Old/New Testament
Si Jonas ay Tumakas Patungo sa Tarsis
1 Ang(A) salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas na anak ni Amitai, na nagsasabi,
2 “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at sumigaw ka laban doon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harapan ko.”
3 Ngunit si Jonas ay bumangon upang tumakas patungo sa Tarsis mula sa harapan ng Panginoon. Siya'y lumusong sa Joppa at nakatagpo ng barkong patungo sa Tarsis. Nagbayad siya ng pamasahe at lumulan upang sumama sa kanila sa Tarsis papalayo sa harapan ng Panginoon.
4 Ngunit ang Panginoon ay naghagis ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, anupa't ang barko ay nagbantang mawasak.
5 Nang magkagayo'y natakot ang mga magdaragat at tumawag ang bawat isa sa kanya-kanyang diyos; at kanilang inihagis sa dagat ang mga dala-dalahang nasa sasakyan upang makapagpagaan sa kanila. Samantala, si Jonas ay nasa ibaba sa pinakaloob na bahagi ng barko na doon ay nakahiga siya at nakatulog nang mahimbing.
6 Sa gayo'y dumating ang kapitan at sinabi sa kanya, “Ano ang ibig mong sabihin, at natutulog ka pa? Bumangon ka, tumawag ka sa iyong diyos! Baka sakaling alalahanin tayo ng diyos upang huwag tayong mamatay.”
7 Sinabi nila sa isa't isa, “Pumarito kayo at tayo'y magpalabunutan upang ating malaman kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin.” Kaya't nagpalabunutan sila, at ang nabunot ay si Jonas.”
8 Nang magkagayo'y sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin, dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin? Ano ang iyong hanapbuhay? At saan ka nanggaling? Ano ang iyong lupain? Sa anong bayan ka?”
9 Kanyang sinabi sa kanila, “Ako'y isang Hebreo. Ako'y may takot sa Panginoon, sa Diyos ng langit na gumawa ng dagat at ng tuyong lupain.”
10 Nang magkagayo'y lubhang natakot ang mga tao, at sinabi sa kanya, “Ano itong iyong ginawa?” Sapagkat nalaman ng mga tao na siya'y tumatakas mula sa harapan ng Panginoon, sapagkat sinabi niya sa kanila.
Si Jonas ay Itinapon sa Dagat
11 At sinabi nila sa kanya, “Anong gagawin namin sa iyo upang ang dagat ay tumahimik sa atin?” Sapagkat ang dagat ay lalong nag-aalimpuyo.
12 Sinabi niya sa kanila, “Buhatin ninyo ako at ihagis ninyo ako sa dagat. Sa gayo'y ang dagat ay tatahimik para sa inyo, sapagkat alam ko na dahil sa akin ay dumating ang malaking unos na ito sa inyo.”
13 Gayunman, ang mga lalaki ay sumagwan ng mabuti upang maibalik ang barko sa lupa, ngunit hindi nila magawa sapagkat ang dagat ay lalo pang nag-aalimpuyo laban sa kanila.
14 Kaya't sila'y tumawag sa Panginoon, at nagsabi, “Nagmamakaawa kami sa iyo, O Panginoon, huwag mo kaming ipahamak dahil sa buhay ng lalaking ito. Huwag mong iatang sa amin ang walang salang dugo; sapagkat ginawa mo, O Panginoon, ang nakakalugod sa iyo.”
15 Kaya't kanilang binuhat si Jonas at inihagis siya sa dagat; at ang dagat ay tumigil sa pagngangalit nito.
16 Nang magkagayo'y lubhang natakot ang mga tao sa Panginoon; at sila'y naghandog ng isang alay sa Panginoon at gumawa ng mga panata.
17 At(B) naghanda ang Panginoon ng isang malaking isda upang lunukin si Jonas; at si Jonas ay nasa tiyan ng isda sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.
Ang Panalangin ni Jonas
2 Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Diyos mula sa tiyan ng isda,
2 at kanyang sinabi,
“Tinawagan ko ang Panginoon mula sa aking pagdadalamhati,
at siya'y sumagot sa akin;
mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw,
at iyong dininig ang aking tinig.
3 Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman,
sa pusod ng dagat,
at ang tubig ay nasa palibot ko;
ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong
ay umaapaw sa akin.
4 Kaya't aking sinabi, ‘Ako'y inihagis
mula sa iyong harapan;
gayunma'y muli akong titingin
sa iyong banal na templo.’
5 Kinukulong ako ng tubig sa palibot.
Ang kalaliman ay nasa palibot ko.
Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
6 Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok.
Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman.
Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay,
O Panginoon kong Diyos.
7 Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay,
naalala ko ang Panginoon;
at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
8 Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
ay nagtatakuwil ng kanilang tunay na katapatan.
9 Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo
na may tinig ng pasasalamat.
Aking tutuparin ang aking ipinanata.
Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!”
10 At inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.
Nangaral si Jonas sa mga Taga-Ninive
3 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi,
2 “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at ipangaral mo ang pangaral na aking sinabi sa iyo.”
3 Sa gayo'y bumangon si Jonas at pumunta sa Ninive, ayon sa salita ng Panginoon. Ang Ninive ay isang napakalaking lunsod, na tatlong araw na bagtasin ang luwang.
4 Nagpasimulang(C) pumasok si Jonas sa lunsod na may isang araw na lakarin ang layo. At siya'y sumigaw, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!”
