Old/New Testament
Ang Handaan ni Belshasar
5 Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2 Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3 Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4 Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6 Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7 Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8 Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
14 Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
15 Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
16 Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.
18 O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan.
19 Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa.
20 Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
21 Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
22 Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
23 Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
24 Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
25 At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
28 PERES;[a] ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
29 Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
30 Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
31 At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.
Si Daniel sa Yungib ng mga Leon
6 Minabuti ni Dario na magtalaga sa kaharian ng isandaan at dalawampung satrap, na mamamahala sa buong kaharian.
2 Ang namumuno sa kanila'y tatlong pangulo, na isa sa kanila ay si Daniel. Ang mga tagapamahalang ito ay magbibigay-sulit sa kanila upang ang hari ay huwag malagay sa panganib.
3 Hindi nagtagal, si Daniel ay nangibabaw sa lahat ng ibang mga pangulo at sa mga satrap, sapagkat taglay niya ang isang di-pangkaraniwang espiritu; at pinanukala ng hari na italaga siya upang mamuno sa buong kaharian.
4 Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya.
5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, “Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
6 Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, “O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman!
7 Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon.
8 Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal.
10 Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa.
11 Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos.
12 Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, “O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Ang hari ay sumagot, “Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa.”
13 Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, “Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw.”
14 Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya.
15 At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, “Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin.”
16 Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, “Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!”
17 Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel.
18 Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok.
19 Nang mag-uumaga na, ang hari ay bumangon at nagmamadaling pumunta sa yungib ng mga leon.
20 Nang siya'y mapalapit sa yungib na kinaroroonan ni Daniel, siya'y sumigaw na may pagdadalamhati at sinabi kay Daniel, “O Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, ang iyo bang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ay nakapagligtas sa iyo sa mga leon?”
21 Sinabi naman ni Daniel sa hari, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
22 Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Hindi nila ako sinaktan sapagkat ako'y natagpuang walang sala sa harap niya at gayundin sa harapan mo. O hari, wala akong ginawang kasalanan.”
23 Nang magkagayo'y tuwang-tuwa ang hari, at ipinag-utos na kanilang iahon si Daniel mula sa yungib. Kaya't iniahon si Daniel mula sa yungib, at walang anumang sugat na natagpuan sa kanya sapagkat siya'y nagtiwala sa kanyang Diyos.
24 Ang hari ay nag-utos, at ang mga lalaking nagparatang kay Daniel ay kanilang hinuli at sila'y inihagis sa yungib ng mga leon—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Hindi pa man sila umaabot sa ibaba ng yungib, ang mga leon ay nanaig sa kanila, at pinagputul-putol ang lahat nilang mga buto.
25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring si Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: “Kapayapaa'y sumagana sa inyo.
26 Ako'y nag-uutos na sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa Diyos ni Daniel:
Sapagkat siya ang buháy na Diyos,
at nananatili magpakailanman.
Ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak,
at ang kanyang kapangyarihan ay walang katapusan.
27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya,
siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa,
sapagkat iniligtas niya si Daniel
mula sa kapangyarihan ng mga leon.”
28 Kaya't ang Daniel na ito ay umunlad sa panahon ng paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga-Persia.
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Halimaw
7 Nang unang taon ni Belshasar na hari sa Babilonia, si Daniel ay nanaginip at nagkaroon ng mga pangitain habang nakahiga sa kanyang higaan. At kanyang isinulat ang panaginip, at isinalaysay ang kabuuan nito.
2 Sinabi ni Daniel, “Nakita ko sa aking pangitain sa gabi at narito, ang apat na hangin ng langit na humihihip sa malaking dagat,
3 at(A) apat na malalaking halimaw[b] na magkakaiba ang umahon mula sa dagat.
4 Ang(B) una'y gaya ng leon at may mga pakpak ng agila. Habang aking minamasdan, ang mga pakpak nito'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at binigyan din ito ng isip ng tao.
5 Lumitaw ang isa pang halimaw, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. Ito ay nakataas sa isang tagiliran, may tatlong tadyang sa kanyang bibig sa pagitan ng kanyang mga ngipin; at sinabi rito, ‘Bumangon ka, lumamon ka ng maraming laman.’
6 Pagkatapos nito'y tumingin ako at may isa pang gaya ng leopardo na may apat na pakpak ng ibon sa likod nito. Ang halimaw ay mayroong apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan.
7 Pagkatapos(C) nito'y nakita ko sa pangitain sa gabi ang ikaapat na halimaw na kakilakilabot, nakakatakot, at napakalakas. Ito'y may malaking ngiping bakal; ito'y nananakmal at lumuluray, at niyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi. Ito ay kaiba sa lahat ng halimaw na una sa kanya, at siya'y may sampung sungay.
