Old/New Testament
Tagubilin sa mga Namumuno sa Juda
22 Pinapunta ako ni Yahweh sa palasyo ng hari ng Juda at 2 ipinasabi niya sa hari, sa mga lingkod nito, at sa lahat ng taga-Jerusalem: 3 “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala. Huwag ninyong sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng mga taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito. 4 Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatili ang paghahari ng angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan. 5 Subalit(A) kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, isinusumpa ko na aking wawasakin ang palasyong ito. 6 Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:
“Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Gilead, at nakakatulad ng Bundok ng Lebanon. Ngunit isinusumpa ko na gagawin ko itong isang disyerto, isang lunsod na walang mananahan. 7 Magpapadala ako ng mga wawasak dito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedar nito at ihahagis sa apoy.
8 “Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, ‘Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?’ 9 At ang isasagot sa kanila, ‘Sapagkat hindi nila tinupad ang kasunduan nila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyosan.’”
Ang Pahayag tungkol kay Sallum
10 Huwag ninyong iyakan ang isang taong patay,
o ikalungkot ang kanyang kamatayan.
Sa halip, tangisan ninyo si Sallum,
sapagkat siya'y dinalang-bihag, at hindi na magbabalik.
Hindi na niya makikita pa ang lupang kanyang sinilangan.
11 Ito(B) ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, “Umalis siya ng Juda at hindi na magbabalik. 12 Doon na siya mamamatay sa lugar na pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya makikita pang muli ang kanyang bayan.”
Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim
13 “Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya,
at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang.
Pinagtatrabaho niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran.
14 Sinasabi pa niya,
‘Magtatayo ako ng malaking bahay
na may malalaking silid sa itaas.
Lalagyan ko ito ng mga bintana,
tablang sedar ang mga dingding,
at pipinturahan ko ng kulay pula.’
15 Kung gumamit ka ba ng sedar sa iyong bahay,
ikaw ba'y isa nang haring maituturing?
Alalahanin mo ang iyong ama; siya'y kumain at uminom,
naging makatarungan siya at matuwid;
kaya siya'y namuhay na tiwasay.
16 Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan,
kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay.
Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala.
17 Subalit kayo, wala kayong iniisip kundi ang sariling kapakanan.
Pumapatay kayo ng taong walang kasalanan,
at pinagmamalupitan ang mga tao.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
18 Kaya(C) ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Jehoiakim, anak ni Haring Josias ng Juda:
“Walang tatangis sa kanyang pagpanaw o magsasabing,
‘Mahal kong kapatid! O, ang kapatid ko!’
Wala ring tatangis para sa kanya, at sisigaw ng,
‘O, panginoon! O aking hari!’
19 Ililibing siyang tulad sa isang patay na asno;
kakaladkarin at ihahagis sa labas ng pintuang-bayan ng Jerusalem.”
Ang Pahayag tungkol sa Sasapitin ng Jerusalem
20 Umakyat kayo sa Lebanon at humiyaw,
sumigaw kayo hanggang sa marinig sa Bashan ang inyong tinig.
Kayo'y manangis mula sa tuktok ng Bundok Abarim,
sapagkat nilipol nang lahat ang kapanalig ninyo.
21 Nagsalita ako sa inyo noong kayo'y masagana,
subalit hindi kayo nakinig.
Ganyan na ang ugali ninyo mula pa sa inyong kabataan;
kahit minsan ay hindi kayo sumunod sa akin.
22 Tatangayin ng malakas na hangin ang inyong mga pinuno;
mabibihag ang lahat ng nagmamahal sa inyo.
Wawasakin ang lunsod ninyo at kayo'y mapapahiya
dahil sa inyong masasamang gawa.
23 Kayong nakatira sa mga bahay na yari sa sedar buhat sa Lebanon,
kaawa-awa kayo sa hirap na daranasin ninyo pagdating ng panahon,
gaya ng hirap ng babaing manganganak!
Ang Kahatulan ni Yahweh kay Jehoiakin
24 Sinabi(D) ni Yahweh, “Kung ikaw man, Conias, anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, ay naging singsing na aking pantatak, huhugutin kita sa aking daliri. 25 Ibibigay kita sa kamay ng mga ibig pumatay sa iyo, sa mga taong iyong kinatatakutan, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa kanyang mga sundalo. 26 Itatapon ko kayong mag-ina sa isang lupaing malayo sa lupang sinilangan mo. Doon na kayo mamamatay. 27 At hindi na kayo makakabalik sa sariling bayan na nais ninyong makitang muli.”