5 At ang mga mamamayan ng Ninive ay sumampalataya sa Diyos. Sila'y nagpahayag ng ayuno, at nagsuot ng damit-sako, mula sa pinakadakila sa kanila hanggang sa pinakahamak sa kanila.
6 Nang ang balita ay dumating sa hari ng Ninive, siya'y tumindig sa kanyang trono, hinubad niya ang kanyang balabal, nagbalot siya ng damit-sako, at naupo sa mga abo.
7 Gumawa siya ng pahayag at ipinalathala sa buong Ninive, “Sa utos ng hari at ng kanyang mga maharlikang tao: Huwag tumikim ng anuman ang tao ni hayop man, ang bakahan ni kawan man. Huwag silang kakain, ni iinom man ng tubig.
8 Kundi magbalot ng damit-sako ang tao at hayop at dumaing nang taimtim sa Diyos upang talikuran ng bawat isa ang kanyang masamang lakad, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.
9 Sino ang nakakaalam, maaaring umatras at magbago ng isip ang Diyos at tumalikod sa kanyang nagniningas na galit, upang tayo'y huwag mamatay?”
10 Nang makita ng Diyos ang kanilang ginawa, na sila'y humiwalay sa kanilang masamang lakad, nagbago ng isip ang Diyos tungkol sa kasamaan na kanyang sinabing gagawin niya sa kanila; at hindi niya iyon ginawa.”
Nagalit si Jonas
4 Ngunit iyon ay ipinagdamdam nang labis ni Jonas at siya'y nagalit.
2 Siya'y(D) nanalangin sa Panginoon, at nagsabi, “O Panginoon, di ba ito ang aking sinabi, nang ako'y nasa aking bayan pa? Kaya nga ako'y nagmadaling tumakas patungo sa Tarsis; sapagkat alam ko na ikaw ay Diyos na mapagpala, mahabagin, hindi kaagad nagagalit, sagana sa tapat na pag-ibig at nalulungkot sa kasamaan.
3 Kaya ngayon,(E) O Panginoon, ipinapakiusap ko sa iyo na kunin mo ang aking buhay, sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.”
4 Sinabi ng Panginoon, “Mabuti ba ang iyong ginagawa na magalit?”
5 Nang magkagayo'y lumabas si Jonas sa lunsod, naupo sa dakong silangan ng lunsod, at doo'y gumawa siya ng isang balag. Umupo siya sa ilalim ng lilim niyon, hanggang sa kanyang makita kung ano ang mangyayari sa lunsod.
6 At naghanda ang Panginoong Diyos ng isang halaman[a] at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kanyang ulo, upang iligtas siya sa kanyang masamang kalagayan. Sa gayo'y tuwang-tuwa si Jonas dahil sa halaman.
7 Ngunit kinaumagahan nang sumunod na araw, naghanda ang Diyos ng isang uod na siyang sumira sa halaman, kaya't natuyo ito.
8 Nang sumikat ang araw, naghanda ang Diyos ng mainit na hanging silangan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, kaya't siya'y nahilo, at hiniling ng buong kaluluwa niya na siya'y mamatay. Sinabi niya, “Mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.”
9 Ngunit sinabi ng Diyos kay Jonas, “Mabuti ba ang ginagawa mo na magalit dahil sa halaman?” At kanyang sinabi, “Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan.”
10 Kaya't sinabi ng Panginoon, “Ikaw ay nanghinayang sa halaman na hindi mo pinagpaguran o pinatubo man; ito ay tumubo sa isang gabi, at nawala sa isang gabi.
11 Hindi ba ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon na may mahigit sa isandaan at dalawampung libong katao na hindi nalalaman kung alin sa kanilang mga kamay ang kanan o ang kaliwa, at mayroon ding maraming hayop?”
Ang Anghel na may Munting Aklat
10 At nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na nanaog mula sa langit, na nababalot ng isang ulap, at may bahaghari sa kanyang ulo, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw, at ang kanyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy.
2 May isang maliit na balumbon na bukas sa kanyang kamay at kanyang itinuntong ang kanyang kanang paa sa dagat, at ang kaliwang paa sa lupa.
3 Siya ay sumigaw nang may malakas na tinig, na gaya ng leon na umuungal; at pagkasigaw niya, ang pitong kulog ay umugong.
4 Nang tumunog ang pitong kulog, susulat sana ako, ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Tatakan mo ang mga bagay na sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga ito.”
5 At(A) itinaas ng anghel na aking nakita na nakatayo sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay sa langit,
6 at nanumpa sa nabubuhay magpakailanpaman, na siyang lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto: “Hindi na maaantala pa,
7 ngunit sa mga araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos, ayon sa kanyang ipinahayag sa kanyang mga lingkod na propeta.”
8 At(B) ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsalita sa akin, na nagsasabi, “Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.”
9 Kaya't ako'y lumapit sa anghel at sinabi ko sa kanya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kanyang sinabi sa akin, “Kunin mo ito at ito'y kainin mo; ito ay magiging mapait sa iyong tiyan, ngunit sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot.”
10 Kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot, ngunit nang aking makain ay pumait ang aking tiyan.
11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang muli kang magpahayag ng propesiya tungkol sa maraming mga bayan at mga bansa, mga wika at mga hari.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001