Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 42-44

Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo

42 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa patyo sa labas ng bahay, sa daan patungo sa hilaga, at dinala niya ako sa silid na nasa tapat ng bukod na dako at katapat ng gusali patungo sa hilaga.

Sa kahabaan ng gusali na isandaang siko ay ang pintuang hilaga, at ang luwang ay limampung siko.

Sa tapat ng dalawampung siko na kabilang sa panloob na patyo, at nakaharap sa nalalatagan ng bato na kabilang sa panlabas na patyo, ay ang galeria sa tapat ng galeria na may tatlong palapag.

At sa harapan ng mga silid ay may isang pasukang paloob na sampung siko ang luwang at isandaang siko ang haba; at ang mga pintuan nila ay nasa hilaga.

Ang pang-itaas na silid ay mas makipot, sapagkat ang mga galeria ay kumukuha sa mga ito nang higit kaysa pang-ibaba at panggitnang silid sa gusali.

Sila'y iniayos sa tatlong palapag, at walang mga haligi na gaya ng ibang gusali sa patyo. Kaya't ang ikatlo ay ginawang mas makipot kaysa pang-ibaba at panggitnang palapag mula sa lupa.

Mayroong pader na nasa labas na malapit sa mga silid, sa dako ng patyo sa tapat ng mga silid, ang haba niyon ay limampung siko.

Ang haba ng mga silid na nasa patyo ay limampung siko, at narito, ang harapan ng templo ay isandaang siko.

Sa ilalim ng mga silid na ito ay ang pasukan sa dakong silangan, sa pagpasok mula sa patyo sa labas.

10 Sa kakapalan ng pader ng looban sa dakong silangan, sa harap ng bukod na dako, at sa harap ng gusali ay mayroong mga silid.

11 Ang daan sa harapan ng mga iyon ay gaya ng anyo ng mga silid na nasa dakong hilaga; ayon sa haba ay gayon din ang kanilang luwang, at ang labasan ay ayon sa kanilang ayos ng mga pintuan.

12 At ayon sa mga pintuan ng mga silid na nasa dakong timog ay may isang pasukan sa bukana ng daan, sa daang tuwid na patuloy sa harapan ng pader sa dakong silangan sa pagpasok sa mga iyon.

13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ang mga silid sa hilaga at ang mga silid sa timog na nasa harapan ng bukod na dako ay mga banal na silid, kung saan kakainin ng mga pari na lumalapit sa Panginoon ang mga kabanal-banalang bagay. Doon nila ilalapag ang mga kabanal-banalang bagay—ang handog na butil, at ang handog pangkasalanan, at ang handog ng budhi na may sala; sapagkat ang dako ay banal.

14 Kapag ang mga pari ay pumasok sa banal na dako, hindi sila lalabas sa banal na dako na papasok sa bulwagan sa labas hangga't hindi nila inilalapag doon ang mga kasuotan na kanilang ipinaglingkod, sapagkat ang mga iyon ay banal. Sila'y magsusuot ng ibang kasuotan bago sila magsisilapit sa mga bagay na para sa bayan.”

Ang Sukat ng Paligid ng Bahay

15 Nang matapos na niyang masukat ang loob ng bahay, inilabas niya ako sa pintuang nakaharap sa silangan, at sinukat ang bahay sa palibot.

16 Sinukat niya sa dakong silangan ng panukat na tambo, limang daang siko sa panukat na tambo.

17 Sinukat niya ang dakong hilaga, limang daang siko sa panukat na tambo.

18 Pagkatapos ay sinukat niya ang dakong timog, limang daang siko sa panukat na tambo.

19 At siya'y pumihit sa dakong kanluran at sinukat ito, limang daang siko sa panukat na tambo.

20 Sinukat niya ito sa apat na sulok. May pader ito sa palibot, ang haba'y limang daang siko at ang luwang ay limang daang siko, upang ihiwalay ang banal sa karaniwan.

Ang Bahay ay Napuno ng Kaluwalhatian ng Panginoon

43 Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, ang pintuang-daang nakaharap sa dakong silangan.

At(A) narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nanggagaling sa dakong silangan. Ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at ang lupa ay nagningning sa kanyang kaluwalhatian.

Ang pangitain na aking nakita ay gaya ng pangitain na nakita ko nang ako'y dumating upang gibain ang lunsod, at gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng Ilog Chebar; at ako'y nasubasob.

At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumasok sa bahay sa pintuang-daang nakaharap sa silangan,

itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pinakaloob na bulwagan; at narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.

Habang ang lalaki ay nakatayo sa tabi ko, aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay.

At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang lugar ng aking trono, at lugar ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tinatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailanman. Hindi na lalapastanganin pa ng sambahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, nila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagiging bayarang babae,[a] at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari, kung sila'y mamatay,

sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang mga haligi ng pintuan sa tabi ng aking mga haligi ng pintuan, na mayroon lamang pader sa pagitan ko at nila. Kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa; kaya't aking tinupok sila sa aking galit.

