Old/New Testament
Walang Kabuluhang Pakikipagkasundo sa Egipto
30 Sinabi ni Yahweh,
“Kawawa ang mga suwail na anak,
na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban;
nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan,
palala nang palala ang kanilang kasalanan.
2 Nagmamadali silang pumunta sa Egipto
upang humingi ng tulong sa Faraon;
ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin.
3 Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong,
at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon.
4 Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno,
at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes,
5 mapapahiya lamang kayong lahat,
dahil sa mga taong walang pakinabang,
hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan,
wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”
6 Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto:
Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati,
sa lugar na pinamamahayan ng mga leon,
ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon;
ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo,
upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
7 Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan,
kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.”
Tumangging Makinig ang Israel
8 Halika, at isulat mo sa isang aklat,
kung anong uri ng mga tao sila;
upang maging tagapagpaalala magpakailanman,
kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
9 Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,
sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10 Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”
At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.
Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,
at ang mga hulang hindi matutupad.
11 Umalis kayo sa aming daraanan,
at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”
12 Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel:
“Tinanggihan mo ang aking salita,
at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala.
13 Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,
tulad ng pagguho ng isang marupok na pader
na bigla na lamang babagsak.
14 Madudurog kang parang palayok
na ibinagsak nang walang awa;
wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,
o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”
Magtiwala kay Yahweh
15 Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;
kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”
Ngunit kayo'y tumanggi.
16 Sinabi ninyong makakatakas kayo,
sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,
ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17 Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,
sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;
matutulad kayo sa tagdan ng bandila
na doon naiwan sa tuktok ng burol.
18 Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;
sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;
mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan
19 Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya. 20 Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo. 21 Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.” 22 Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”
23 Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.
24 Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop. 25 Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore. 26 Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.
Paparusahan ng Diyos ang Asiria
27 Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh,
nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap;
ang mga labi niya'y nanginginig sa galit,
at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
28 Magpapadala siya ng malakas na hangin
na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan.
Wawasakin nito ang mga bansa
at wawakasan ang kanilang masasamang panukala.
29 Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel. 30 Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo. 31 Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbabanta ng pagpaparusa. 32 Ang bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng mga tamburin at lira. 33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon.
Ipagtatanggol ng Diyos ang Jerusalem
31 Kahabag-habag kayong umaasa sa tulong ng Egipto
at nagtitiwala sa bilis ng kanilang mga kabayo,
nananalig sa dami ng kanilang mga karwahe,
at sa matatapang nilang mangangabayo,
sa halip na sumangguni at umasa kay Yahweh,
ang Banal na Diyos ng Israel.
2 Alam ni Yahweh ang kanyang ginagawa, nagpapadala siya ng salot.
At gagawin niya ang kanyang sinabi.
Paparusahan niya ang gumagawa ng masama
at ang mga tumutulong sa kanila.
3 Hindi Diyos ang mga Egipcio; sila'y mga tao rin,
karaniwang hayop din ang kanilang mga kabayo at hindi espiritu.
Pagkilos ni Yahweh, babagsak ang malakas na bansa,
pati ang mga tinulungan nito.
Sila'y pare-parehong mawawasak.
4 Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh:
“Walang makakapigil sa akin sa pagtatanggol sa Bundok ng Zion,
kung paanong ang leon ay hindi mapipigil sa paglapa nito sa kanyang biktima,
kahit pa magsisigaw ang mga pastol.
Kaya't sa pagdating ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang makakapigil,
upang ipagtanggol ang Zion at ang mga burol nito.
5 Tulad ng pag-aalaga ng ibon sa kanyang inakay,
gayon iingatan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang Jerusalem.
Ipagtatanggol niya ito at ililigtas;
hindi niya ito pababayaan.”
Magbalik-loob kay Yahweh
6 Sinabi ng Diyos, “Bayang Israel, magbalik-loob ka sa akin,
labis-labis na ang ginawa mong paghihimagsik.
7 Pagdating ng araw na iyon, itatapon ng bawat isa
ang kanyang mga diyus-diyosang pilak at ginto
na sila-sila rin ang gumawa.
8 “Ang mga taga-Asiria'y malulupig sa digmaan, ngunit hindi tao ang wawasak sa kanila;
sila'y magtatangkang tumakas,
ngunit aalipinin ang kanilang mga kabataan.
9 Sa tindi ng takot, tatakas ang kanyang pinakapinuno,
at iiwan ng mga opisyal ang kanilang bandila.”
Ito ang sabi ni Yahweh,
ang Diyos na sinasamba at hinahandugan sa Jerusalem.
Ilang mga Tagubilin
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
2 Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. 3 Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong katuwang, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang mga pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! 5 Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
8 Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. 9 Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Salamat sa Inyong Tulong
10 Labis akong nagagalak sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng mahabang panahon, minsan pang ipinamalas ninyo ang inyong pagmamalasakit sa akin. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan, wala nga lamang kayong pagkakataong ipamalas ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos; alam ko rin kung paano managana; natutunan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. 13 Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.
14 Gayunman, ikinagagalak ko ang inyong pagdamay sa aking mga paghihirap. 15 Alam(A) naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesyang tumulong sa aking mga pangangailangan nang umalis ako sa Macedonia noong ako'y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita. 16 Noong(B) ako'y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. 17 Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala. 18 Ang(C) liham na ito ang pagkilala sa lahat ng mga kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa pangangailangan ko ang tulong ninyo sa akin na hatid ni Epafrodito. Ang mga ito ay tulad ng mabangong handog sa Diyos, mga alay na katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa kanya. 19 At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 20 Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.
Pangwakas na Pagbati
21 Paratingin ninyo sa lahat ng mga hinirang ng Diyos kay Cristo Jesus ang aking pagbati. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko rito. 22 Binabati rin kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos, lalo na ng mga naririto sa palasyo ng Emperador.
23 Nawa'y taglayin ng inyong espiritu ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.