan,
    at ikaw ay naghari.
18 Nagalit(K) ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot,
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan,
ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa.”

19 At(L) nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001