Ngayon nga'y iwan nila ang kanilang pagiging bayarang babae,[b] at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako'y tatahan sa gitna nila magpakailanman.

10 “Ikaw, anak ng tao, ilarawan mo sa sambahayan ni Israel ang anyo at plano ng bahay, upang sila'y mapahiya sa kanilang mga kasamaan, at hayaang sukatin nila ang plano.

11 Kung sila'y mapahiya sa lahat nilang ginawa, ilarawan mo ang anyo ng bahay, ang gusali, ang mga labasan at mga pasukan niyon, at ang buong anyo niyon. Ipaalam mo sa kanila ang lahat ng mga tuntunin niyon; at lahat ng kautusan niyon, at iyong isulat iyon sa kanilang paningin, upang kanilang maingatan ang buong anyo at ang lahat ng mga tuntunin ay maisagawa nila.

12 Ito ang kautusan tungkol sa bahay: ang buong nasasakupan sa palibot ng taluktok ng bundok ay magiging kabanal-banalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay.

Ang Dambana

13 “Ang(B) mga ito ang sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko ang taas, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyon sa palibot ay isang dangkal. At ito ang magiging taas ng dambana:

14 mula sa patungan sa lupa hanggang sa mababang palapag ay dalawang siko at ang luwang ay isang siko; at mula sa mababang palapag hanggang sa higit na mataas na palapag ay apat na siko, at ang luwang ay isang siko.

15 Ang apuyan ng dambana ay apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay may apat na sungay.

16 At ang apuyan ng dambana ay magiging parisukat, labindalawang siko ang haba at labindalawang siko ang luwang.

17 Ang patungan niyon ay parisukat din, labing-apat na siko ang haba at labing-apat na siko ang luwang. Ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko, at ang patungan niyon ay magiging isang siko sa palibot. Ang mga baytang niyon ay paharap sa silangan.”

Ang Pagtatalaga sa Dambana

18 (C) Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ito ang mga tuntunin para sa dambana: Sa araw na ito'y kanilang itayo, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na sinusunog, at upang pagwisikan ng dugo,

19 iyong ibibigay sa mga paring Levita mula sa angkan ni Zadok na lumalapit sa akin upang maglingkod, ang isang guyang baka bilang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong Diyos.

20 At kukuha ka ng dugo niyon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin iyon at tutubusin ito.

21 Iyo rin namang kukunin ang batang toro na handog pangkasalanan, at susunugin mo sa itinakdang lugar ng bahay, sa labas ng banal na lugar.

22 At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalaki na walang kapintasan na bilang handog pangkasalanan; at ang dambana ay malilinis gaya ng kanilang pagkalinis sa pamamagitan ng guyang toro.

23 Pagkatapos mong malinis ito, maghahandog ka ng isang batang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan.

24 Ihahandog mo ang mga yaon sa harapan ng Panginoon, at wiwisikan ng asin ang mga iyon ng mga pari, at kanilang ihahandog bilang handog na sinusunog sa Panginoon.

25 Pitong araw na maghahanda ka sa bawat araw ng isang kambing bilang handog pangkasalanan. Maghahanda rin sila ng batang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan.

26 Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon din nila itatalaga.

27 At kapag kanilang naganap ang mga araw na ito, mangyayari na sa ikawalong araw at sa haharapin, maghahandog sa dambana ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at ang inyong mga handog pangkapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Tuntunin tungkol sa Pintuan sa Gawing Silangan

44 Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa panlabas na pintuan ng santuwaryo na nakaharap sa dakong silangan; at ito'y nakasara.

At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay mananatiling nakasara. Hindi ito bubuksan, at walang sinumang makakapasok dito; sapagkat ito'y pinasukan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel; kaya't ito'y mananatiling nakasara.

Tungkol sa pinuno, siya ay uupo roon bilang pinuno upang kumain ng tinapay sa harapan ng Panginoon. Siya'y papasok sa daan ng bulwagan ng pintuan, at lalabas sa daan ding iyon.”

Ang mga Tuntunin sa Pagpasok sa Dambana

Nang magkagayo'y kanyang dinala ako sa daan ng pintuan sa hilaga sa harapan ng bahay. Ako'y tumingin at nakita ko na napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon, at sumubsob ako sa lupa.

At sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, tandaan mong mabuti, masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig ang lahat ng aking sasabihin sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at sa lahat ng kautusan doon. Tandaan mong mabuti ang pasukan sa bahay at lahat ng labasan sa santuwaryo.

Iyong sasabihin sa mapaghimagsik, sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: O kayong sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang lahat ninyong mga kasuklamsuklam,

sa inyong pagtanggap ng mga dayuhan na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang makapasok sa aking santuwaryo, na nilalapastangan ang aking bahay, kapag inyong inihahandog ang aking pagkain, ang taba at ang dugo. Sinira ninyo ang aking tipan, ito'y dagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.

Hindi ninyo iningatan ang aking mga banal na bagay; kundi kayo'y naglagay ng mga dayuhan upang mangasiwa sa aking santuwaryo.