8 Habang(D) tinitingnan kong mabuti ang mga sungay, narito, lumitaw sa gitna ng mga iyon ang isa pang munting sungay, at sa harap nito ay tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat. Narito, sa sungay na ito ay may mga mata na gaya ng mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan.
9 Habang(E) ako'y nakatingin, may mga tronong inilagay,
at ang Matanda sa mga Araw ay umupo.
Ang kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe,
at ang buhok ng kanyang ulo ay gaya ng purong lana.
Ang kanyang trono ay naglalagablab sa apoy
at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy.
10 May(F) dumaloy na isang ilog ng apoy
at lumabas mula sa harapan niya,
libu-libo ang naglilingkod sa kanya,
at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan niya.
Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom,
at ang mga aklat ay nabuksan.
11 Ako'y tumingin dahil sa ingay ng mga palalong salita na sinasabi ng sungay. Nagpatuloy akong tumingin hanggang ang halimaw ay napatay, at ang kanyang katawan ay winasak, at ibinigay upang sunugin ng apoy.
12 At tungkol sa iba pang mga halimaw, ang kanilang kapangyarihan ay inalis, ngunit ang kanilang mga buhay ay pinahaba pa ng isang kapanahunan at isang panahon.
13 Patuloy(G) akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito,
ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap.
At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw,
at iniharap sa kanya.
14 Binigyan(H) siya ng kapangyarihan,
kaluwalhatian, at kaharian,
upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika
ay maglingkod sa kanya.
Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan
na hindi lilipas,
at ang kanyang kaharian
ay hindi mawawasak.
Ang Panaginip ay Ipinaliwanag
15 “Tungkol sa akin, akong si Daniel, ang aking espiritu ay nabalisa sa loob ko, at binagabag ako ng aking mga pangitain sa aking pag-iisip.
16 Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo roon at itinanong ko sa kanya ang katotohanan tungkol sa lahat ng ito. Kaya't sinabi niya at ipinaalam sa akin ang kahulugan ng mga bagay.
17 Ang apat na malaking halimaw na ito ay apat na hari na lilitaw mula sa lupa.
18 Ngunit(I) tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman.
19 Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi;
20 at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama.
21 Habang(J) ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila,
22 hanggang(K) sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian.
23 “Ganito ang kanyang sinabi:
‘Ang ikaapat na halimaw ay
magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa,
na magiging kaiba sa lahat ng kaharian,
at sasakmalin nito ang buong lupa,
yuyurakan ito at pagluluray-lurayin.
24 Tungkol(L) sa sampung sungay,
mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari,
at may isa pang babangong kasunod nila.
Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna,
at kanyang ibabagsak ang tatlong hari.
25 At(M) siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan,
at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan;
at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan;
at sila'y ibibigay sa kanyang kamay
hanggang sa isang panahon,
mga panahon at kalahati ng isang panahon.
26 Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol,
at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin,
upang mapuksa at ganap na mawasak.
27 At(N) ang kaharian, ang kapangyarihan,
at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit,
ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan.
Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian,
at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.’
28 “Dito nagwakas ang pahayag. Tungkol sa akin, akong si Daniel, ay lubhang binabagabag ng aking pag-iisip, at ang aking mukha ay namutla; ngunit iningatan ko ang bagay na ito sa aking isipan.”
Pagbati
1 Ang matanda, sa hinirang na ginang at sa kanyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi pati ang lahat ng mga nakakaalam ng katotohanan,
2 dahil sa katotohanan na nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman:
3 Sumaatin nawa ang biyaya, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pag-ibig.
Pag-ibig at Katotohanan
4 Ako'y labis na nagalak na aking natagpuan ang ilan sa iyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa utos na ating tinanggap mula sa Ama.
5 Ngunit(A) ngayo'y hinihiling ko sa iyo, ginang, na hindi para bang sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi ang ating tinanggap buhat nang pasimula, na tayo'y mag-ibigan sa isa't isa.
6 At ito ang pag-ibig, na tayo'y lumakad ayon sa kanyang mga utos. Ito ang utos, na gaya ng inyong narinig nang pasimula, na doon kayo'y lumakad.
7 Maraming mandaraya na lumitaw sa sanlibutan, yaong mga hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman; ito ang mandaraya at ang anti-Cristo.
8 Ingatan ninyo ang inyong sarili, upang huwag ninyong maiwala ang mga bagay na aming[a] pinagpaguran, kundi upang tumanggap kayo ng lubos na gantimpala.
9 Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Diyos; ang nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak.
10 Kung sa inyo'y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin,
11 sapagkat ang bumabati sa kanya ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa.
Pangwakas na Pagbati
12 Kahit na marami akong bagay na isusulat sa inyo, minabuti kong huwag ng gumamit ng papel at tinta, kundi inaasahan kong pumariyan sa inyo at makipag-usap nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan.
13 Ang mga anak ng iyong hinirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.[b]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001