28 Ito bang si Conias ay tulad sa isang bangang itinakwil, basag, at walang ibig umangkin? Bakit siya itinapon, pati ang kanyang mga anak, sa isang bansang wala silang nalalaman?
29 O aking bayan!
Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh!
30 Ganito ang sinasabi niya:
“Isulat mo tungkol sa lalaking ito na siya'y hinatulang mawawalan ng anak,
na hindi magtatagumpay sa kanyang buhay,
sapagkat wala siyang anak na hahalili sa trono ni David
at maghaharing muli sa Juda.”
Ang Pag-asang Darating
23 Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay. 2 Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. 3 Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami. 4 Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
5 “Nalalapit(E) na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran. 6 Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”
7 Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ 8 At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”
Pagtuligsa sa mga Propetang Sinungaling
9 Tungkol sa mga bulaang propeta, ito ang pahayag ni Jeremias:
Halos madurog ang puso ko,
nanginginig ang aking buong katawan;
para akong isang lasing, na nasobrahan sa alak,
dahil sa matinding takot kay Yahweh
at sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat napakaraming tao sa lupaing ito ang hindi tapat kay Yahweh;
ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapairal ng masama.
Dahil sa kanyang sumpa, nagluksa ang buong lupain
at natuyo ang mga pastulan.
11 “Wala nang takot sa akin ang mga propeta at ang mga pari;
gumagawa sila ng kasamaan maging sa loob ng aking Templo,” ang sabi ni Yahweh.
12 “Kaya magiging madulas at madilim ang kanilang landas;
sila'y madarapa at mabubuwal.
Padadalhan ko sila ng kapahamakan;
at malapit na ang araw ng kanilang kaparusahan.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Malaking kasalanan ang nakita kong ginagawa ng mga propeta sa Samaria:
Sila'y nanghuhula sa pangalan ni Baal
at inililigaw ang Israel na aking bayan.
14 Ngunit(F) mas lalo pang kasuklam-suklam ang namasdan ko sa mga propeta sa Jerusalem:
Sila'y nangangalunya at mga sinungaling,
pinapalakas pa nila ang loob ng gumagawa ng masama,
kaya wala nang tumatalikod sa kanyang masamang gawa.
Naging katulad na sila ng mga taga-Sodoma at Gomorra.”
15 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga propeta:
“Halamang mapait ang ipapakain ko sa kanila
at tubig na may lason naman ang kanilang iinumin,
sapagkat lumaganap na sa buong lupain ang kawalan ng pagkilala sa Diyos, dahil sa mga propeta sa Jerusalem.”
16 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kasinungalingan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi ay kathang-isip lamang nila at hindi nagmula sa akin. 17 Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, ‘Magiging mabuti ang inyong kalagayan’; at sa mga ayaw tumalikod sa kasalanan, ‘Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.’”
18 Subalit isa man sa mga propetang ito'y hindi nakakakilala kay Yahweh. Wala man lamang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos. 19 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, parang nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama. 20 Hindi maaalis ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito.
21 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila. 22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa.
23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. 24 Walang(G) makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. 25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! 26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? 27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. 28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. 29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. 30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. 31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. 32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”
Ang Pasanin ni Yahweh
33 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o pari, ‘Ano ang ipinapasabi ni Yahweh?’ ganito ang isagot mo, ‘Kayo ang nagiging pabigat kay Yahweh, kaya kayo'y itatakwil niya.’ 34 Ang bawat propeta, pari o sinumang magsalita ng, ‘Ang nakakabigat kay Yahweh,’ ay paparusahan ko, pati ang kanyang sambahayan. 35 Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 36 Ngunit huwag na ninyong sasabihin kahit kailan ang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh.’ Mabibigatan talaga ang sinumang gagamit ng mga salitang ito, sapagkat binabaluktot niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buháy, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh. 37 Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 38 Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang mga salitang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh,’ matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon, 39 kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakakabigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. 40 Ilalagay ko kayo sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi ninyo malilimutan habang buhay, at kayo ay hahamakin habang panahon.”
1 Mula kay Pablo, lingkod[a] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.
Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, 2 at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. 3 Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.
4 Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.
Mga Gawain ni Tito sa Creta
5 Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. 6 Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. 7 Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[b] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, 8 bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. 9 Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.