“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Walang dayuhan na hindi tuli sa puso at sa laman, sa lahat ng mga dayuhang kasama ng bayang Israel, ang papasok sa aking santuwaryo.

10 Ngunit ang mga Levita na lumayo sa akin, nang ang Israel ay tumalikod sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diyus-diyosan, ay magdaranas ng kanilang kaparusahan.

11 Gayunman, sila'y magiging tagapangasiwa sa aking santuwaryo, mamamahala sa mga pintuan ng bahay at maglilingkod sa bahay. Kanilang kakatayin ang handog na sinusunog at ang alay para sa bayan, at kanilang aasikasuhin ang bayan upang paglingkuran sila.

12 Sapagkat kanilang pinaglingkuran sila sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at naging katitisuran nila sa ikasasama ng sambahayan ni Israel. Kaya't ako'y sumumpa tungkol sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos, at daranasin nila ang kanilang kaparusahan.

13 Hindi sila lalapit sa akin upang maglingkod sa akin bilang pari, o lalapit man sa alinman sa aking mga banal na bagay at sa mga bagay na kabanal-banalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, dahil sa mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.

14 Gayunma'y hihirangin ko silang tagapangasiwa ng bahay, upang gawin ang lahat nitong paglilingkod at lahat ng dapat gawin doon.

Ang mga Pari

15 “Ngunit ang mga paring Levita na mga anak na lalaki ni Zadok, na nangangasiwa ng aking santuwaryo nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, ay lalapit sa akin upang maglingkod sa akin. Sila'y maglilingkod sa akin upang maghandog ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Diyos:

16 Sila'y papasok sa aking santuwaryo, at sila'y lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at gagawin nila ang aking tagubilin.

17 Kapag(D) sila'y papasok sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan, magsusuot sila ng kasuotang telang lino. Hindi sila gagamit ng anumang lana habang sila'y nangangasiwa sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan at sa loob.

18 Sila'y magsusuot ng turbanteng lino sa kanilang mga ulo, at magtatapis ng telang lino sa kanilang mga balakang; hindi sila magbibigkis ng anumang nakapagpapapawis.

19 Kapag(E) sila'y lumabas sa panlabas na bulwagan, sa panlabas na bulwagang patungo sa mga tao, huhubarin nila ang kanilang mga kasuotan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid. Magsusuot sila ng ibang mga kasuotan, baka mahawa nila ng kabanalan ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga kasuotan.

20 Hindi(F) nila aahitan ang kanilang mga ulo, ni pahahabain man ang kanilang buhok. Kanila lamang gugupitan ang buhok ng kanilang mga ulo.

21 Hindi(G) iinom ng alak ang sinumang pari kapag siya'y papasok sa pinakaloob na bulwagan.

22 Hindi(H) sila mag-aasawa ng babaing balo, o ng babaing hiwalay sa asawa, kundi sa isang birhen lamang sa lahi ng sambahayan ni Israel, o sa babaing balo na nabalo sa pari.

23 Kanilang(I) ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ituturo sa kanila kung paano bibigyan ng pagkakaiba ang marumi at malinis.

24 Sa isang pagtatalo ay tatayo sila bilang mga hukom, at hahatulan nila iyon ayon sa aking mga hatol. Kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga tuntunin sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga Sabbath.

25 Hindi(J) nila dudungisan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglapit sa isang patay na tao. Gayunman, para sa ama, o sa ina, o sa anak na lalaki o babae, sa kapatid na lalaki o babae na walang asawa, ay maaari nilang dungisan ang kanilang mga sarili.

26 Pagkatapos na siya'y madungisan, sila'y bibilang ng pitong araw at siya'y magiging malinis.

27 Sa araw na siya'y pumasok sa banal na dako, sa pinakaloob na bulwagan upang maglingkod sa santuwaryo, siya'y maghahandog ng kanyang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Bahagi ng mga Pari

28 Sila'y(K) hindi magkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana at hindi ninyo sila bibigyan ng ari-arian sa Israel; ako'y kanilang ari-arian.

29 Sila'y(L) kakain ng handog na butil, ng handog pangkasalanan, at ng handog dahil sa budhing maysala. Bawat bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.

30 Ang una sa lahat na unang bunga ng bawat bagay, at bawat alay ng bawat bagay sa lahat ninyong mga handog ay magiging sa pari. Inyo ring ibibigay sa mga pari ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.

31 Ang(M) mga pari ay hindi kakain ng anumang bagay na namamatay sa kanyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.

1 Juan 1

Ang Salita ng Buhay

Yaong(A) buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay—

at(B) ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatototohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag.

Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at tunay na ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.

Isinusulat namin ang mga bagay na ito upang ang aming[a] kagalakan ay malubos.

Ang Diyos ay Liwanag

At ito ang mensahe na aming narinig sa kanya at sa inyo'y aming ipinahahayag, na ang Diyos ay liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadiliman.

Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kanya, at tayo'y lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan.

Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't isa, at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.

Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.

Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.

10 Kung sinasabi nating tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang kanyang salita ay wala sa atin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001